Mainit na naman ang usapin tungkol sa death penalty (DP). Ang mga tao, nakakakuha ng pagkakataon na pag-usapan ito kapag may krimeng nangyayari. Gustong-gusto ng DP, ayusin kaya muna ang paginterpret sa kahulugan ng batas, paghawak sa mga kaso, at ang pagpagpapatupad ng parusa. Sundin kaya muna ang “the law is the law”. Batas na nga sila-sila pa ang lumalabag dito – iyung illegal gagawing legal, ang smuggled pwedeng maging justified. Mataas pa sila sa batas, pwede naman pala baguhin ang batas so gaano ka-katiwala sa DP na yan kung kayang-kayang baguhin ang batas? Sa ganitong kultura, paano tayo magtitiwala sa DP. Repormahin muna nila ang sistema ng batas at ang mga sarili nila.
May DP man o wala ay meron pa ring mangyayaring krimen. Sa mga mauunlad na bansa nga may DP na pero natapos ba ang heinous crime? Kung para ipanakot, sa palagay mo ba sa ora mismong nagaganap ang krimen ay matatakot sa DP ang isang taong galit na galit at sobrang haling? Nakakatakot ang DP kapag natapos na ang krimen o kapag ganitong ordinaryong oras na napag-uusapan lang. Para mangaunti ang krimen? Hindi sa uri ng parusa kaya maraming krimen. Dumadami ang krimen dahil sa uri at antas ng buhay sa Pilipinas. Iyung uri ng buhay na namulat at lumaki sa baluktot na kalakaran sa paligid, at yung hirap sa buhay dahil sa hindi patas na dikta ng lipunan – diyan natutong gumawa ng krimen ang mga tao. At kapag nakagawa ng krimen, wala namang pangil ang sistema ng hustisya natin. Eh kasi kaya naman lusutan ang kaso, kasi matagal naman umusad ang kaso, kasi nababayaran naman ang huwes, kasi may padrino system naman, kasi patatakasin ka naman kapag nakulong ka na, ksi pwede naman VIP sa loob ng bilangguan – ang mga kulturang ito ang nagpapabale-wala ng takot sa batas.
Oo hindi dahilan ang kahirapan para gumawa ng krimen, pero sa mundong mahirap ang maging mahirap, para kang ibinubuyo sa mga kasalanan. Ang malakas ang pananalig sa Diyos, sila ang nakakaiwas sa mga kasalanan. Magandang mapataas ang antas ng buhay upang matulungan ang mga taong maka-iwas gumawa ng illegal na pagkakabuhayan. Tanggalin ang ugat ng kasalanan. Karamihan sa mga bansang may DP sa panggagahasa ay mahigpit sa pornograpiya, alak at ipinagbabawal na gamot kaya hindi ganuon kadami ang krimen dahil pinuputol na nito ang ugat. Magagawa ba ito sa Pilipinas? Maipapasara ba ang pabrika ng alak at mga nayt klab? Malalambat ba ang mga malalaking sindikato ng droga? Kung tutuusin hindi na dapat may DP kung maayos lang sana ang justice system natin. Kaya lang nasasabi ng mga tao na dapat may DP kasi galit sila, galit sila kasi dumadami ang krimen, at dumadami ang krimen kasi hindi maayos ang pagpapatupad ng batas. Kailangan ng matinding reporma sa batas/hustisya. Wala ng palakasan, wala ng politika. Dapat iyung hindi korap ang nagpapatupad ng batas nang tapat mula sa paghuli hanggang sa pagsistensiya, iyung ipapatupad kahit kangino at maging sino. Kahit anong parusa, may krimen at krimen pa rin kasi wala naman sa klase o bigat ng parusa yan kundi nasa paghubog sa mga mamamayan, pamahalaan at lipunan: mas magandang paghuhulma – mas disiplinado, mas kakaunti ang krimen, mas hindi kakailanganin ang DP. Hindi kaya ng parusang kamatayan na patayin ang patayan, ngunit kung isasabuhay ang kamatayan habang-buhay, totoong mararamdaman ang buhay-patay ng walang-awang pumatay.
Bakit adik na adik kayo sa DP? Bakit atat na atat kayo sa patayan? Karahasan sa karahasan, gusto nyong patayin ang pumatay, ano kayo ngayon - ang maamong tupa? Hindi kyang patayin ang patayan kung patayan pa rin. Kung may DP ba siguradong walang ni-rape na pinatay? Walang magsisindikato ng droga? Hindi, dahil naririto pa rin tayo sa buhay na ito – nakasadlak. Bakit hindi tulungang makawala sa pagkakasadlak? Bakit hindi muna unahing linisin ang mga ugat ng kasalanan? Kung may DP ba siguradong hindi na mambabaril ang mga pulis na nasasangkot sa alitan? Bakit hindi paglilinis muna sa hanay ng kapulisan ang gawin para huwag maging abusado, mainitin ang ulo at mawala ang mga pasaway. Sobrang-arte - minura lang ang anak papatay na? Patay agad hindi pwedeng hulihin muna, di pwedeng ikulong muna? Hayan at kitang-kita na’ng pumatay ang isang pulis pero ang mga kabaro niya at mga mataas sa gobyerno ay kanya-kanyang pagtatanggol at pagtutuwid sa baluktot na katwiran. Mula sa Senator na nagsasabing intindihin ang pulis, hepe na ang sabi huwag sisihin ang pulis dahil binastos lang ito, at maganda daw ang karakter ng pulis dahil kusang sumuko daw, pano mo pa maasahang magiging patas ang parusa sa DP? Meron ngang lumalabag na sa batas ng COVID protocols naaabsuwelto at na-promote pa, merong nakakabaril sa maling akala, at may nagtatanim ng ebidensiya – paano kung ma-DP ka sa tanim-ebidensiya na yan? Kailangan ng mulimg oryentasyon sa asal at ugali upang mabago ang mentalidad ng mga tiwaling-pulis. Oo hindi lahat ng pulis ay masama – may mabubuting pulis pero kailangan nilang kondenahin ang mga kasamahan nilang tiwaling pulis upang hindi sila makahawa.
2 comments:
@----------- Kapag kinunsinte mo ang karahasan, ano pa ang aasahan mo? Bakit ngayon ay kinokondena ng mga DDS karahasang ginagawa ng mga kriminal eh sila nga ang nag-promote ng patayan? Di ba kinokontra nga nila ang utos na “Huwag kang papatay”? O hayan, lokoh.
@__________ Bakit ang lalakas na ng loob ng mga pulis ngayon? Kasi nang ipakita ng mga DDS ang pagsuporta sa mga pulis na pumatay ng mga suspek nuong tokhang, nang ipagtanggol ang mga pulis ng misong Pangulo at doblehin ang kanilang sahod nang hindi muna nilinis ang hanay ng kapulisan – iyung impunity duon sila kumuha ng lakas na gumawa ng kung ano-ano kasi maaabsuwelto sila.
Post a Comment