Tuesday, February 07, 2023

PAGKAKAIBIGAN

May limang taon na ngayon sa paghahanap ko ng totoong kaibigan, ibat-ibang paraan ang aking ginagawa upang matagpuan ko iyung magiging kasa-kasama ko sa mga problema, sa tagumpay, at sa ordinaryong pangyayari.  Mayroon akong mga binalikan na dating kaibigan upang panatilihin ang koneksiyon, mayroong kasalakuyang kasama na inilapit ko ang loob ko baka-sakaling maging kaibigan nila ako, at mayroong mga matagal ng kaibigan na hindi nakikita o nakikita na nang araw-araw pero mas pinataas ko pa ang antas ng relasyon upang siyang maging hudyat na ng pagiging totoong kaibigan.  Pero mahirap dahil walang kasiguraduhan ang lahat.  Napakalayo ng lugar namin sa isat-isa, o hindi ko alam kung makakasama ko sila o makakasama ko pa ba sila?

 

May mga tao na naging magaan na ang loob natin kahit nuon pa.  Yung kahit papaano ay naging kaibigan na natin dahil sila ang nakakasama natin nuon: kaklase nuong high school, dating katrabaho, o mga kababata.  Iyung katotohanan na naging magaan na ang loob natin sa kanila ay angkop na sila dun sa mga tao na gusto natin maging kaibigan.  Siguro dahil kamukha mo ang ugali nila, mga gusto nila, o anu pa mang katangian na nagtutugma kayo.  Hindi man nagtuloy-tuloy ang pagkakaibigan ninyo dahil nagkanya-kanya kayo ng tinahak na buhay ay kapag naaala-ala mo sila ay may amor pa rin kahit ilang taon na ang lumipas.  At masarap silang balikan upang ituloy ang pagkakaibigan kasi naruon na yung pagkakapareho sa inyong dalawa. 

 

Pero minsan bakit may nagbabadya pa rin na hadlang?  Sa may limang taong paghahanap ko ay may binalikan akong mga dating kaibigan pero mukhang hindi pagbibigyan yung kahilingan ko na makasama ko na sila nang tuluyan at maging kaibigan na habang-buhay.  Kasi hindi sila pipirmi sa lugar na titigilan ko kapag nagretiro na kami.  O di naman kaya ay hindi kami magtagtagpo sa bayan naming sinilangan kapag nagdesisyon kami na umuwi na dahil napakalayo ng lugar namin sa isat-isa.  O di kaya naman ay hindi namin tiyak kung magkikita pa ba kami dahil ang buhay ay una-unahan lamang.

 

May mga pangalawang pagkakataon.  May pakikipagkaibigan akong nabigyan ng pagkakataon na muling buhayin ang pagkakaibigan.  Pero may pagsisisi sa akin kasi dapat may ginawa ako nuon.  Sa mga panahon na bumubuo tayo ng pagkakaibigan na may magagawa naman tayo ay dapat nuon ko pa sana ginawa, disin sana ay nabuo at lumago na ang pagkakaibigan.  Maraming oras, bagay, at pagsubok ang nasayang na maaaring nagpatibay sana sa pagkakaibigan.  Para sa kaibigan ko nuon, nagkalayo at muling kumunekta, milya ang layo sa isat-isa: ang pagkakaibigan ay wala sa layo ng distansiya, dalas ng pag-uusap, at dami ng magagandang pangyayari na pinagsamahan kundi nasa kalakihan at kalinisan iyun ng magandang hangarin para sa isat-isa.

No comments: