Mas mabuti na ikaw ang tumulong kaysa sa ikaw ang tulungan dahil ang ibig sabihin lang nuon ay ikaw ang nakakalamang o ang may kakayahang tumulong. Masuwerte ka dahil ikaw ang may kakayahang tumulong kaysa sa ikaw ang nangangailangan ng tulong dahil ang ibig sabihin niyon ay ikaw ang wala sa mahirap na kalagayan at ang hindi nahihirapan.
Pero huwag mong ipakita kapag ikaw ay tutulong. Sa pagtulong, ang ginagawa ng kanang kamay ay
hindi dapat ipinapaalam sa iyong kaliwang kamay. Gawin mong tapat at totoo ang pagtulong. Hindi ipinagsasabi ang mga naitutulong,
hayaan mong ibang tao ang magsabi.
Hayaan mong ibang tao ang pumuri sa ginawa mong pagtulong.
At kapag tumulong ka, huwag mong tatandaan. Huwag mong ilista kung sino-sino ang mga
tinulungan mo at anu-ano ang mga naitulong mo.
Kalimutan mo na kung ano ang mga iyon.
Hindi na bali silang mga tao na natulungan mo na matandaan na ikaw ay
tumulong. Hindi mo dapat ipaala-ala ang
iyong tulong. Hayaan mo na sila ang
makaalaala. Kasi kapag tatandaan at ililista
mo ang mga ginagawa mong tulong ay ibig sabihin binibilang mo ang mga naitulong
mo. Dahil ba gusto mong malaman kung
gaano na kalaki ang mga naitulong mo?
Dahil ba gusto mong isipin kung magkano ang puwedeng bumalik sa
iyo? Kung ganuon ay hindi talaga bukal
sa loob mo ang pagtulong.
Kapag ikaw ay tutulong, huwag kang maghintay ng papuri o
pasasalamat sa akto ng ginawa mong pagtulong.
Huwag kang maghintay ng kapalit, o ng pagbalik ng ginawa mong tulong.
Dahil hindi ka tumulong para may tutulong din sa iyo kapag ikaw naman ang
nangailangan. Hindi ka tumulong para
pagdating ng araw ay may sisingilin ka. Tumulong
ka dahil iyon ang kinakailangan ng mga oras na iyon.
At huwag kang manunumbat. Huwag
mong bilangin, huwag kang magbilang ng naitulong mo. Huwag mong ipapamukha ang mga naitulong mo dahil
kapag ganuon ay parang naniningil ka na.
Kapag ganun ay nilalagyan mo ng halaga o presyo na kayang bayaran ang
mga ginawa mo. At hindi naman pala
talaga totoo ang ginawa mong pagtulong dahil kaya itong tumbasan ng anomang
kabayaran.
Ang utang ng loob ay walang katapat, kapalit at katumbas na
halaga. Pero kapag siningil mo ang
kabayaran sa utang ng loob at binayaran ka sa anomang paraan, wala ka ng
karapatang manumbat at magiging ikaw na ang may utang ng loob sa kanya dahil
ibinigay sa iyo ang kailangang-kailangan mo sa mga oras n kailangan mo iyung
gusto mo.
Kung hindi mo maiiwasan ang mga ito, huwag ka na lang magbigay at
tumulong para wala kang maisumbat. Dahil
kailangang totoo ka sa iyong pagtulong. Kapag
kusang loob, bukas sa puso at naturalesa ng isang tao ang pagtulong, hindi na
niya matatandaan ang mga ginagawa niyang pagtulong dahil wala lang sa kanya ang
ang mga iyon, kaya hindi na niya iyon maaalaala dahil para na lang ordinaryong
bagay ang magbigay at maging mabuti sa kapwa, dahil nga natural na sa kanya yun.