Ang artikulong ito ay isa sa mga una kong isinulat nuong dekada otsenta. Makalipas ang mahigit dalawang dekada, nakakalungkot isipin na ganito pa rin ang situwasyon sa panahon natin ngayon.
Sinsin sa mga hampok na hipon, binuro ng ilang araw – sa matagal na pagkakaimbak ay naghatid ng ibayong baho… alamang
Mula sa makapal na lupon ng mga tao, nagkasama-sama sa iisang lugar. Nagkahalo-halo, kapwa marurumi. Nagkaipon-ipon ang ibat-ibang klase ng baho kaya sumingaw ang kanilang pagkakakilanlang amoy na nakatatak sa kanila. Sila ang tambakan ng mga dumi, kung wawariin ay wala ng mapupulot na magandang bagay pagkat sila’y mga itinuturing na mga kalat. Sa maburak na lugar doon sila nagtatampisaw. Sa mabahong lugar doon sila nagbababad. Tambak ng basura na nagbubundok sa taas. Kapiling nila ang mga langaw at lamok na nagbahay sa mga kanal na tinigilan na ng pagdaloy ng tubig. Mabaho ang estero – dumidikit sa balat nila ang amoy nito. Karaniwan at kadalasan na ang kapiling nila ay alamang – ang pagkaing “hindi tanggap” sa mga subdivisions. Alamang na kahalintulad nila, sa hitsura, sa amoy, at sa uri. Kapiling nila ang pagkaing naglalarawan sa kanila – mabaho at nababagay sa kanila.
Patuloy na lang silang nagiging walang halaga at napapabayaan sa lipunan. Nagiging makatawag pansin lang sa mata ng lipunan sa tuwing kakailanganin sila. Ginagamit sa panahon ng pangunguha ng bilang para sa panalo nila. Ang mga taong alamang ang naghahatid sa kanila sa pedestal. Sila ang nagluluklok sa kanila para maupo sa pamahalaan. Sa tuwina ay dinadayo sila sa panahon ng kampanya para paliwanagan at bilugin ang mga ulo dahil ang tulad nila ay madaling paniwalain dahil na rin sa kulang sila sa aral. Sa mga panahong ganoon ay kailangan sila ng mga namumulitika para siyang maghatid sa kanila sa kaharian.
Ngunit matapos makuha ang kanilang bilang ay nalilimutan na sila. Katulad ng alamang na sumasarap lamang sa pagdating ng panahon. Sa panahon ng pagbubunga ng mangga, pinapasarap nila ang maasin na mangga na kung walang alamang ay hindi mo makakain dahil sa kaasiman ng mga manggang ito. Subalit sa panahong lumipas na ang panahon ng mga mangga ay nakakalimutan mo na ang alamang. Hindi mo na sila pag-uukulan ng pansin maliban na lang kung bigla mo na lang siyang kailanganin, Tulad din ng mga tao na binabalikan lang ng tingin sa kanila kung mayroon silang mahihita sa kanila.
Tama, wala ngang maniniwala kung sasabihin mong paborito mo ang alamang kahit na ito ay totoo. Dahil nakatatak sa ating isipan na ang alamang ay pagkaing mabuti kaysa sa wala. Sa pandinig pa lamang ay alam mo na kung ano ito – mabaho at maalat. Ang pagkaing kauri ng mga tao sa mga lugar ng mahihirap, sa tambakan ng mga taong ka-amoy ng alamang.
Alex V. Villamayor
August 9, 1988

No comments:
Post a Comment