Thursday, July 25, 2024

MINSAN LANG TAYO MABUBUHAY

“Isang beses lang tayo nabubuhay, mabuhay tayo hanggang sa pinakamalaki". Hindi ko ito masang-ayunan nang buong-buo kasi para sa karamihan ay nagiging mali ang pagkakaintindi nila dito. 

Dahil ang katwiran nila ay “minsan ka lang mabubuhay kaya itodo mo na”, kaya gagawin na nila ang sobra at kung ano ang gusto nila tulad ng kainin kung ano ang gusto.  Ginagawa na nila itong dahilan na isang beses lang kasi tayo mabubuhay kaya magpakasaya at magpakasawa na tayo.  Isang beses lang tayo mabubuhay kaya magpakasawa sa alak, sugal, kalokohan, materyalismo, pakikipagrelasyon, atbp.  Minsan nga lang tayo mabubuhay sa mundong ito kaya sulitin natin ang buhay.

 

Para sa akin, ito ay hindi dapat gawing literal.  Bakit hindi mo isalin ibang kahulugan?   “Minsan lang tayo mabubuhay kaya mabuhay tayo nang sulit at todo”.  Ibig sabinin, sulitin at pagandahin mo ang buhay mo tulad ng pakikipagkapwa-tao at pagkatao mo.  Dapat “minsan lang tayo mabubuhay kaya mabuhay tayo nang tama”.  Huwag mong abusuhin ang katawan sa marami at ibat-ibang pagkain dahil iyan ang ikasasakit mo.  Dahil may pambili ka ng pagkain ay kakainin mo na kung ano ang gusto mo?  May limitasyon din dahil kung ano ka ay iyun kasi ang kinakain mo.  Kung may sakit ka ay dahil sa mga kinakain mo.  Ang totoo nito ay kinakain mo ang mga gusto mong kainin hindi dahil isang beses ka lang mabubuhay sa mundo kundi ang totoo ay gusto mo lang talaga ang kumain ng masasarap na pagkain.  Huwag mong abusuhin ang pera mo.  Hindi dahil may pera ka kaya binibili mo ang mga mamahalin at makabagong gamit dahil ang totoo ay umiiral lang ang pagiging makamundo mo at materyalismo mo. 

 

Hindi naman natin magagawa ang itodo ang buhay kasi ang totoo kapag naruon ka na sa sinabi mong todo ay mararamdaman mong wala pa pala at kailangan mo pang itodo.  Ang pinakatugatog ay hindi magiging pinakatugatog na kapag naruon ka na kung kaya hindi mo talaga maisasabuhay ang mabuhay nang todo at sagad.  Walang katapusan ang kasiyahan ng tao.  Nagpakasawa ka na sa kalokohan, pero kapag nagawa mo na yun ay gugustuhin mong lampasan pa ang mga nagawa mong kalokohan.  Nakakakain ka na sa mga sikat na kainan at nakakain mo na ang masasarap na luto ng baka, baboy, manok at isda pero hindi mo na kayang tikisin ang hindi uli kumain ng mga ito dahil iyun na ang pang-lasa na gusto mo.  Binili mo na ang pinakabagong modelo na kagamitan pero makalipas ang ilang araw o buwan lang ay may lalabas ulit na bagong modelo kaya iyun naman ang mas hahangarin mong mabili.  Isang beses magiging bata ang bata kaya ibigay natin sa kanila ang makakapagpasaya sa kanila.

 

Sa halip na pagpapakasaya nang sobra-sobra, bakit hindi mo ito bigyang kahulugan bilang pagpapakadalubhasa, pagpapagaling, at pagpapalakas ng iyong pangangatawan, personalidad, espiritu, talento, mentalidad at emosyon.  Ituro mo sa mga bata kung paano pagsumikapan ang gusto nila upang makamit nila ang kanilang pangarap at hindi sila maging laki sa layaw.  Mas kainin mo ang masusustansiyang pagkain at pagkakaroon ng ehersisyo upang ang kalusugan mo ay maging kayamanan mo at mabuhay ka nang walang iniindang dinaramdam na malubhang sakit.  Maging matulungin at mabuting makipagkapwa-tao ka upang ang personalidad mo ay maging sobrang kaaya-aya sa mga tao.  Maging makadiyos ka upang ang ispirituwal na pagkatao mo ay magkaroon ng pinakaaasam na katahimikan ng pag-iisip.  Linangin mo ang iyong aking-talento at pahalagahan mo ang iyong trabaho upang maging kapaki-pakinabang ka.  Buksan at lawakan mo ang iyong kaisipan at maging mapagpakumbaba at maalab ang damdamin upang maisabuhay mo ang kung ano ang buhay mo at ang buhay mo ay maging sukdulan.

 

Kapag nagawa mo ang mga ito, masasabi mo na naisabuhay mo ang buhay mo nang ganap, at sinapit mo ang kabuuan ng buhay, o ang kabilugan ng buhay man yan.  Kapag nagawa mo ang mga ito sa buhay mo sa mundong ito, ito ang kahulugan ng minsan ka lang mabubuhay kaya mabuhay ka nang kapaki-pakinabang at tama.

No comments: