Nang makalapag ako sa aking destinasyong may 762 kilometro ang layo mula sa pinangalingan kong siyudad ng Maynila, ang mga unang tumambad sa aking paningin ay ang napakapayapa at napakaaliwalas na kapaligirang namumutiktik ng mga punong natatanaw sa nakapalibot na kabundukan. Mula sa paliparan habang binabagtas ko ang kahabaan ng daan papunta sa kabihasnan ay walang tigil ang aking nararamdamang nakakaluwag sa dibdib at paghanga sa mga nakikita kong napaka-natural na kapaligiran sa paanan ng bundok at man din ay napakapayak na pamumuhay ng mangilan-ngilang namamahayan dito. Malinis, napakanatural at simple lamang ang Siargao. Mula sa tatlong araw ko sa Siargao ay nagtuloy ako sa Siyudad ng Butuan upang makita ang isang ilog na matagal ko ng pinapangarap makita. Ang pagpunta ko duon ay naging mahaba at nakakapagod na biyahe, ngunit sa loob ng may labing-isang oras ay naging tila telon sa pinilakang-tabing ang aking mga nakikita sa mga nadaraanan. Hindi ko na ininda ang tagal ng biyahe at higit sa kagalakan kong makita at mapuntahan ang tinatawag na nakakagayumang ilog ng Hinatuan (Hinatuan Enchanted River) ay may mga katotohanan at aral akong natutunan.
Habang binabaybay ko ang mga daanan, naisip ko na may ibang buhay dito. Habang ang Maynila ay tutok sa mga kaganapang-politikal, abalang naglalakihang pamilihan, ingay ng mga tao at sasakyan sa kalsada mula Pasay hanggang Kalookan, Quezon City, sentro ng Maynila at mga kalapit na kalakhang-Maynila, dito sa napakalayong probinsiya tulad ng Surigao ay gumagawa sila ng kanilang sariling buhay. Mayroon silang sariling kasiyahan na pinagtutuunan ng oras at binubuo ang sarili nilang kuwento ng buhay. Dito sa napakalayong lugar na nagsisimula ng umunlad na mga bayan ngunit masasabi pa ring napag-iiwanan pa ng makabagong-buhay ay bakas pa rin ang makalumang tanawin ng bundok, bukid at dagat. Bakas pa rin ang makalumang pamumuhay ng mga bahay, damit na kasuutan, mga disenyo ng kapaligiran at maging mga kaugalian, ngunit may sariling kasiyahang nangyayari dito lamang. Sa bawat istasyon ng bus na nararating sa magkakaibang oras, ibat-ibang tagpo ang sumasalubong sa aking mga mata. Mga tindero at tindera ng kakanin, mga nasa kalagitnaan ng buhay na hindi ko masabi kung naghahanap-buhay o nagbibiyahe lamang, mga estudiyante pagsapit ng ika-tatlo ng hapon, at ang mga manggagawa na nakasimpleng pananamit.
Sa may tatlong pagkakataon ay naranasan kong makipag-usap sa mga taong ganap na hindi marunong magsalita ng tagalog. Hindi ko sila itinuturi na pagkadismaya, kundi medyo kakatwa lang sa pakiramdam iyung mismong nasa sarili mo ng bansa ay hindi pa kayo magkaintindihan. At nakaramdam ako ng awa dahil gaano kahirap ang pinagdaanan nila para hindi nila mapag-aralan ang salitang ginagamit sa sariling bansa nila. Ilang pampublikong paaralan ng mga elementarya ang nakita ko. Mababang nababakuran ang malalawak na lupain, maaliwalas ang pagkakagawa ng mga silid-aralan na nakahilera sa kahabaan ng lupain, at napakalawak ng mga bakanteng lupain na maaaring galawan ng mga bata. Nanumbalik ang aking alaala nu’ng ako ay elementarya pa na malawak ang aming ginagalawang lugar sa loob ng aming paaralan. Malayo sa hitsura ngayon sa mga paaralan sa Maynila at karatig-bayan na siksikan dahil maliit ang espasyo na galawan, at ang mga gusali ng silid-aralan ay halos dikit-dikit.
