Wednesday, January 01, 2014

TAUNANG PAGPAPALAGAY SA SARILI

Wala pa rin.  Natapos ang isang buong taon ay hindi ko pa rin nakakamit ang aking mga tampok na pangarap sa buhay.  “Baka naman salbahe ka kaya hindi ibinibigay ng Diyos ang mga dasal mo” ang karaniwang sinasabi ng mga nanay sa kanilang anak.  Nuon ko pa ito iniisip nang makaramdam ako ng pagka-inip sa mga pinapangarap kong bagay na hindi pa ibinibigay sa akin.  Salbahe nga kaya ako?  Paano kaya ako kung makipagkapwa-tao?

Nagnilay ako at inisip ang mga alam kong kamalian na ginagawa ko.  Pintasero ba ako?  Maaaring may masasakit na bagay akong sinasabi na siyang opinyon ko ngunit kung sinasabi ko ang mga iyon ay hindi upang manira, mangutya, at manghusga kundi bilang pag-aanalisa lang.  May pagsisinungalin at pang-uumit akong ginagawa na sa palagay ko ay maliliit na halaga lang.  Sa pagbibigay ay hindi ko maisip kung karamutan ang pag-aala-ala sa matitira sa akin at ang pag-pili ng mga taong bibigyan ko.  May ipinapalagay akong isang maitim na lihim na hindi angkop isulat dito kaya mas nagpasya akong isulat na lamang ang ilang katangiang maibabahagi ko na baka kahit papaano’y makatulong sa ilan.  Ang pagkaka-alam ko sa sarili ko ay mahinahon, hindi mapang-husga, mapagparaya, mababa ang loob at hindi mapag-tanim ng galit.  Kung sa palagay ng mga taong nakakakilala sa akin na ang mga ito ay mali, sana’y masabihan ako upang mabago ko ang aking sarili.

Sa buhay ko, ang iniiwasan ko ay ang may magalit sa akin at ipagdasal nila ako ng hindi magagandang nangyayari at maghangad ng mga paghihirap ko.  Pinipilit kong maging mahinahon at iniwasan ko ang makapagbitaw ng mga salita sa aking kapwa na nanghuhusga, makakapagpahiya at makakasakit.  Kung mayroon tao na sabihin nating hindi ko gusto ang ugali, ang pinaka-magagawa ko ay ang hindi siya pagkakausapin at pakialaman.  Ginagawa ko iyon dahil baka may masabi at magawa ako sa kanila na kanilang ikagagalit.  Kung marami kang sinasaktan dahil sa masasakit mong mga salita at sa mga kinikilos mong hindi patas dahil hindi mo sila kaibigan o mainit ang dugo mo sa kanila, marami ang maghahangad sa iyo ng hindi maganda at lihim silang matutuwa sa iyong paghihirap.  Tiwala naman ako sa aking sarili na wala akong nasasaktan at hinihiya upang palihim silang manalangin laban sa akin ng hindi maganda na ikadadamay ng aking mga mahal sa buhay.  Ang aking ama, ina ng aking ama at ina, at marami sa mga tiyuhin at tiyahin ay pumanaw ng hindi naghirap, kung mayroong nagagalit sa akin ay salamat at hindi sila nadamay.  Salamat din sa Panginoon at ako ay hindi nagkakaroon ng patong-patong sa paghihirap – salamat at walang nananalangin sa akin ng hindi magaganda.

Pilit kong isinasabuhay ang kasimplehan, kababaang-loob at pagpaparaya.  Isang aral na natutunan ko sa aking mga magulang at sa aking karanasan ay ang magtiis kung hindi ko kaya.  Huwag piliting yakapin ang puno kung kapos, matutunan ang magtiis habang salat at kung ano ang mayroon ako ay iyun ang aking pinagkakasya.  Simple lang ako, kapag may nakahain na pinirito ay hindi na ako naghahanap ng may sabaw.  Kung mayroon akong isang gamit, kuntento na ako at hindi ko pinaparami dahil kapag ang mga sobrang gamit ay hindi na magamit, iyun ay hindi para sa iyo.  Bata pa lang ako, hindi na ako mapaghangad ng labis.  Sa katunayan, unti-unti habang tumatanda ako ay nababawasan ang mga pangarap na hindi ko pa nakakamit.  Kaya nag-iisip ako na hindi naman siguro labis ang aking pangarap na magkaroon ng sariling bahay tulad ng halos lahat sa atin ngunit parang napakahirap makamit.

Simula’t simula pa ay alam ko ng hindi ako malaki at malakas na tao kaya naging likas sa akin ang kababaan ng loob.  Marahil ay alam ng mga taong malalapit sa akin na ako ang taong hindi mapag-utos, mahilig makialam, mapag-ako ng liderato, at mapag-tanim ng galit.  Ayaw kong sinusunod at tinitingala ako dahil kinatatakutan at pinangingilagan ako, sa halip mas gusto ko ang may pangingimi sa akin ang mga kakilala ko dahil sa respeto.  Nagagalit ako dahil tao lang subalit alam ko sa sarili ko na hindi naman ito nagtatagal at kusa rin na nawawala ang aking galit.  May mga tao akong nakasamaan ng loob na kahit nagawa ko na ang magpatawad at kalimutan ang nangyari ay nawawala na rin yung dating init ng pagkakaibigan.  Hindi ko sila ginagantihan sa naging usapin namin.  At higit sa lahat, ako ang taong hindi kaylan man namomolitika.  Kahit kaya kong harangin ang gusto ng kapwa ko ay hindi ko ginagawa bilang pagsunod sa tamang asal. Ayaw kong gumagamit ng padrino upang makuha ang gusto ko, at ayaw ko rin ang humihingi ng tulong sa aking hepe.  Gusto ko lagi ng patas at naniniwala ako sa karma.

Sa mga ito, may hatid sa akin ng pag-iisip at kalungkutan kung bakit ang mga pangarap ko ay hindi ko pa makamit at hindi pa rin ako nagiging masaya?  Sa ngayon ay kasiyahan ko na lamang ang makamit ko ang pinapangarap kong sariling bahay, magkaroon ng katiyakang pambabayad sa mga biglaang pangangailangan, at ang magkaroon ng kabuhayan na hindi pangmalakihan kundi kahit katumbas lang ng aking tinatamasa ngayon.  Siguro ay kulang sa sikap – na taon-taon na lang ay siyang ipinapalagay ko sa aking sarili.  Siguro ay kulang pa rin ako sa diskarte.  Madaling tanggapin ang mga ito kung wala akong nakikitang mga tao na hindi naghihirap at nagtratrabaho sa kanyang tinamasang yaman at kapalaran.



Ni Alex V. VillamayoR
January 1, 2014

No comments: