Napapansin
ko, hindi naman ako maluho sa mga gamit, sa mga pagkain, at sa mga kasayahan ngunit
bakit kaya hindi ako makaipon? Pinaiiral
ko naman ang pagsunod sa pagkakaroon ng nakalaang-gugulin, hindi ako nagpapa-alipin
ng bayarin sa bangko at kumpaniya ng mga credit card at tinitipid ko pa nga ang
aking sarili. Hindi sa dahil pinaiiral
ko ang karamutan at kakuriputan kundi sa aking isip ay pinaiiral ko lamang ang
pagiging praktikal. Ginagamit ko ang kapamaraanang
pagbabawas ng para ipon mula sa kabuuang kinita at ang malalabi ay ang siyang
laan sa mga gastos ngunit wala akong marami at mamahaling mga ari-arian na
naipupundar. Ano kaya ang mali sa aking
pananalapi?
Naupo
ako at nag-isip, nagmasid sa aking paligid at sumagi sa aking isip ang ilang
mga kakilala. Kapag nagkakaroon ng mga
kantiyawan tungkol sa paglalabas ng pera, may mga kasama ako na hindi
basta-basta nagbibigay ng kanyang pera.
May naririnig ako na pinipintasan sila dahil naturingan daw na malaki
ang kinikita ngunit hindi man lang makapang-libre. Na gasino lang naman daw ang ilalabas na pera
kumpara sa kanyang kinikita. Para sa akin, hindi ko napipintasan ang
mga kakilala o kasamahan ko na sa kabila ng malaki ang kanilang kinikita ay
hindi basta agad nagbibigay ng pera bilang pagdiriwang ng kanyang kinita. Kasi patunay lamang iyon kung paano sila
magpahalaga sa kanilang pinaghirapang pera.
Sa palagay ko ay hindi ito dahil sa kakuriputan
kundi dahil nagiging praktikal lang sila.
At iniisip nila ang kahalagahan at ang ibig sabihin ng pagastos nang
tama sa bawat pinaghihirapan nilang pera.
Mukhang tama naman sila dahil kung susuriin ko at ikumpara
sa ibang kakilala ay nakikita kong mas nakakaipon sila. Ang pagsinop sa pinaghirapang pera ay ang
tamang paghawak ng mga kinikita natin.
Kapag ikaw ay kumita ng pera, kailangan bang lagi kang mamahagi ng iyong
kinita sa pamamg-itan ng pagbibigay ng kasayahan bilang pagpapasalamat? Baka naman nagsusumikap ka lang na kumita ng
malaki para lang sa ganito, hindi kaya nagiging materyalistik o makamundo na
lamang tayo?
Sa
aking pagkakaupo at pag-isip, naunawaan ko rin ang mali sa akin. Hindi ako katulad nila na hindi basta-basta
naglalabas ng pera. Totoo
na nag-iipon ako ngunit mabagal ang paglago nito. Totoo na mas inuuna ko ang mag-laan agad para
sa aking ipon mula sa aking kita kaysa sa mga ginagastos ngunit inaamin ko na
sinasamantala ko ito minsan sa pagbabawas ng halaga ng aking itinatago, kung
kaya bumabagal ang paglago ng aking ipon.
Dahil kahit na sabihing inuuna kong iawas kaagad sa kinita ko ang aking
ipon ay hindi naman ito nakapirmi sa tamang halaga dahil ang nangyayari ay
lumiliit ito kapag mayroong kailangang paglaanan ng gastos. Huwag lang ang masabi na hindi ako pumapalya
sa pagtatago ng pera sa aking lagayan. Sabay
sa lumalaking kinikita ko ay ang lumalaki ring gastusin at reponsibilidad ko
ngunit siguro ay kailangan kong maglaan talaga ng nakapirming halaga ng ipon
kung hindi man lakihan pa. Totoo na nasa
sa atin kung ano ang gusto nating iprayoridad.
Kung gusto kong bumilis ang paglaki ng aking ipon mula sa halagang
natatanggap ko buwan-buwan ay kailangan kong alisin ang ilang responsibilidad
ko. O di naman kaya ay palaguin ito sa
pamamagitan ng pagnenegosyo ngunit hindi ko personal na maitataguyod dahil
hindi ko pa kayang mawala ang aking kinikita bilang isang manggagawa sa ibang
bansa.
Ang perang pinaghirapan, totoong mahirap gastusin ng
basta-basta lamang kung mayroon kang malasakit sa iyong paghihirap. Hindi masamang magsaya pagkatapos ng pagpapakahirap
ngunit kung ito ay tawag lamang ng pagyayabang, labis na pagsasaya, at
kabawasan sa pinag-uukulang bagay ay mas mabuting huwag na lang. Mapalad ang mga taong tumatanggap ng malaking
kabayaran sa kanilang pagtatrabaho dahil malaki ang kanilang pagkakataon na
makapag-ipon ng malaki at mabilis. Dahil
kung tutuusin, ang isang taong kumikita ng malaki at ang isang taong kumikita
ng hindi malaki ay pareho lamang ang kanilang pangunahing pangangailangan,
nagkakaiba nga lamang ng pamamaraan kung paano isinasagawa ang kanilang
pangangailangan. Kaya sinupin natin ang
ating pinagpapagurang pera at huwag sayangin sa mga bagay na panandaliang saya
lamang.
Ni Alex V. Villamayor
December 14, 2013
No comments:
Post a Comment