Sa ilang terminal ay nakakakita ako ng mangilang kabataan na alam kong nasa yugto ng pagliligawan. Ito ang sa palagay kong kasabay sa mga kabataan sa Maynila dahil pagdating sa nararamdaman ng puso ay parehas lamang nasaang lugar ka man. Sa humahagibis na mga bus na tulad ng kinasasakyan ko, nadaraanan ko ang mga batang kumpulan na naglalakad sa gilid galing ng paaralan pauwi sa kani-kanilang bahay na ilang oras kaya nilang lalakarin. At sa ganap na alas-sais ng hapon habang unti-unti ng binabalot ng dilim ang kapaligiran, sa binabagtas ng sasakyan ay mangilan-ngilan na lamang ang mga taong naglalakad na aking nakikita. Hanggang sumapit ang ika-pito ng hapon at ganap ng madilim, sa mga bahay na nahahagip ng paningin ko sa nadaraanan ko ay tila ang mga tao ay nasa kani-kanila ng bahay at marahil ay naghihintay ng hapunan habang naghuhuntahan o nanonood ng telebisyon. Pasado ika-walo ng gabi ay nakarating ako sa huling istasyon ng aking biyahe. Wala na halos katao-tao, tila walang mga istraktura akong makita sa paligid, at tulad sa mga pelikula, isang maliwanag na ilaw lang ang tumatanglaw sa akin mula sa mataas nitong kinabibitinan ngunit ang paligid ay binalot na ng dilim nang lumayo na ang bus na aking sinakyan.
Iba ang takbo ng oras ng nasa malalayong lugar. Kung anoman ang mga nangyayari sa Maynila, meron silang mga sariling buhay dito. Maraming mga tao sa bawat abangan ng sasakyan na aking narating pero hindi nakakapagod ang ingay. Walang mga busina ng sasakyan na nakakabingi, mga sumisigaw sa pagtawag ng mga pasahero, naglalakasang tunog ng musika na pang-akit sa mga mamimili. Sa mahabang daraanan ay may mga malalawak na taniman, ang ala-una at ala-dos ng hapon ay tahimik at hindi matao ang kabahayanang malalayo ang pag-itan, may mga nadaraanang tabing-dagat, at ang gabi ay totoong tahimik at madilim. Kung ganito ang takbo ng buhay sa araw-araw, malamang nga na ang tao ay magiging simple lang ang buhay. Aakapin mo ito at sisikapin na pagyamanin ang kung ano ang nasa sa iyo upang makamit mo ang kaligayahan. Ngunit hindi pare-pareho ang mga tao. Kung ang personalidad mo ay ang makakita ng kakaiba at makawala sa tahimik na kapaligiran, sila iyung masidhing makapunta sa Maynila. Bilang panglibang na sa sarili ay mas gusto ang maingay, mailaw at makulay na kapaligiran kahit ito ay sa kabila ng mahirap na pakikipagsapalaran araw-araw. At habang sa siyudad ay nakikipaghabulan sa mga sasakyan ang mga tao upang makarating sa pupuntahan, nakikipagtawaran sa palengke upang makarami ng mapamimili, nakikipagsisikan sa mainit na kalye, binabagtas ang masikip at madilim na mga eskinita sa disoras ng gabi, sa mga sekta ng manggagawang hindi natutulog ang gabi, at mga nakikipagsapalaran sa makabagong panahon, dito sa malalayong probinsiya ay nauubos ang mga oras sa pakikipagkalakalan sa pangingisda o pagtatanim, nilalakad ang malalayong daanan papunta’t pabalik sa patutunguhan, binabagtas ang madilim na mga daanan na walang ilaw, nagpapakasaya sa kaunting bigay ng makabagong panahon, at mahimbing na natutulog sa matahimik na gabi. Ang mga ito ang magkalayo at magkabilang mundo ng ating buhay.