Kapag
sinabing makasalanan at masamang tao, ang laging naiisip natin ay ang mga
kasalanang pagnanakaw, pagpatay, pangangalakal ng katawan, at pagmamaltrato. Mga malalaking kasalanan ito na walang dudang
mabigat ang kaparusahan sa batas ng tao at maging sa Diyos. Madalas magkamali ang mga tao ngunit may mga
pagkakamali na hindi agad napapansin at napaparusahan dahil hindi ito kasing bigat
ng mga malalaking kasalanan at kadalasan ay nalilibang tayo sa mga
pang-araw-araw na pangyayari na kasalanan na pala. Mula sa mga karaniwang tao na lagi nating
nakikita, masasabi natin kung ang isang tao ay mabait o hindi sa pamamag-itan
ng mga ordinaryong ginagawa niya. Minsan
inaaakala natin na hindi naman masama ngunit kung iisipin natin na ang mga
maliliit na bagay na ginagawa niya ay mga kasalaman na pala na nagsasabing
masama ang kanyang pagkatao. May mga
kakilala tayo na mahilig iangat ang kagalingan at sarili, hindi nagpapatalo sa
usapin, hindi nagpapalamang, matalim ang dila, pilosopo, mapolitika, mapaghari-harian,
mapagsamantala, materyalistiko, mapanuhol, mahilig sa kamunduhan, mandaraya, at mapanghusga. Karamihan pa sa mga tao ay gustong maging
maalam, ngunit dahil dito ay nagiging mapunahin, mapanisi, mapagmataas, at
mapagmando ang marami. Sana ay maging mapangunawa,
mapagpatawad at mapagbigay sa mga kamalian at kapintasan ng ibang tao. Sa panahong ang marami sa atin ay madaling
makapagbitaw ng masasakit na salita, makapaghusga, makapintas at makapagtanim
ng galit sa kapwa, mabuting pag-aralan ang magpakalumanay, maging matiisin, mapagparaya,
mahinahon at mapagbigay sa abot ng makakaya. Kung mayroon mang kapwa ang hindi
nakakatulad ng iyong opinyon, ugali at interes ay hayanaan mo na lamang. Iwasan ang makasakit ng tao at ang magbitaw
ng mga matatalim na salita kung ang kasama mo ay mangmang o mali. At suriin mabuti ang mga kagandahang nakikita
sa isang tao kung totoo ang mga ito.
Maaaring mapagbigay, magiliw, mapagbiro at masayang kausap kaya
nalilinlang tayo na sabihing mabuti siyang tao.
Ngunit kung hindi natin alam na mayroon siyang pansariling interes sa
pagpapakita ng kanyang kagandahang-asal, hindi magandang ugali ang isang ipokrito,
oportunista at manggagamit.
Ang
mga ito ay ang mga kasamaan na mahirap at masakit aminin kaya pinili kong mas
timbangin ito bilang pagkukumpara ko ng aking sarili sa ibang tao kaysa sa mga
kamalian nating madaling tanggapin, pangatwiranan, at baguhin tulad ng pagiging
maramot, katamaran, reklamador, pagsisinungalin, mapagmura, mapanumbat,
mapagsugal at pang-uumit. Siguro ay
dahil tanga ako sa mga bagay-bagay, walang alam sa mga kalakaran ng
pakikipaglaban natin sa takbo ng buhay, at wala akong malisya sa mga ugali,
salita at gawain ng ibang tao o kahit ng kapaligiran ko kung kaya hindi ako
sanay sa mga gawaing pamumulilitika. Hindi ko itinataas ang pagkakakilala
ko sa sarili. Ipanguna o ipanghuli mo ako, bigyan mo ako ng kaunti o ng
marami, ipili mo ako ng pinakamaganda o hindi – ang mga ito ay walang dapat
ikabahala sa akin. Dahil simple lang naman akong tao, hindi ako maselan at wala akong ere sa buhay. Dala ng
aking kasimplehan at kainosentehan, hindi ako mapaghinala, mapanghusga, mapagbintang at mapag-isip ng masama sa kapwa. Kung ang batayan ng kabaitan ay ang pagiging
relihiyoso, maaaring hindi ako mabait dahil aminado ako na hindi ko kabisado
ang mga berso sa banal na aklat at
hindi ko nagagampanan ang pag-aaral at pagtuturo ng mga salita ng Diyos.
Ngunit nananatiling malinis ang aking kunsensiya dahil alam ko na wala akong
inaargabiyado, sinasaktan, ginagamit at winawalang-hiyang mga tao. Ang
gusto ko ay ang tama at patas. Sa
nakikita ko, at bukas naman sa ating kamalayan na marami ang mga
nagsasabing sila ay maka-Diyos at ginagawa ang mga salita ng Diyos
ngunit nakikita naman natin sa kanilang
mga gawa ang mga bawal.
Kahit papaano, alam ko sa sarili ko na wala ako sa kategorya ng mga bawal na
nakikita ko. At sa pagtingin ko sa mundo natin, nagiging inspirasyon sa
akin ang mga taong ito dahil sa kanila ay nakakadama ako na mabuting tao pa rin
ako kapag nakikita ko sila. Kapag nalalaman ko na may mga nagagalit sa
isang tao ay napapatunayan ko na hindi nga sila mabait na tao. Hindi ako perpekto o santo at sigurado ako na
may mga kasalanan ako at aminado ako na may kasalanan akong nagagawa sa
ngayon. Ngunit kung ikukumpara ko ang sarili ko sa ibang kakilala ko,
pangit mang sa akin manggaling ngunit bilang pagtatanggol sa maaaring iniisip
ng iba ay masasabi kong mas mabuti akong tao.
Kaya kung haharap ako sa Panginoon upang magsalita kung naging mabuting
tao, malamang ay makakapagsimula ako ng aking mga sasabihin nang magaan ang
loob.
Ni
Alex V. Villamayor
September
11, 2014