Friday, December 13, 2013

ANG PAGPAPAKABAIT

Kung ang tanong ay paano ang maging isang mabuting tao, tiyak na ang sasabihin ng mga deboto, relihiyoso at mangangaral sa Kristiyanismo ay mabuti kang tao kung gagawin mo ang lahat ng salita ng Diyos na nakasulat sa banal na aklat.  Kung ako ay hindi nag-aaral ng salita ng Diyos, hindi ginagawa ang tungkulin bilang Kristiyano, at hindi nagpapakita ng pagpupuri sa Diyos habang naririto sa isang bansang Islam, ako ba ay masamang Kristiyano?  Dahil sa pag-iwas ko na makagawa ako ng pang-relihiyong bagay na maaaring ikasakit ng damdamin ng mga taga-rito, ay nakatanggap ako ng isang mensahe na nagsasabing ano daw ba ang mas pinapahalagahan ko kung ang sasabihin ng mga tao dito o ang sasabihin ng Diyos sa akin na sino ba ang mas mahalaga at dapat katakutan?  Bakit ko raw iisipin at iniiwasan ang mararamdaman ng ibang tao?   Mas mahalaga pa raw ba sa akin ang pagpuri sa akin ng ibang tao o ang kalugdan ako ng Diyos.

Sa aking mga kilos at pananalita ay iniiwasan ko talaga ang makalikha ng mga bagay na maaaring ikagalit sa akin ng ibang tao bilang respeto sa kanila.  Kung nakikita ng Diyos na may pagpapahalaga ako sa pagrespeto sa aking kapwa, sa palagay ko ay nalulugod sa akin ang Diyos.  Bilang isang dayuhan sa lugar na ito ay iginagalang ko lang naman ang kanilang damdamin.  Sinasaktan mo ba ang may-ari ng bahay na iyong tinutuluyan?  Binubusisi ang pagkakayos ng kanilang tahanan, pinapakialaman ang kanilang buhay?   Ang sabi, walang pinipiling lugar ang pagpapakita ng pagpupuri sa Diyos.  At Kahit mamatay ng dahil sa pagpupuri sa Diyos ay kailangang gawin dahil iyun ang aral na itinuro sa atin.    Kung ayaw ko mang magpahayag ng aking paniniwala ay dahil nirerespeto ko ang dinatnan kong relihiyon dito at hindi ibig sabihin ay nawawala na ang aking.  Dahil alam ng Diyos ang kalagayan ko.  Alam Niya kung nasaang lugar ako.  Naniniwala kasi ako na ang lahat ay nasa tamang lugar.  Kung talagang handang mamatay ang mga kilala kong nangangaral ng mga salita ng Diyos ay bakit itinatago nila ang kanilang mga gawain?  Bakit hindi sila magpahayag ng Kristiyanismo habang nakikita at naririnig ng mga taga-rito?  Bakit ginaganap nila sa isang nakatagong lugar at sinasarhang mabuti ang mga bintana at siwang upang hindi marinig ng ibang tao na nasa labas?  Dahil kahit sila mismo ay alam nilang hindi maaaring gawin dito ang mga bagay na ganuon.


Kung araw-araw akong nakikipag-usap sa Diyos at nanalangin nang higit isa o dalawang beses araw-araw, kung wala akong inaargabiyado, pineperwisyo at nilolokong kapwa, kung hindi ako nanghuhusga, nangungutiya at nanggagamit ng ibang tao, alam kong mabuti akong tao.  Iyun ang pamamaraan kong kabutihan na isinasabuhay upang maging kalugod-lugod sa mata ng Diyos.  Kung kulang pa rin dahil hindi ako nagpapakita ng pagpupuri sa mga salita ng Diyos ay sinisikap kong makatulong sa aking kapwa sa paraang alam ko at kaya ko.  Kung kulang pa rin ay sinisikap kong maging tapat, patas, makatarungan, at isabuhay ang kababaan ng loob.  Kung kulang pa rin ay pinipilit kong iwaksi ang mga makamundong bagay tulad ng kaluhuan, kahalayan, pakikiapid, pagnanakaw, kahumalingan sa kapangyarihan, kasikatan, at pangalan.

Tunay na napakahirap magpakabait dahil sa dami ng mga tukso na nakapaligid sa atin.  Napakarami rin ang nagsasabi sa iyo na sila ang tama kaya sila ang dapat pakinggan at paniwalaan.  Kung relihiyon ang makapagsasabi ng isang tunay na mabuting tao, marami ang mag-aangkin ng kasabihang ito.   At mabubuhay ang matagal ng katanungan kung sino ba talaga ang tamang paniniwala.  Nagkakaiba man ang pamamaraan ng ating pagdadasal at pagpapakita ng ating pananampalataya ay Iisa lang naman ang ating pinatutungkulan at pinatutunguhan ng ating mga dasal.  Palagay ko ay nasa tao na kung paano niya ipapakita sa mata ng Diyos at ng kapwa ang kalinisan ng kanyang puso.





By: Alex V. Villamayor

December 14, 2013

No comments: