Monday, April 09, 2012

BAKASYONISTANG OFW



Mayroong mga Manggagawang Pilipino sa ibang Bansa (OFW) na nang makapagtrabao sa labas ng Pilipinas ay umunlad talaga ang buhay.  Nakapagpagawa sila ng bahay, nakabili ng sasakyan, nagkaroon ng pang-negosyo, o nakapundar ng mga ari-arian.   Makikita ang bunga ng pagsisikap mula sa mga tinatawag na katas ng Saudi, katas ng Hongkong, katas ng Amerika - ang mga ito ang katas ng hirap.

Ngunit sa pangkalahatan, ang mga nagtratrabaho sa ibang bansa ay hindi mayayaman.  Sa paningin lang natin yun dahil kung nakikita man natin sila na tuwing umuuwi ay maraming binibili at pinupuntahan, iyun ay dahil iyun lang ang pagkakataon na maaari nilang gawin ang mga bagay na iyun at iyun ay nakikita natin sa loob ng isang buwan lamang.  Sinusulit lamang nila ang mga oras sa loob ng maigksing isang buwan dahil pagkatapos nuon ay halos isang buong taon na naman siyang magtratrabaho.

Hindi tulad ng mga nagtratrabaho sa sariling bayan na kung mayroon din lamang na panggastos ay maaari silang magpunta sa gustong puntahan at bilhin ang magustuhan anumang oras.  Kung tutuusin ay nakahihigit pa nga silang mga nagtratrabaho sa sariling bayan dahil minsanan lamang kung gawin ng isang OFW ang mamili at mamasyal ngunit ang suma-tutal ay mas marami ang nagawa at nabili ng isang hindi OFW sa loob ng labing-dalawang buwan.

Nakakalungkot lang na malaman na nagiging pagkakataon sa ibang tao ang pagbabakasyon ng mga OFW na lapitan sila ng mga kamag-anak, kaibigan at kakilala upang hiraman ng pera.  Palasak man na kasabihan ngunit totoo na dugo’t pawis ang puhunan ng mga OFW upang kumita.  Hindi nila napulot ang maraming pera na iniuuwi nila tuwing nagbakasyon sila.  Pinag-hirapan, pinag-ipunan at pinaghandaan nila iyun sa loob ng isang taon dahil minsan lang sa isang taon sila makakapagsaya kasama ang mga mahal nila sa buhay.

Sa halip na magpakasaya sila sa pagbabakasyon mula sa hirap ng pagtratrabaho sa ibang bansa ay nabibigyan pa sila ng alalahanin kapag nasabihan sila ng mga problema sa buhay ng mga taong lumalapit sa kanila ng tulong.  At kung minsan ay nababawasan ang kanilang pagsasaya dahil nagbabago ang ilan nilang mga plano na sa halip ay inilalaan na lamang sa pagtulong.  Maganda ang tumutulong ngunit alalahanin sana ng iba na limitado din ang pera ng mga nagbabakasyon na OFW tulad din ng pangkaraniwang trabahador.  Ang pagkakaiba lamang ay napipilit nilang paghandaan ang kanilang pagsasaya.

Kaya anuman ang bilhin nila at saan man sila magpunta tuwing bakasyon nila ay karapat-dapat lang iyon dahil tama lang na bigyan naman nila ng kasiyahan ang kanilang sarili – regalo sa sarili.  Isang buwan lamang naman sila sa pagsasaya at pagkatapos nuon ay halos isang buong taon ulit silang magtitiis sa hirap at lungkot na malayo sa kanilang mga mahal sa buhay.  Sana ay pagbigyan naman natin sila dahil kung talagang tutulong ang isang tao ay kahit hindi bakasyon ang isang OFW ay tutulong at tutulong naman siya.

Hindi mayaman ang mga OFW – kung mayaman ang mga iyan ay hindi na sila magpapakaalipin at magpapakahirap magtrabaho sa ibang bansa na malayo sa mga mahal nila sa buhay.  Kung hindi lamang sa pag-aalala sa kinabukasan ng kanilang mga mahal sa buhay ay hindi nila isasakripisyong hindi makasama ang kanilang kamag-anak ngunit umaalis sila, hindi tulad ng marami na kasama ang mga mahal sa buhay na nasa ating sariling bansa.

By Alex V. Villamayor
April 6, 2012

No comments: