Wala lang, bigla lang akong nangarap nang gising.
Nakaupo lang ako, dilat na dilat pa man din.
Basta na lang naisip ko, ano kaya kung manalo ako sa loto?
Na sinundan ng kung ano-anong mga plano.
Kung bigla akong magkaroon ng napakalaking pera.
Halimbawa’y nanalo ako sa loto, sang-daang milyong piso nakuha.
O kung ‘sang araw sa ‘ki’y may nagbigay ng perang napakalaking
halaga,
maaaring isang matandang milyonaryong wala ng pamilya,
ang naghahanap ng mapagbibigyan ng kayamanan niya,,
o kaya’y sa labis na tuwa dahil tinulungan ko siyang makatawid sa
EDSA.
O maaaring isang kamag-anak pala ng hari sa aki’y nag-gantimpala
dahil naibigay ko ang panyo niyang matagal ng nawawala,
na sa kanya’y may napakalaking sentimental na halaga.
Siguro, kung magkagano’y matatagpuan ko na’ng buhay na hinahanap.
Unang-una’y itatago ko’ng kalahati nito para sa hinaharap.
At sa natira ay magtatayo ako ng aking pangkabuhayan,
sampu o labing-limang bahay-paupahan.
Pagkatapos ay bibilhin ko na ang pangarap kong payak na bahay,
iyung malapit sa bundok, tanaw ang dagat, tahimik na buhay,
nasa limang-daang metro kuwadrado,
napapaligiran ng mga halaman at puno.
Bibigyan ko’ng aking apat na kapatid ng pangkabuhayan,
pati ang isang kaibigan, tapusin ang kanyang bahay ay tutulungan.
Magbibigay din ako sa itinatangi kong mga kawang-gawa,
sa bahay-ampunan, o Simbahan at sa tahanan ng mga Nakatatanda.
Maglalaan din para sa mga kakilala kong nangangailangan,
at pupuntahan ang mga lugar na gusto ko pang mapasyalan.
Sa loob ng mahabang panahon ay masikap na hinihintay.
Ito na marahil ang pinakapapangarap na simple at patas na buhay.
Iyung kahit may kinabukasan na’y tuloy pa rin sa hanap-buhay,
ngunit ‘di na nagpapakahirap pa upang sumaganang mabuhay.
Na kahit ‘di na magpakapagod ay may biyayang naghihintay,
habang may kakayahan pang makatulong sa mga kapit-bahay.
Kung mayroong kahilingan sa aking kaarawan,
sana ako, sa kayamanan ay mabiyayaan
upang matugunan ko sino mang kapos-kapalaran
dahil ito talaga ang nais kong isakatuparan.
Ang gusto ko lang naman,
ay makatulog nang walang problemang pag-iisipan.
Siyanga pala, may adbokasiya pa akong nais gampanan.
Nais kong magtayo ng isang lugawan,
para sa mga batang kumakalam ang tiyan.