Friday, July 16, 2021

ANG PAGTULONG

Hindi ako mayaman.

May mga nabigyan, natulungan, napahiram ako – pinansiyal man, materyal o hindi materyal na bagay, pero ang mga iyon ay itinuturi kong mga wala na sa akin.

Wala na sa mga kamay ko ang mga iyon.

Hindi sobra ang aking mapagkukunan para sa aking pangangailangan.

Katunayan ay may mga pagkakataon na nangangailangan ako.

 

Nuong araw,

May mga inako akong mga pagkakagastusan ng pamilya dahil nagkataon na ako iyung may maitutulong-pinansiyal.

 

Desisyon ko na ako ang magpa-aral sa aking kapatid.

Dahil iyun lang ang maibibigay ko sa kanila na alam kong magiging malakas, marunong at matapang sila sa buhay.

Upang pwede ko silang hayaan dahil hindi naman habang-buhay ay kaya ko ang tumulong.

 

Nuon ay marami ang nagsabi sa akin na usapan (pagalitan/pagsabihan/pangaralan) ko raw ang isang kapatid ko na pagkatapos kong pag-aralin ay saglit na panahon lang ay lumagay na sa pagbuo ng pamilya.

Gusto nila na ako ang magsalita dahil ako ang may naibigay, pero ayokong gamitin ang katayuan ko para manumbat. 

 

Hindi ko sila pinag-aral para pagdating ng araw ay ako naman ang tulungan nila.

Hindi ako tumutulong para maging sunud-sunuran sila sa akin.

 

Hindi ko sila tinulungan para tumanaw ng utang ng loob sa akin.

Hindi para isumbat ang mga ginawa ko  - dahil para sa akin, kapag mayroon akong ibinigay ay wala na yun sa kaban ko.

 

Dumadating ang mga araw na nangangailangan din ako, pero ni minsan ay hindi ako nanumbat ng tao sa kabutihan na ginawa ko sa kanila upang ako naman ang tulungan.

 

Mas nanghihiram pa ako sa iba kaysa balikan ko sila at ipamukha ang nakaraan.

Mas gugustuhin ko pang manghiram sa may patong kaysa gipitin ang taong alam kong hindi ako mahihindian – pero ayaw ko ng ganuon.

 

Ang totoong pagtulong ay kagustuhan.

Ang pagtulong ay hindi obligasyon

Pinili mo ang tumulong dahil iyun ang nararapat.

 

Kung pinili mo at tinanggap mo ang tumulong, wala kang magiging pagsisisi pagdating ng araw.

Dahil ang pagtulong ay dapat bukal sa loob.

 

Huwag mong singilin ang mga taong tinulungan mo nung panahong kailangang-kailangan nila ng tulong mo dahil hindi nababayaran ang utang ng loob.

No comments: