Tuesday, December 16, 2014

SIMBANG GABI

Isa sa memorableng ala-ala ng aking kabataan ay ang simbang gabi na sa kalungkutan ay hindi ko nabubuo ang siyam na araw.  Ang ate ko ang siyang pursigido na mabuo ang siyam na araw, may mga taon pa nga na nabubuo niya iyon.  Alas-tres pa lang ng madaling araw ay may umiikot ng banda ng musiko sa bawat pangunahing kalsada sa amin.  Nililibot nila ang buong bayan upang mangising, sino ba naman ang hindi magigising sa mga oras na iyon na sa katahimikan ng madaling araw ay napakalakas sa tenga ang tunog ng banda ng musiko.  Kaya kahit pupungas-pungas pa, kailangan ng bumangon, magmumog, maghilamos, magkape at mag-bihis upang magsimba.  Paglabas pa lamang ng aming bahay ay ramdam na agad ang malamig na simoy ng hanging pang-Disyembre.  Kailangan na may soot kang pranela o pang-ginaw kung tawagin sa amin.  Naaala-ala ko pa ang nag-iisa kong panginaw na isusuot ko taon-taon.  Sa simbang gabi ay nakikita ang tatlong malalaking parol na mas kilala sa tinatawag na Naglalakad na Parol na nagsisilbing isang tatak-Angono.  Ang mga parol na ito na nakatakdang maglakad sa gabi ng bisperas ng Pasko na naging palaisipan sa akin kung paano nga ba sila naglalakad.   Sa panahon na ito, ito ang mga bagay na masarap balikan at hinahanaphanap na diwa ng totoong Pasko.

Totoo naman na habang nakaupo sa loob ng simbahan habang naghihintay sa pagsisimula ng misa ay talagang nakakaantok.  Panay ang hikab ko nuon pero kailangang labanan ko ang antok dahil kapag nagsimula na ang misa at ang namuno ng banal na misa ay ang pari na kilala sa amin na istrikto.  Baka makita niya ako na natutulog ay letra por letra na magsesermon talaga siya sa mga natutulog.  Ngunit kapag umawit na ng mga awiting pamasko sa bahagi na nag-aalay at nangungumunyon na ay gising na gising na ako dahil sa masayang kumpas ng mga pamaskong kanta, bukod pa sa alam ko ang mga letra ng mga kanta.  Hanggang matapos ang banal na misa, sa labas ng simbahan ay may mga paninda na pinakatinatangkilik sa lahat ang puto-bumbong.  Tuwing simbang-gabi lang yata kami nuon nakakakain nito dahil nung mga araw na iyun ay sa ganung okasyon lamang may nagtitinda ng puto-bumbong.  At kaparehas ng puto-bumbong ay ang mainit na tsaa na mula sa pinatuyong dahon.  Masarap ang tsaa mula sa pinatuyong dahon kaysa sa naiinom natin ngayon na nakabalot sa maliit na tela.

May paninda din na bibingka ngunit mas naging popular para sa amin ang puto-bumbong.  Isang tradisyional na kakanin ang puto-bumbong dahil sa nakaugalian itong kainin tuwing sa panahon ng kapaskuhan.  Sa napakaganda nitong kulay na ubi, minsan ay rosas ay napakasarap kainin ang umuusok na puto na nilagyan ng mantikilya at binudburan ng kinudkod na niyog.  Ito ay isang kakanin na gawa sa giniling na malagkit na bigas,  Tinawag itong puto-bumbong dahil ito ay puto na niluto sa loob ng maliit na bumbong ng kawayan.  Kahit matagal ang paghihintay sa pagbili dahil sa dami ng mga mamimili ay nakakalibang naman panorin ang pagluluto nito.  Mula sa pagsisilid ng giniling na bigay sa bumbon na ang dulo ay sandaling pinapainitan pa sa mainit na singaw ng tubig mula sa lutuan at isasaksak sa nakahulmang lutuan nito hanggang sa itinataktak sa dahon ng saging.  Pagkatapos ay papahiran ng mantikilya at saka bubudburan ng niyog na may kahalong asukal, at saka babalutin sa dahon ng saging – totoong nakakagutom panoorin.

Mula sa pag-gising ng maaga sa loob ng siyam na araw at ang pakikipaglaban sa antok sa madaling araw ay sakripisyo talaga ang buuin ang simbang gabi.  Mabuti na lamang at mayroong puto-bumbong na siyang nagpapawi ng mga ito at magsisimula ng isang magandang umaga.

Alex V. Villamayor
December 16, 2014

No comments: