Isa ang Pilipinas sa pinakamahabang nag-lockdown sa buong mundo dahil sa COVID, at isang taon mula nang magkaroon ng pandemniya, nasaan na tayo ngayon?
Isang taon na nang sinabi ko na dapat ay maging kalmado at unawain natin ang ating pamahalaan kaysa sa magkaroon ng pamumuna at galit.
Isang taon ng mahigit ngayon nang ipahayag ko ang paniniwala kong kailangang sumunod na lamang muna sa mga awtoridad ang mga tao at isang-tabi muna ang pagkakaiba at pagpuna bagkus ay makiisa at kung ano man ang mga dapat ayusin ay pag-usapan na lamang pagkatapos ng lahat – alang-alang sa pagsugpo sa pandemniya.
Nuong mga panahon na iyon ay gusto kong pagbigyan ang mga taong nasa kapangyarihan na gawin nila ang dpat nilang gawin dahil naniwala akong sa mga oras na iyon ay nasa kanilang mga kamay ang kaligtasan ng mga tao.
Mas gusto kong pairalin ang pang-unawa kaysa magreklamo dahil alam kong mahirap ang kinakaharap na hindi inaasahang krisis, kaya pinilit kong inunawa ang mga kakulangan kaysa dumagdag sa alalahanin.
Mas gusto kong piliting maniwala na ginagawa lahat ng mga taong kinauukulan ang kanilang trabaho na protektahan ang maraming mamamayan kahit nakikita kong dapat sana ay gawin ang isang bagay pero ayaw gawin at ang ginagawa ay iyung mga bagay na sa tingin ko ay hindi muna dapat gawin.
Pinagbigyan, inunawa, hinayaan ko sila.
Pero iyung madalas ay nakikita, naririnig, nababasa o nababalitaan mo ang mga “kapalpakan”, duon ka na magsisimulang bawiin ang mga nauna mong sinabi.
Oo, pinagbibigyan mo at pilit mong inuunawa pero kapag ang dami ng nangyayaring hindi maganda ay wala kang magagawa kundi pumalag – alang-alang sa katuwiran, katotohanan, at sa mga totoong nagtratrabaho at nahihirapan na mga frontliners.
Ano ba talaga ang ginagawa ng mga taong inaasahan nating protesksiyonan tayo? Ang dami na kasing dapat hindi ginawa at nangyari.
“Sasampalin ko ‘yang gago na COVID na yan”, gaas daw ang nakakapigil sa veerus – “hindi uubra ang putang-inang COVID na yan”, unang magpapabakuna sa harap ng maraming tao, sa puwit magpapabakuna kaya hindi pwede sa maraming tao, hindi magpapabakuna dahil sa edad, mamatay ka na – ano mga ito?
Hindi daw dapat magtravel ban sa China dahil kaawaawa naman daw, huwag i-single out ang China, nagpamigay ng facemasks sa China habang ang sariling mamamayan na mahihirap na walang ipambili ng facemask ay nganga, nagkaroon ng anomalya sa PhilHealth sa overprie na IT equipment, anomalya sa pamamahagi ng SAP, pinolitika ang sunod-sunod na mabilis na kilos nina Mayor Vico at VP Leni, at nang humingi ng dagdag na tulong ang mga doctor at nurse dahil nahihirapan na ay hinamon kung gustong magrebolusyon.
Sa halip na mga bihasang doctor ay mga sundalo at pulis ang inilagay sa trabaho. Ang pang-gabing programa na bagay sa mga horror movies ay ginawang linguhang pag-uulat pero sa halip na tungkol sa paglutas sa COVID ay naging lugar para atakihin ang mga hindi sumasang-ayon sa pamamahala sa krisis.
