Sunday, June 19, 2011

MAY ISANG AMA

Paghahandog para sa Araw ng mga Tatay.

Bilang isang bagong ama, wala akong paglagyan ng malaking tuwa nang sa unang pagkakataon ay aking makita, mabuhat at mailapit sa aking dibdib ang aking unang anak.  Hindi ko maipaliwanang ang malaking tuwa na nararamdaman ko ng mga oras na iyon dahil ang alam ko lamang ay nagkaroon ng bagong kabuluhan ang buhay ko, natupad ang isa kong pinakapapangarap at nagkaroon ako ng inspirasyon na mapagkukuhanan ko ng lakas sa buhay.  At gagawin ko ang lahat upang mabigyan ko ng magandang kinabukasan ang aking anak.  Ang kasabihay hindi umiiyak ang isang lalaki ngunit aaminin ko na halos maluha ako sa pagdating ng aking anak.  Ang pakiramdam ko ay punung-puno ako ng emosyon sa aking kalooban na umapaw iyon sa aking mga mata. 

Mapalad ako dahil ilang beses kong naranasan ang ganitong pakiramdam sa pagdating ng iba ko pang mga anak. Para sa aking mga anak, gusto kong sabihin sa kanila na mahal na mahal ko silang lahat.  Gusto kong palakihin sila sa pagmamahal upang maging mabuti silang mga anak.  At gagawin ko ang lahat alang-alang sa aking mga anak.  Ngunit may mga bagay na wala sa ating mga kamay at hindi natin maiiwasan.  Mahirap ang maging isang ama, lalung-lalo na kapag nasa malayong lugar ka upang magtrabaho para sa kinabukasan ng iyong mga mahal sa buhay.

Alam kong  mayroon akong mga pagkukulang sa aking mga anak, sana’y mapunuan ko iyon ng aking taos-pusong pagmamahal, pagmamalasakit at pagpapakasakit sa kanilang lahat.  Alam kong sa loob ng ilang panahon ay nalayo ako sa kanila.  Maaaring sa panahon na iyon ay kailangang-kailangan nila ang aking payo, gabay, desisyon o kahit ang aking presensiya.  Alam kong hinahangad nila na sana ay makasama nila ako nang madalas sa pagpunta sa pamilihan tulad ng ibang bata, ang magpunta sa kanilang eskwelahan para sa pag-pupulong o ang sabitan sila ng mga medalya tulad ng kanilang mga ka-klase.

Hindi lang nila alam kung gaano kahirap ang tiniis ko kapag hindi ko mapagbigyan ang kanilang mga kagustuhan kahit gustong-gusto ko.  Sana ay maunawaan nila ako kung bakit kailangan kong mapalayo sa kanila, tuloy ay hindi nila nararanasan ang magkaroon ng ama sa tabi nila tulad ng ibang mga bata.  Sa mga panahong nangungulila ako sa kanila kapag naaala-ala ko ang mga araw na magkakasama kami, gustong-gusto kong makita muli ang kanilang mga mata at ngiti, ang kanilang mga kakulitan, kadaldalan, paglalambing at kahit yung kapag ginagawa nila akong laruan kapag nagkakasayahan kami.  Gusto ko silang makasama sa mahahalagang araw na dapat ay kasama nila ang kanilang ama, ngunit nasa malayong lugar ako.  Kung kaya ko lamang lumipad upang makasama sila kahit sandali lamang, nuon ko pa yun ginawa.

Alam kong mayroon akong mga kasalanan sa aking mga anak.  Sana ay mapatawad nila ako kung nadamay sila dahil sa aking mga kahinaan.  Ngunit gusto kong sabihin sa kanila na dahil sa kanila ay hindi ko kaylan man ikinalungkot ang mga nangyari.  Dahil lahat sila ay itinuturi kong kayamanan sa buhay at siyang pinaghuhugutan ko ng lakas upang mabuhay.  Darating ang araw, mauunawaan din nila kung bakit nangyari ang mga iyon.  Sa ngayon ay sisikapin kong gawin ang lahat upang maipagmalaki nila ako bilang kanilang ama.  Balang araw ay makikita ko silang lahat, mayayakap ko rin silang lahat at makakasama ng totoo.  Makakabawi din ako, matutumbasan ko rin ang mga nawalang oras na dapat ay magkakasama kami.

Totoo na hindi kaylan man kagustuhan ng isang bata ang siya ay ipanganak at wala siyang magagawa upang makapili ng magiging magulang, kaya bilang isang ama, sisikapin ko na maging isang mabuti upang ikarangal at maipagmalaki ng aking mga anak bilang kanilang ama.  Madali ang maging isang ama ngunit napakahirap ang magpaka-ama dahil kaakibat niyon ay ang pag-ibig at responsibilidad.  Para sa aking mga anak, kayo ang aking buhay, kayamanan at kabuuan.  Ang pagdating ninyo sa buhay ko ang siyang pinakamaganda, pinakamalaki at pinakamahalagang biyaya na aking natanggap buhat sa Diyos.


Alex V. Villamayor
June 19, 2011
(b.ron.r)

No comments: