Nuong panahong
ako ay nasa kalagitnaan ng edad-dalawampu, naaala-ala ko pa ang masidhi kong
kagustuhan na magkaroon ng isang anak na para sa akin ay siyang kasagutan ng
aking buong pagkatao. Naniniwala kasi
ako nuon na ang pagkakaroon ng anak ang kabuluhan at kahulugan ng iyong
pagiging tao, ang pinakatugatog ng iyong tagumpay at katuparan ng
pangarap. Ngunit isang masayang
pamilyadong kaibigan na mayroong dalawang anak ang nagpayo sa akin. Ang sabi niya, ang pinakarurok ng tagumpay at
ang pinaka-kahulugan ng buhay ay wala sa pagkakaroon ng pamilya ng isang
tao. Ang pinakatagumpay ng isang tao ay
kung nagampanan niya kung ano ang kanyang dapat gampanan, mapa-may asawa man o
wala.
Ibat-ibang tao,
ibat-ibang paniniwala at kapalaran. Marami
akong nakilala na walang pagsidlan ng malaking tuwa nang sila ay magkaraoon ng
anak dahil ang nananaig at nananahan sa kanilang damdamin ay ang naranasan nila
ang hiwaga ng pagkakabuo at isinisilang ang tao. Isang kakilala ang masayang nagpapayo sa
lahat na dapat ay mag-asawa ang bawat tao upang magkaroon ng anak. Dahil siya ay nakapag-asawa na, na makakasama
niya nang habang-buhay ay nasasabi niyang ganap na ang kanyang kasiyahan,
kabuluhan at tagumpay. Lalo na nang
isilang ng kanyang mahal na asawa ang kanilang unang anak, anupa’t madalas
niyang ikumpara ang labis nyang kaligayahang nadarama sa mga wala pang
pamilya. Ayon sa kanyang mga saloobin na
ibinabahagi niya sa mga nakakausap, lumalabas na siya ay mas masaya, mas
tagumpay at mas makabuluhan kumpara sa iba na hindi pa nakakapag-asawa. At kabilang na siya ngayon sa mga taong
nagampanan ang tungkulin na makapag-asawa at magka-anak bilang pagsunod sa
tagubilin ng Diyos na magparami. Mayroong
nagsasabi na mas mabuti at mas maganda ang mayroong asawa kaysa sa walang asawa
dahil mas pursigido itong magsumikap, mas mataas kung mangarap at mas malalim
ang kaligayahan na kanilang nakukuha.
Bagamat sa
pangkalahatan ay nananaig ang paniniwalang ang pagkakaroon ng asawa ang kahulugan
kung bakit ka naging tayo, naniniwala ako na hindi dapat ikumpara ang tagumpay
na ito sa tagumpay na nakakamit ng mga walang kakayahang magka-anak at ang
piniling huwag magka-anak. Dahil sa kabuuan
naman, ang tunay na nagtagumpay ay iyung totoong masaya at may
kapanatagan. Nalulungkot lang ako kung bakit mayroong mga
tao na ang pag-iisip ay hindi patas, makasarili, sarado ang isip at damdamin at
nananatiling nasa lumang panahon ng paniniwala.
Ang lahat naman ay depende sa pangangailangan ng tao sa kanyang
tagumpay.
Paano kung ang
isang tao ay walang karanasang makipag-ibigan dahil walang pagkakataon na
magkaroon siya ngunit narating ang mataas na katungkulan sa trabaho dahil sa
kanyang kagalingan at katapatan? Paano
kung ang isang tao ay walang kakayahang magkaroon ng anak ngunit umasenso sa
trabaho dahil sa kanyang kasipagan?
Sabihin na nating mayroong tao na mas masaya kung nag-iisa at hindi masaya
kung mayroong kasama sa buhay, ang ibig sabihin ba nito ay mas mabuti pa ang
isang tao na nagkaroon ng anak ngunit hindi maitaguyod ang tungkuling buhayin sa
marangal na paraan ang kanyang anak?
Mayroong tao na
upang masabi lamang na siya ay tagumpay ay pinilit niya na makapag-asawa – ngayon
kaya’y mas higit siyang dakila? Kung ang
nais mo lang sa buhay ay magkaroon ng pinapangarap na bahay, o kaya’y
matulungan ang iyong mga mahal sa buhay o sa kapwa, o dili kaya’y maging
malusog, walang pagkakautang, nagagawa ang mga nais gawin sa buhay, at ang mga
ito ay nangyayari – mas masuerte ka kaysa sa kanila. Kung ayaw mong magkaroon ng kasama sa buhay sa
kung anomang dahilan, ngunit masasabi mong mas mayroon kang kapayapaan,
kalinisan ng loob at respetong gusto mong ipaalam sa mga tao – mas tagumpay ka
kaysa sa mga mayroong kagustuhang makapag-asawa na sa nagsasabing napatunayan
nilang mas may kakayahan siyang magkaroon ng anak ngunit hindi magampanan ng
lubos ang responsibilidad. Dahil kung
ano ang pangangailangan mo na natutugunan mo sa mabuting paraan, iyun ang tunay
na tagumpay.
Alex V. Villamayor
July 16, 2011
(s.j.les & a.roy)
No comments:
Post a Comment