May mga kalituhan sa mga patakaran na nagkakaiba-iba base sa lokalidad at ibat-ibang letra na ang ginamit para ilarawan ang uri ng quarantine: CQ, ECQ, MECQ, GQ, MGCQ, may hard at soft lockdown hanggang maging circuit breaker community quarantine na miring ipinapatupad sa mga pobreng mamamayan tulad ng ginang na naglalaba sa harap ng bahay at sinabi sa mga pulis na barilin ang mga lalabag pero ang mga heneral ay maaaring mag-manianita, ang senador ay maaaring magpunta sa ospital para ihatid ang asawang manganganak at ang tagapagsalita ay malayang nakakapagbasyon sa Boracay, Baguio, Bohol.
Ibinigay na lahat ng kapangyarihan sa pamamagitan ng Bayanihan To Heal as One Act, ibinigay ang lahat ng emergency power, mga karagdagang kapangyarihan, kabi-kabila ang mga utang sa World Bank, Asian Development Bank, AIIB para sa bakuna: US$100M nuong April 2020, US$500M May 2020, US$600M December 2020, US$500M at US$300M March 2021, bukod pa sa P10B mula sa DOH Bayanihan budget – pero nasaan na ang bakuna at puro donasyon ang natatanggap?
Ginawang essentials ang POGO workers upang makabalik-trabaho na samantalang ang ibang trabaho ng mga Pilipino na kailangagn kumita dahil hindi nabigyan ng ayuda ay hindi pinabubuksan.
Ang programang balik-probinsiya ng isang senador ay ipinilit sa panahon ng pandemniya upang pabanguhin ang pangalan ng senador ngunit isa ito sa naging sanhi ng pagkalat ng virus mula sa Maynila papunta sa mga probinsiya.
Wala na raw pera pero ipinagpilitang buhusan ng pondo ang Dolomite Beach na katakot-takot ang violation sa social distancing, facemask, paglabas ng mga senior citizens at mass gathering.
Nabisto ang mga patagong bakuna ng mga sundalo at pulis, mga smuggled na vaccine kinatrwiranang legal daw basta emergency, hindi pinirmahan ang dokumento para masigurado ang 10M doses ng Pfizer vaccines, ipinilit ang bakunang galing sa China, huwag daw choosy pero ang ilang opisyales ng gobyerno ay ayaw sa Sinovac at mas gusto sa Pfizer o AstraZeneca,
Paano kang tatahimik sa mga nangyaring ito? Paano mo hahayaang magbulag-bulagan sa mga ganitong pangyayari? At paano mo tatanggapin ang mga kapalpakan na ito? Maliban na lamang kung talagang panatiko ka na nga.
Isang taon na ngunit ganito pa rin tayo. Isang taon na at balik ulit tayo sa simula kasi ang mga tao ay nagsawa na dahil sa nakikita nilang malabnaw na ginagawa ng mga taong nakatataas sa kanila na dapat ay nangangalaga sa kanila.
Nasanay na rin ang mga tao na sila lagi ang sinisisi dahil sa kanilang hindi maiiwasang paglabas ng bahay.
Napipilitaan sila sa hindi maiwasang pagsisisiksikan sa isang lugar dahil ang lahat ng nasa paligid nila ay sanhi ng hindi nila kagustuhan tulad ng kakulangan ng masasakyan, masikip na lugar,
Napanatag na rin ang mga tao na parang nasanay na rin at nawalan ng konting takot dahil parang hindi naman kasi sinisiryoso ng mga nakakataas ang mga nangyayaring kapabayaan at kontrobersiya.
Isa ang Pilipinas sa may pinakamahabang lockdown sa buong mundo dahil sa mga taumbayan na napipilitang huwag sumunod sa gobyerno, at dahil din sa mga itinalagang tao na hindi ginagawa nang mabuti ang kanilang trabaho. Dahil kung ginagawa lang nila ang kanilang trabaho, hindi magpupumilit ang maraming tao na gawin nila ang kanilang kailangang gawin, at hindi aabot na magkaroon ng P.3 variant dahil sa napakahabang lockdown.