Sunday, April 10, 2011

NAKAKAINIP NA BUHAY


“Ang sumusunod na kuwento ay isang paglalabas ng saloobin mula sa isang nalulungkot at naghihinanakit na kaibigan 

“Kapag nag-iisa ako at pag-uukulan ko ng malalim na pag-iisip – nasasabi ko na sana hindi na lang ako naging tao.  Sana naging isang bato na lang ako, o kaya ay isang puno, hangin, o naging ulap na lang sana.  Kung tutuusin, mas gusto kong hindi na lang ako ipinanganak.  Ang naging tingin ko kasi sa naging buhay ko ay mababaw, walang kulay, buhay at saysay.  Mababaw sa dahilang wala akong maipalagay na mahalagang pangyayari na biglang nagpalaki ng buhay ko.  Walang pag-ibig at malalaking karanasan na nagbibigay buhay at kulay".

"Bagamat bilang isang bata ay naging masaya ako sa mga natural na nagpapasaya sa isang bata ngunit sa likod niyon ay ang katotohanang nalulungkot ako sa nangyayari sa aking paglaki.  Sa matagal kong pakikipagsapalaran sa buhay, nasa isip ko lagi ang pagkabagabag at takot – takot sa obligasyon at responsibilidad, takot sa buhay ko sa hinaharap, kasalanan, kamatayan, pagwawakas ng mundo, paghuhusga at pagkabagabag sa pag-uusig sa totoong pagkatao ko.  Kapag iniisip ko ang buhay kong mas madalas pa ang naging malungkot kaysa sa masaya , na iyung lubos na masaya kaya hindi ko na rin nanaisin na maging tao pa.  Hindi ko na panghihinayangan na hindi maranasan ang kaunting tagumpay at magagandang pangyayari sa buhay ko".

"Hindi ko maintindi ang buhay ko, hindi ko magawang bigyan ng mga luho ang sarili ko, ni ang kalayaang pagbigyan ang kaligayahang kailangan ko para sa sarili ko.  Totoo, ang paniwala ko ay nabubuhay ako hindi para sa sarili ko kundi para sa ibang tao.  Habang nabubuhay ako, parang dumarami ang aking alalahanin, lumalaki ang aking pananagutan, lumalawak ang aking responsibilidad.  Kahit wala akong pamilya ay palagay ko sa sarili ko ay kargo de kunsensiya ko pa ang kahihinatnan ng anak ng anak ng mga kapatid ko.  Inaaala-ala ko ang kanilang kalagayan sa gitna ng magulong mundo mas lalo na sa magiging magulong daigdig ng kanilang panahon.  Inaaala-ala ko iyung kahit hanggang sa huli at maliit na bagay tungkol sa kanilang kaligtasan at kaginhawahan, ang kanilang kahihinatnan mula sa kayamanan at kamatayan.  Maaaring sabihing nasa sa aking karapatang-sarili na ang mga nangyayari, na pinili at pinagpasiyahan ko ang lahat subalit iyun na kasi ang naging ugali at aral na kinalaklihan at isinabuhay ko".

"Kapag nagkakaroon ng paglindol – iniisip ko agad ang kalagayan ng mga mahal ko sa buhay.  Kapag mayroong pagbaha, sunog at mga aksidente ay nababahala ako.  Kapag may mga pangyayaring sakuna ay iniisip kong sana ay hindi na lang ako ipinanganak dahil ayokong mamatay sa sakuna.  Takot akong mamatay sa masakit na paraan, hindi lang ang sarili ko kundi pati ang mga mahal ko sa buhay.  Kapag naiisip ko ang nalalapit na pagkagunaw ng mundo ay natatakot ako at iniisip kong sana’y hindi na lang ako ipinaganak dahil ayokong maranasan ang pagkagunaw ng mundo".

"Sana ay hindi na lang ako naging tao at isinilang para hindi ko na nakita pa ang buhay at hindi ako natutong magmahal, malungkot at masaktan.  Kung iisipin ko na kung hindi ako ipinanganak at hindi ko man makikilala ang mga taong nagbigay kulay sa aking buhay ay hindi naman ako manghihinayang.  Kasi, yung taong nagbibigay ng kulay sa buhay ko ngayon ay hindi naman talaga ganap na makulay ang naibigay sa akin.  Ako lang naman ang nagmamahal ng labis pero sa akin ay walang nagbabalik ng pagmamahal na hinihintay ko.  Alam kong hindi naman nila ako masyadong kailangan dahil mayroon silang mas prayoridad kaysa sa akin kaya anong panghihinayangan ko kung hindi ko man sila makikilala?"

"Wala akong natatanaw na makulay, masaya at mariwasang kinabukasan kaya nawawalan na ako ng saya ng ipagpatuloy ang buhay ko.  Sana’y kuhanin na lang ako ng Panginoon kasi hindi naman malaking pangyayari at kawalan sa mga maiiwan ko kung mawawala ako.  Baka nga hindi naman masyadong maramdaman ang pagkawala ko.  Hindi sa sinasabi kong hindi ako mahal ng aking pamilya subalit ang ibig kong sabihin ay wala namang isang babae at mga anak ang mawawalan ng haligi ng tahanan, ang malulungkot at mangangailangan sa akin kung mawawala man ako.  Ayoko na kasi, ayoko ng masaktan.  Gusto ko ng magpahinga, gusto ko ng iwanan ang malungkot at nakaka-inip na buhay”.

Alex V. Villamayor
April 10, 2011

No comments: