Sa larong
pampalakasan, hindi dahil natuto kang gumamit ng piyesa ng mga ito at laruin
ang isang sport ay maaari ka ng maglaro. Kailangan mo rin ang puso dahil
kasama sa paglalaro ng anumang isports ay ang disiplina, dedikasyon,
paninindigan, responsibilidad at pagkamaginoo – ito ang tinatawag na
propesyonalismo. Ang problema sa mga manlalaro lalo na sa mga pang-baranggay,
pang-kumpanya at mga maliliit na samahan ng palaro ay ang kakulangan ng
propersyonalismo. Para bang ang pagsali dito ay isang kasayahan,
pagkakaroon ng karanasan, pagpapasikat, o pagpapawis lamang. Kaya madalas
ay nahahaluan ng mga problema ang isang liga bago magtapos ang palaro.
Kung dito pa lang sa maliliit na palaro na ito ay lumulutang agad ang pagiging
hindi propesyonal – gasino pa kaya kung ikaw ay nasa propesyonal. At
paano ka pa kaya aangat papunta sa isang mas mataas na liga kung wala kang
propesyonalismo? Ang propesyonalismo ay hindi ang pagiging beterano,
kagalingan, at institusyong pinagsanayan sa paglalaro ng anumang isports.
Ito ay ang ugali at asal ng mga nasa palaro.
Sa panahong
binubuo ang isang koponan, marami ang girigis na makasali mula sa pagpapasukat
ng uniporme, pagsama sa parada at paglalaro sa mga unang araw, ngunit habang
tumatakbo ang panahon ng liga ay marami ang mga lumilitaw na reklamo, sigalot
at problema. Marami na’ng naging usapin ang mga koponan, manlalaro, coach
at ang manedyer na kung mayroon sanang propesyonalismo ay kayang-kayang
maiwasan. Kadalasan ng naririnig ang pagtatampo ng isang manlalaro kapag
hindi siya ipinasok, o inalis habang nasa kainitan ng kanyang paglalaro.
Dahil dito, ang nasabing manlalaro ay naghihinanakit, nakakaramdam ng
katamaran, hindi ibinibigay ang totoong laro at kung minsan ay tuluyan na siyang
kumakalas sa grupo na pinaghirapang buuin. Kung ang mga manlalaro at coach ay
parehas na propesyonal, walang magiging personal na isyu sa pag-itan nila kundi
sa paglalaro lamang mapa-loob man o labas ng court. Masyado na silang matanda
kung magiging balat-sibuyas pa sila na maramdamin sa mga ganitong pangyayari.
Kung sa ganitong pangyayari ay madali silang masaktan at magtampo, paano pa
nila haharapin ang hamon ng mas masalimuot na pangyayari sa totoong buhay?
Kung ikaw ay
parang isang bata na nakikipag-away sa gitna nag paglalaro, malinaw na wala
kang propesyonalismo na pinahahalagahan mo sa iyong sarili. Hindi dapat
humantong sa sakitan ang isang paglalaro lamang. Kung ang pagtitimpi mo
sa sulak ng iyong damdamin ay hindi mo kayang gawin, hindi ka dapat
nakikipaglaro sa kapwa mo. Sa totoong kahulugan ng salitang isport, ang bawat
manlalaro ay inaasahan na magiging mapagpasensiya at hindi pikon. Naturalmente
na dahil ito ay labanan ng dalawang panig, hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng
sakitan na siyang humahantong sa pagkapikon ng isang manlalaro. Huwag mong
gawin ang sadyang makapanakit bilang pagsusumikap upang manalo dahil hindi iyon
gawain ng isang maginoo at huwag mo rin patulan ang gawain ng isang tulad nito
dahil mas hangal ang taong pumapatol sa taong hangal. Sa katotoohanang
tinanggap ka sa isang palaro dahil ikaw ay hindi na bata, ngunit ang pagiging
pikon ay palatandaan ng isang hindi pa talaga nakakawala sa pagiging isang
walang-isip na bata.
Mahalaga ang
propesyonalismo dahil dito nakasalalay kung paano haharapin ng isang manlalaro
ang mga hamon habang sinusuong nila ang palaro. Ang pagsali sa isang koponan sa
isang liga ay may kaakibat na mga reponsibilidad at paninindigan ng isang
totoong maginoong lalaki – pangatawanan mo ito. Responsibilidad mo na
magpunta sa bawat paglalaro at pagsasanay upang tapusin ang sinimulan mo.
Huwag kang gumawa ng mga personal na bagay o kumuha ng iba pang mga kompromiso
na komplikado sa iyong paglalaro dahil alam mo ng mayroon kang obligasyon na kailangang
gampanan. Kapag mayroon kang sinasaloob sa kanino man sa iyong grupo,
makipag-usap ka ng marangal. Huwag makipag-talo, makipag matigasan, at
umalis sa grupo na mapipilayan sa biglaang pag-alis mo. Magkaroon ka ng
malasakit sa grupo at hindi yung sariling damdamin mo lamang ang iyong
inaalaala. Kung dito pa lamang ay agad ka ng tumatakbo sa problema, anu
pa kaya sa iba pang mga simple at mahalagang desisyon mo sa buhay?
Magkaroon ka ng pagpapahalaga sa anumang sinalihan mong laro dahil ito ang
sumasalamin sa buo mong pagkatao.
Ni Alex V.
Villamayor
September 25,
2014
No comments:
Post a Comment