Mula
sa isang maiksing pahayag ng isang kilalang tao ay nagkagulo at
nagkasanga-sanga na ang mga pangyayari – si Manny Pacquiao at ang kanyang
opinyon tungkol sa pagpapakasal ng magkaparehong kasarian. Maraming tao pa ang nasangkot sa usapin at
marami pang mga kwento ang nahalungkat.
Habang mayroong mga sumasali sa usapin at nagbibigay ng opinyon ay lalo
lang magiging masalimuot at tatagal ang usapin dahil bawat isang reaksiyon ng
isang nagsalita ay mayroong isa o mahigit pa ang sasalungat, magtatanggol at
ipaglalaban ang kinontra at ipinagtanggol.
Ang puno’t dulo lang naman ng usapin na ito ay ang pagsasabi na hindi
tama ang pagpapakasal ng magkatulad na kasarian at ang pinaka-ugat ng pagkakamali
ay ang paghahambing ng tao sa mga hayop.
Pero dahil sa pagsali ng iba pang mga personalidad ay marami pang
ibat-ibang isyu ang nahalungkat, nabuksan at pinagtalunan pati na ang pagkatao
ng mga personalidad na sangkot sa usapin.
Sa pagsali ng iba pang mga karakter ay marami pa ang idinamay kahit ang
pamilya, mga kaibigan at trabaho ng isat-isa.
Nakakalungkot dahil ganito ba talaga ang tao?
Sa usaping sinimulan ni Manny
ay marami ang sumagot, bumatikos, pumuna at may mga sumang-ayon din ngunit
marami sa mga kanila ang walang direktang punto o walang kaugnayan sa talagang
usapin. Ang pagsasama ng magkatulad na
kasarian lang ang paksa ngunit may mga sumagot tulad ng huwad na pangangaral,
pagsasabing ang pagiging ikatlong kasarian ay abnormal at isang sumpa, ang
pagkukumpara ng usapin sa mga karumal-dumal na krimen, pagsasabing mas maraming
masasamang tao na totoong lalaki at babae, ang pagsiping sa mga bayaran kumpara
sa mga LGBT, pulitika, pakikiapid, pagpatay, pagnanakaw, kayamanan,ang
kredibilidad ng mga banal na aklat, at ang saloobin ng Santo Papa. Si Manny ay hindi laban sa mga nasa ikatlong
kasarian kundi hindi lang siya sumasang-ayon sa kasal ng magkatulad na
kasarian. Nagkamali lang siya nang
ikumpara niya ang mga nasa ikatlong kasarian sa mga hayop na siyang ikinagalit
ng iba pang mga kilalang personalidad.
Ngunit kung lalawakan lang natin ang ating isip ay mauunawaan natin na
ang ibig lang niyang sabihin ay mas masahol pa sa hayop kung magsasama ang mga
nasa magkaparehong kasarian. At sinabi
pa niya na hindi niya hinuhusgahan ang mga tao kundi iyung pagsasama lamang
nila. Ramdam ko ang ipinaglalaban ng LGBT
na makakamit kung sila ay legal na maikakasal tulad ng pagkakaroon ng karapatan
na mag-ampon ng bata, karapatan sa kanilang naipong kayamanan habang magkasama,
iksemsyon sa buwis, benepisyo
sa gobyerno o institusyon at iba pa.
Kung tutuusin ay hindi na naman nila kailangan ang basbas ng relihiyon
dahil ang mga ipinaglalabang ito ay mga karapatang sibil ngunit mismong sa mga
mambabatas ay mayroong hindi nakikita ang pangangailangan ng pagpapakasal ng
magkasarian. Ang layunin ng pagpapakasal ay pag-isahin ang dalawang
nagmamahalan upang magparami. Kung ang
intensiyon lamang ay upang magparami o maging isa ay sana’y hindi na nagkaroon
ng kasal at sa halip ay kasamahin na lamang ang sino mang magustuhan natin sa
una, ikalawa, ikatlo o higit pang pagkakataon kahit ngayon, mamaya at bukas. Walang mali sa paniniwala ni Manny ngunit sa
palagay ko ay mali ang pagpili niya ng mga salitang ginamit. Hindi makatarungan kahit kangino ang maikumpara
sa hayop. Ito ay pambabastos,
nakakasakit at pagyurak sa dignidad ng isang tao. Mahirap kalabanin ang relihiyon ngunit hindi
maganda at hindi tama na gamitin ito upang makapanakit ka ng kapwa.
Sa
kaganapang ito ay makikita natin kung ano talaga ang tao sa kanilang mga
ikinilos at sinabi. Ang mga tao ay likas
na mapanghusga, mapanglibak at mga hindi magpapatalo. Bawat isa ay gustong siya ang tanghaling may
pinapatamang nalalaman, may pinakamagandang sinabi, at ayaw tumanggap ng
pagkakamali. Mayroong mali na ang
paniniwala ay sige pa rin sa kapipilit ng opinyon at mayroong masyadong matayog
at masakit magbitaw ng mga salita. Sa
mga pangit at mahahalay na salita na ipunukol ng mga tao, sino ngayon ang parang
mas masahol pa nga sa mga hayop. Ang tao
ay naturingang may puso, isip, kunsensiya at siyang pinakamataas ng uri ng
hayop sa mundo ngunit bakit hindi makayang magpatawad. Sana ay nagkaroon ng respeto ang bawat isa sa
kanyang kapwa. Kung sana ang bawat
nakisali at nagbigay ng kuro-kuro sa usapin ay hindi bumitaw sa pinaka puno’t
dulo, hindi lalala ang usapin na ito.
Hindi kasalanan ang mapabilang sa ikatlong-kasarian. Ang pagkatao nila ay hindi nila pinili, para
silang mga ipinanganak na pangkaliwang-kamay (kaliwete) na wala silang magawa
kundi gawin ito. Dahil kung makakapili
lang sana ay hindi nila gugustuhin ang habang-buhay na pagkutya at
kalungkutan. Walang mali sa pagiging
bakla at lesbiyana bilang isang pagkatao, ang mali sa pagiging sila ay ang
pamumuhay o estilo ng buhay nila na hindi ginagawa ng totoong lalaki at babae.
Ang
usapin sa pagkatao ng nasa ikatlong kasarian ay sensitibo. Ang LGBT (Lesbian,
Gay, Bisexual and Transgender) ang tumatayong ulo ng mga nasa kasariang ito
na sa matagal nang panahon ay ipinaglalaban na tapusin na ang diskriminasyon
laban sa ikatlong kasarian at mabigyan ng mga nararapat na karapatan para sa
mga LGBT. Napakahirap ng pakikipaglabang
ito dahil ang unang-unang hadlang sa pakikipaglabang ito ay ang relihiyon. Nakakalungkot na walang relihiyon sa mundong
ito ang nagsasabing tama ang mga ipinaglalaban ng LGBT. Ang pinakamalaking punto ng relihiyon ay ang
sinabing ang lalaki ay para sa babae lamang at ang paulit-ulit na sinasabi ng
mga relihiyoso ay dalawa lamang ang nilikha ng Diyos – ang lalaki at
babae. Dahil hayag na kaalaman naman na
kasalungat ng relihiyon ang mga Ateista, asahan ng kakampi ng mga LGBT ang
suporta ng mga hindi naniniwala sa Diyos.
At dahil ang usaping ito ay kadikit ng relihiyon, nariyan lang ang mga
walang pananampalataya na alam naman natin at asahan na nating kokontra. Ngunit sa akin naman, kung pinili natin na
mabuhay nang matuwid at kapag namatay tayo ay nalaman natin na wala naman pala
talagang Diyos, mabuti kung ganun dahil nabuhay tayo ng maayos at mabuti. Ngunit sa kabilang banda kung mayroon naman
palang Diyos ay anu pa ba kundi kabayaran ang naghihintay sa atin.
Ni Alex V.
Villamayor
February 19, 2016
#MannyPacquiao, #SameSexMarriage, #ViceGanda
No comments:
Post a Comment