Sa isang isyu, mayroong pabor at kontra. Paano malalaman kung sino ang tama at mali? Kung mas malalim, may saysay at may pagpapatunay sa iyong argumento, malamang kaysa hindi ay ikaw ang tama. Huwag ng idagdag kung ang puntos mo ay mas marami. Ganito ang nangyari sa paglalagay ng dolomite sand, o pekeng puting buhangin sa Manila Bay.
Bago ang lahat, gusto kong gumanda ang Manila bay, sino ba ang may ayaw? Pero duon tayo lagi sa tama. Maraming mali sa ginawa. Ang argumento ng kabila“Nung madumi, ang reklamo ay bakit hindi linisin, ngayong pinapaganda ay bakit nagrereklamo pa rin?” Una, sablay ang argumento nila. Ang inirereklamo ay madumi, hindi pangit. Kaya dapat linisin hindi i-peke na pagandahin. Kasi kung malinis naman ang look ay gaganda na iyon.
Pangalawa, tama bang gawin ito ngayon? Mali na gawin ito sa panahon ngayon dahil mas kailangang unang tugunan ang pangangailangan ng pandemniya. Kawalan ng damdamin (insensitive) ito sa panahon na marami ang namamatay, nawawalan ng trabaho, nagugutom, at nahihirapang mga frontliners dahil sa pandemya na hindi matugunan nang maayos dahil wala na daw pera.
Pangatlo, mali na lagyan ng pekeng puting buhangin ang baybayin ng Manila bay dahil sa kasaysayan ng Manila bay ay maraming beses ng umaapaw ang tubig nito at inaanod kung saan-saan ang anomang nasa tubig. Magsasayang lang tayo ng pera, panahon at lakas. Aanurin lang ng baha ang perang ginastos para dito. Kung sana ay nire-allign na lang ang P28M sa distance learning ng mga bata, dahil wala daw pondo para dito.
Pang-apat, mali na naman dahil ayon sa DOH ay delikado sa kalusugan ang dolomite sand. May mga negatibong epekto sa kalusugan ang paglanghap sa dinurog na dolomite, na kapag na-inhale ng mga tao ay may mga adverse reactions. Ang dolomite dust, pag napunta sa mata, nagkakaroon ng kaunting irritation. Pag na-ingest, magkakaroon ng kaunting pananakit ng tiyan at pagtatae,". Nauna nang sinabi ng grupong Infrawatch Philippines na nagdudulot ang dolomite dust ng iritasyon sa mata, mga sakit sa baga at maging cancer.
Pang-lima, mali na naman ito kasi sabi ng Oceana Philippines, madaming nilabag na batas ang proyekto dahil sa kawalan ng environmental impact assessment, at hindi rin kinonsulta ang publiko tungkol dito.
Pang-anim, kung tungkol sa sinasabi nilang matagal na itong approved bago pa magkaroon ng COVID, eh hindi ba binigyan ng executive emergency power si du30 na ire-allign ang budget ng kanyang mga ahensiya at ang mga non-essentials ay maaari niyang gamitin sa pag-control sa covid? Kahit pa matagal na itong approved ay hindi nila ito pwedeng ituloy dahil nga hindi into essentials sa panahon ng pandemniya.
Pang-pito, mali pa rin ito dahil ang kailangan para mapaganda ang Manila bay ay ang paglilinis ng mga nakapaligid dito. Nuon pa natin alam ito. Siguro 1986 pa o baka mas nauna pa. Mas lalo ngayon na ang daming squatters na naka-squat malapit sa Manila bay na siyang punot-dulo ng mga basurang inaanod sa baybay ng Manila bay.
Ang tama lang sa argumento ng kabila ay ang intensiyong pagandahin ang Manila Bay, pero ang nag-iisang punto na ito ay dinaig ng mga nabanggit sa itaas.