Friday, December 27, 2013

BIRUANG TOTOO

Ginugunita ang Niños Inocentes tatlong araw matapos ang Pasko.  Ang Niños Inocentes ay ang pag-aalaala sa mga inosenteng sanggol at batang lalaki na nasa edad dalawa at pababa na pinatay sa utos ni Haring Herodes.  Ipinag-utos ito ng hari nang malaman niya na ang Mesyas ay isinilang na ipinapalagay niyang malaking banta sa kanyang trono.  Nang maunawaan niya na nalinlang siya ng tatlong haring Mago upang dalhin siya sa kinalulugaran ng batang Mesyas, naganap ang pagpapatay sa mga bata nang hindi niya matagpuan ang sanggol na si Hesus kaya ipinag-utos niya ang malawakang pagpapatays sa lahat ng batang lalaki edad dalawa pababa sa buong nasasakupan niya.

Pinanatiling nakapaloob sa panahon ng kapaskuhan ang pagdiriwang ng Niños Inocentes bilang pagbibigay halaga sa kabanalan ng mga sanggol na ibinigay ang kanilang buhay alang-alang sa bagong silang na Tagapagligtas.  At katulad ng paglilinlang ng tatlong haring Mago, ang tradisyong Niños Inocentes sa Pilipinas tuwing ika-28 ng Disyembre ay ginugunita sa pamamag-itan ng pagawa ng mga nakatutuwang biro sa isat-isa.  Kung minsan ay nagiging masakit ang biro, ang sino mang nagiging biktima ng pagbibiro ay pagtatawanan na lamang hanggang magulat na lamang ang biktima o maghisterya sa galit.  Sa panahon ngayon, ang pinakaginagamit na pagbibiro tuwing Niños Inocentes ay ang panghihiram ng pera sa isang tao nang walang intensiyong magbabayad.  Kadalasan ay maituturing wala ng pag-asa ang mga nagpapahiram ng pera na maibalik sa kanya ng nanghiram ang halaga ng pera, kung kaya mahalagang paalaala sa lahat na huwag na huwag magpapahiram ng pera tuwing ika-28 ng Disyembre.  Ang mga biktima ng ganitong pagbibiro ay nauusapan ng “Na-Niños Inocentes ka!"

Hindi magandang ugali ang panloloko na hindi katanggap-tanggap sa pangkalahatan.  Ngunit kung ito ay hindi mo gawain sa buhay kundi isang pagpapalaganap lamang ng kahalagahan ng isang pananampalataya, ang pagbibiro ay instrumento lamang upang muling sariwain natin ang ating kaalaman sa ating paniniwala.  Maaring babala ito na kailangan nating alalahanin at huwag kaligtaan ang mga pangyayari sa ating pananampalataya.  Una sa lahat, walang magiging biktima ng Niños Inocentes kung ang araw na ito ay alam natin.  Sa mga nakaranas ng masakit na biro, magsilbi sana itong masakit na aral na hindi na hahayaan na muling mangyari.  Ngunit sa nakararaming nagsasagawa ng ganitong pagbibiro na ang pangunahing intensiyon ay magpatawa at magbiro lamang ay binabawi nila ang kanilang pagbibiro upang hindi na masaktan ang kanilang kapwa.  Ang mahalaga ay naipaalam  nila sa ibang tao ang kahulugan ng araw na ito.

Maaaring hindi kasing tanyag at kasing tangkilik ng mga pangunahing tradisyon sa atin ang pagdiriwang ng Niños Inocentes at hindi man lahat ay nakaranas ng pagdiriwang ng Niños Inocentes, ngunit ang araw na ito ay isang katuparang bumubuo ng ating pagiging buhay-Pilipino at ng ating Kristiyanismo.   Para sa mga nakaranas nito, nagiging bahagi ito ng kanilang buhay na nagpapangiti sa kanila sa tuwing naaalaala nila, naloko man sila o sila ang nanloko.  Sa araw ng Niños Inocentes, sana ay maging buhay lagi ang diwa  nito sa ating mga sarili.  Sana, lahat tayo ay maging tulad ng mga bata na walang malisya, walang pag-aanlinlangan, walang pagsisinungalin.  At bilang pang-relihiyong pagsasabuhay, sana ay maging tulad tayo ng mga sanggol at mga bata na nagsakripisyo ng buhay alang-alang sa ating Panginoon.




Ni Alex V. Villamayor
 December 28, 2013

No comments: