Saturday, June 13, 2020

PAG-ATAKE NG TAKOT


Ito iyung kumakabog ang iyong dibdib kahit hindi mo gusto.  Sa medesina, ito ay dahil tumataas ang endorphins sa iyong utak kaya nagkakaroon ka ng sobrang takot na humahantong sa pagkabalisa.  Natatakot ka pero kahit pigilin mo ay hindi mo makontrol kasi alam mong nasa isip mo iyung katotohanang nakakatakot ang mga nangyyari.  Natakot ka sa mga nagatibo na maaring mangyari dahil sa kasalukuyang sitwasyon.  Nakakadagdag pa iyung ang tingin mo sa mga tao ay tahimik at malungkot kung kaya’t ikaw ay lalong nalulungkot.  Ang tingin mo ay napakababa ng moral ng mga tao kaya dahil dito ay wala kang mapaghugutan ng pag-asa, mapagkuhanan ng lakas at wala kang makitang positibo na magpapataas ng moral mo.

Ito iyung kumakabog ang iyong dibdib kahit hindi mo gusto.  Natatakot ka pero kahit pigilin mo ay hindi mo makontrol kasi alam mong nasa isip mo iyung katotohanang nakakatakot ang mga nangyayari.  Natakot ka sa mga nagatibo na maaring mangyari dahil sa kasalukuyang sitwasyon.  Nakakadagdag pa iyung ang tingin mo sa mga tao ay tahimik at malungkot kung kaya’t ikaw ay lalong nalulungkot.  Ang tingin mo ay napakababa ng moral ng mga tao kaya dahil dito ay wala kang mapaghugutan ng pag-asa, mapagkuhanan ng lakas at wala kang makitang positibo na magpapataas ng moral mo.

May isang taon na ang nakalipas ay dumaan ako sa pagkabalisa.  Biglang-bigla ay nakadama ako ng pagkabog ng aking dibdib.  Ang pakiramdam ko ay takot ako pero hindi ko alam kung bakit ako natatakot, basta ramdam ko ang takot na pabilis ng pabilis ang kabog ng aking puso na ang pakiramdam ko ay hindi ko makakaya at anumang oras ay sasabog at takasan ako ng katinuan.  Nakakataranta.  Pakiramdam na parang mababaliw ka  - iyun ang sobrang pagkabalisa ko.  Ang naging sandigan ko nuon ay isang dasal.  Nagdasal ako sa Diyos upang pakalmahin ako.  Dininig naman Niya, bagamat hindi ganap na tumigil ang aking kaba ay binigyan naman nito ako ng pagkakataon upang tumawag sa isang kaibigan.  Kailangan ko ng kausap.

Sa mga tao na may pinagdadaanang pagkabalisa, alam kong mahirap ngunit gumawa kayo ng paraan na labanan ito.  Una sa lahat, ipagtapat ninyo ito sa isang tao.  Kahit papaano ay may isang tao kayong dapat mapagsabihan dahil kailangan ninyo ng may makakausap upang ang isip ninyo ay mawaglit sa iniisip ninyong takot.  Nakakadagdag din ng kapayapaan ng isip na alam mong may taong nakakaalam at dumadamay sa pinagdaraanan mo.  At makakapagbigay sila sa iyo ng mga payo na hindi mo na maiisip dahil nasa panahong naguguluhan ka.

Nuong panahong inaatake ako ng takot, ang daming mga sumasagi sa aking isip na mga tanong at sitwasyon.  Uuwi ba ako sa bayan ko pero kung uuwi naman ako ay baka lalo akong dalawin ng lungkot at takot dahil nag-iisa ako at hindi ko makayanan.  Baka kapag nakita ako ng mga tao sa amin ay pag-usapan ako na “nag-abroad at umuwi ng baliw”.  Baka pag-uwi ko ay wala akong makitang trabaho at hindi ko mabayaran ang mga obligasyon ko.  Gustuhin ko mang magpatingin sa doctor habang nagtratrabaho ako sa ibang bayan ay hindi ko magawa dahil nag-aalala ako na baka tawagan ng ospital ang aking kumpanya at sabihin na may empleyado sila na nagpapatingin sa isip.  Kapag nalaman nila ay natatakot akong alisin sa trabaho at pauwiin.  Dahil nasa panahon nuon na magpapalit na kami ng kontrata ay natatakot din ako na baka hindi ako tanggapin ng bagong kumpanya.  Iyung sa sobrang takot ko ay nalulungkot na ako sa aking sarili dahil hindi ko malabanan ang takot.  Iyung hanggang sa paghiga ko para matulog ay ramdam ko ang kabog ng aking dibdib.  Ito yung sa sobrang hindi ko makaya ay umiyak ako sa harap ng aking superbisor.

Alamin mo ang iyong pinagdaraanan at kapag alam mo na ay tanggapin mo at hanapin mo ang lunas.  Hindi nakakahiya ang magpatingin sa doktor dahil ito ay hindi “sakit” kundi isang sitwasyon lamang ng pag-iisip.  Kung makakaya mo sa sarili mo lang, mabuti dahil naruon ang katatagan sa puso mo.  Para makalimutan ang takot, mag-isip daw ng mga masayang bagay o pangyayari na nagdaan para muling sumaya.  O isipin ang mga pangarap at plano mo upang maramdaman mo yung kasabikan at malimutan mo ang takot.  Pero ang mga ito ay mahirap dahil nga ang isip mo ay okupado na ng takot.  Sa pagsaliksik ko, natagpuan ko ang isang kilalang duktor na maraming mga payo sa kanyang mga taga-subaybay.  Natutunan ko sa kanya ang tamang paghinga, kahalagahan ng paglilibang sa sitwasyon na ganito, at ang mga natural na lunas sa pagkabalisa.

May nagpayo sa akin na kapag nasa trabaho ako at nararamdaman kong aatake ang takot ay tumayo ako at maglakad upang hindi makasingit ang takot.  Sinusunod ko naman kahit nakakapagod.  Naruon na pagkatapos ng trabaho ay naggagala ako sa labas ng may tatlong oras.  Literal na pinapagod ko ang aking sarili at mahirap dahil bukod sa pagod na ang aking isip sa kakaisip sa kalagayan ko ay pagod na rin ang aking katawan na kahit ramdam kong inaantok na ako sa kakalakad ay nilalabanan ko hanggang sa makauwi ako at makatulog agad ako.  Ginawa ko ang maglakad ng malayo, sa pagpapahinga ay nakikinig ng mahinang musika upang hindi ko maisip ang lungkot at takot, upang makatulog ay nagbibilang mula isa hanggang sa kung hanggang saan makaabot.  Nakatulong din sa kin ang pagkakalipat ko sa bagong kumpanya dahil naging abala ako sa pag-aayos ng mga gamit at naging bago ang aking kapaligiran.  Mahalaga dito ang magkaroon ka ng bago sa paningin upang ang isip mo ay mag-isip ng mga bago.  Ngunit ang pinakanakatulong sa akin ay ang panonood ng mga nakakatawang palabas.  Dito lumipas ang aking mga bakanteng oras hanggang manumbalik ang aking pakiramdam.

Ngayon ay nababalikan ko na nang walang takot ang pangyayaring ito sa akin.  Inisip ko kung anu-ano kaya ang mga dahilan kung bakit ako nakaramdam ng masidhing takot.  Una, pakiramdam ko ay nag-iisa ako.  Dahil sa pagtatapos ng aming kontrata sa trabaho ay nakaramdam ako ng lungkot at takot dahil nakikita ko ang mga kasamahan ko na isa-isang nag-uuwian.  Sa loob ng may tatlong buwan, unti-unti ay nasaksihan ko ang masakit na paghihiwalay ng mga magkakasama sa matagal na panahon.  Habang kami ay pakaunti ng pakaunti ay bigla kong naramdaman ang malaking pagbabago sa aming lugar.  Ramdam ko ang tahimik na kapaligiran, walang saya, walang ingay, walang kaganapan.  Mabigat sa dibdib ang paghihiwalay lalo kung alam mong labag sa dibdib ang pag-alis ng mga umaalis pero wala kaming magagawa.

Isa ring dahilan na naisip ko ay ang pagod sa trabaho.  May panahon na ang aking trabaho ay lagpas hanggang leeg.  Marami, sunod-sunod, mabilisan at lahat ay aking sinarili.  Iyun yung mga araw na hindi pa ako tapos sa minamadaling trabaho ay may mga naka-linya ng susunod kong dapat tapusin.  Iyung magsisimula ako ng maaga pa sa umaga, labing-limang minuto para mananghalian hanggang sa magaalas-cuatro na ay nagkukumahog pa ako.  May mga araw pa na ako ay nag-uuwi ng trabaho upang matapos o makabawas.  Natataranta ako at hindi ko na gustong mag-obertaym dahil mas gusto ko pa ang magpahinga dahil sa pagod.  Iyun yung mga panahong ni hindi ko na makuhang umihi at nararamdaman ko na nuon ang kaba sa dibdib sa mga trabahong baka hindi ko matapos.  Paglipas na lamang ng dalawang taon ay saka umatake ang aking pagkabagabag sa nerbiyos.

Malaki ang epekto ng pandemya na ito tulad ng pagkawala ng mga trabaho, pera, at banta sa ating kalusugan.  Ang laki ng pagbabago sa buhay natin dahil parang lumiit ang ating mundo na hindi natin mapuntahan o magawa ang mga dating pinupuntahan at ginagawa natin.  Pero makakaya natin ito basta’t pursigido tayo.  Hanggang wala pang natutuklasang lunas, ang banta ay laging nariyan, manatili lamang maingat.  Para sa iyong pamilya at kinabukasan, mag-iingat ka.  Sundin mo ang mga bagong normal sa ating ginagalawan ngayon.  Gawin mo ng bahagi ng iyong buhay ang pagtatakip ng ilong at bibig kapag nasa labas, ang dumistansiya sa iyong kapwa, at ang paglilinis ng katawan lalo na ang mga kamay.  Pansamantala lang naman ang sitwasyon na ito at makakabalik na tayo sa dating mundo na gusto nating saksihan.

No comments: