Thursday, November 01, 2018

UNANG UNDAS


Nobyembre-uno.
Tiningnan ko ang mga litrato ng okasyon sa aming bahay.
Mula sa mga bagay-bagay hanggang sa mga litrato ng aking nanay.

Habang tinitingnan ko ang mga litrato ng aking nanay,
mga litrato ng kanyang kaarawan,
 ay napaisip ako na ang mga litratong ito na pala ang magiging mga huling okasyon na makakasama namin siya.
Lalo iyung kanyang ika-78 taon,
wala kaming kaalam-alam na makalipas lang pala ng isang buwan ay mawawala na siya.
Iyun na pala ang mga huling larawan niya,
mga huling ngiti,
mga huling okasyon na makakasama namin siya,
mga huling pagkakataon na maipagdiriwang namin ang kanyang kaarawan.

Habang tinitingnan ko ang mga litrato ay naala-ala ko ang naging paglalakbay niya sa buhay.
Ang kanyang pakikipaglaban sa karamdaman.
Mga panahon na pinabababa ang asukal sa katawan,
ang presyon ng kanyang dugo.
Kapag isinusugod siya sa ospital,
kapag nilalapatan ng gamot,
hanggang iuwi para magpagaling sa bahay.

Habang tintingnan ko siya sa mga litrato,
Nababanaag ko ang lungkot, hirap at sakit sa kanyang mga mata
Nakikita ko ang pagod sa kanyang mukha.
Parang nahihirapan siya.
Parang gusto na niya.
Parang ang pumipigil lang sa kanya ay ang kagustuhang ayaw iwanan ang kanyang pamilya.

Parang kaylan lang ay inaala-ala niya ang mga namayapang kapamilya.
Ngayon ay siya na ang aming ginugunita sa araw ng mga patay.
Ito ang unang undas na siya na ang aming inaala-ala,
ang dinadalan ng bulaklak sa simenteryo,
ang pinagtitirikan ng kandila,
at pinag-aalayan ng dasal.

Unang undas,
pagkatapos ng matagal ding panahon
ay magkakasama na sa kabilang-buhay
ang mga minsa’y nakasama-sama namin.

No comments: