Monday, June 30, 2025

MABUTING PAKIKIPAGKAPWA-TAO

Kapag nagmumuni-muni tayo, maaaring marami sa atin ang ipinalalagay ang sarili na mabuti tayong tao dahil araw-araw tayong nagdadasal at sumasamba sa Diyos, tumutulong sa ating kapwa, walang pineperwisyong tao, sumusunod sa batas, at wala tayong kinikitil na buhay ng ating kapwa. Pero kung iisipin mo na ganito lang ba kadali, sumasagi sa isip natin na tanungin natin ang ating sarili kung nakatitiyak ba talaga tayo na mabuti tayong tao. Baka naman kasi tayo lang ang nag-iisip pero ang totoo sa palagay ng ibang tao ay hindi.


Hindi ka ba nagsisinungalin at nagkakalat ng mga pekeng balita at maling inpormasyon na katumbas na rin ng kasinungalinan? Oo, wala ngang buhay na inutang ang iyong mga kamay pero bakit gusto mong mamatay sa kamay ng ibang tao ang mga taong kinamumuhian mo tulad ng mga makasalanan at kriminal? Maaaring mabuti kang ama o ina pero ikaw naman ay sangkot sa bawal na pakikipag-relasyon. Hindi ka nga politiko pero ang mga ginagawa mong pang-oopinyon upang pagtawanan, masira, at magdusa ang taong hindi mo gusto ay gawain ng mga nagkukuwentuhan ng buhay ng may buhay na nahuhusgahan at nakakasira ng tao, hindi ba makasalanan ka sa lagay na yan?


Mahirap magpakabait. Ang mga hindi mo namamalayang maliliit na ginagawa mo tulad ng pangungutya, paninira pag-ganti, pamimintang at pangmamaliit sa kapwa ay mga maling gawain at mahirap alisin. Ang sabi ay basta't gumawa ka lang ng mabubuti sa iyong kapwa pero ang totoo ay napakalawak ng kahulugan ng "mabubuti" na ito. Kaya mo ba ang maging mabuting samaritano na gumagawa ng mga bagay nang walang kapalit kahit ang mga iyon ay sa estranghero? O ang kagustuhan ng puso at isip mo ay tumulong sa mga nangangailangan at tumugon sa mga kinakailangan pero wala kang kakayahan.


Ang totoo ay may mga pangyayaring hindi buong-buo sa kalooban ko ang pagtulong dahil laging naruon ang malaking pangamba na ako ang mawalan kapag ako naman ang nangailangan. Ang totoo pa ay nakararamdam ako ng karamutan kapag hindi ako nakatulong dahil ang dahilan ko ay nagduda ako kung dapat bang tulungan ang tao dahil baka balak lang ako nitong lokohin, baka kinukunsinti ko lang siya kapag tinulungan ko, o baka sa pagtulong ko ay lalo ko siyang ginagawang mahina. Hindi sa kapag ayaw ay maraming dahilan pero gusto ko tumulong kaya lang ay naiisip ko ang mga ito. At iyung maliliit na pagsisinungalin at pag-angkin ng hindi sa akin, kung ito ay sukatan ng marangal at hindi - masama na ba ako?


Alam mo gumagawa ka ng kabutihan pero mayroon kang mga kamalian. Kung totoo naman na wala akong inaargabiyadong tao, nakikipaglaban ako sa buhay ng patas, hindi nanghahamak, nagpapahamak, at nanghuhusga ng kapwa pero ang pagkakamali ko ay tiwali sa pangkaraniwan ang aking pagmamahal, makasalanan na ba akong tao? Lalo na kung ang pag-iisipan lang ay mabuti o masama - walang nasa gitna parang langit o impiyerno na walang sa gitna, saan ako mapupunta?


Madali ang maging tao pero mahirap ang magpakatao. Napakahirap maging mabuting tao dahil sa mundo na puno ng tukso, kalupitan, at kahirapan ay masusubok ang pinili mong kapasyahan at malalaman ang totoo mong katatagan.