Sa nangyayaring pagbabago ng kasaysayan,
ang dahilan kung bakit nagbago ang pagtingin ng mga tao ngayon sa personalidad
ng mga Marcos, sa mga nangyari nuong martial law at sa ipinaglaban nung 1986
EDSA Revolution ay dahil sa walang ipinagbago sa kabuhayan, katahimikan at serbisyo-publiko. Marami pa rin ang mahirap, kabi-kabila ang
kaguluhan at mga suhulan sa pamanahalaan ngunit hindi nito dapat baguhin kung
ano ang dahilan kung bakit nagrebolusyon. Laging tandaan na ang ginawang
rebolusyon ay upang wakasan ang diktadurya, mapaalis ang kapit-tuko sa
posisyong mga Marcos at kaalyansa nito, at maibalik ang bayan sa dating
kalayaan na ipinagkait sa loob ng mahabang panahon. Kung anuman ang mali ay maitatama pa rin
ngunit hindi ng isang pagmamaling-sulat ng kasaysayan.
Mula nuong 1986, totoo na mas dumami ang mahihirap dahil mas
marami ang inianak ng mga mahihirap na pamilya nung mga taon na iyon na
binale-wala ang kahalagahan ng pagpaplano ng pamilya – ito ang mataas na
probabilidad ng pagpaparami. Totoo din
na marami pa ring nakawan sa gobyerno at kriminalidad sa buong bansa na ang
puno’t dulo ay ang kahirapan. Kahirapan, sa madaling-salita ay malaki ang
ginagampanan nito sa pagbabago ng kasalukuyan. Ngunit bukod dito, ang
malaking dahilan sa nangyayaring pagbabago ng kasaysayan ay ang pagdating ng
mga bagong kabataan na kung tawagin ay ang mga batang-milenyo. Sa
panahong ngayon ay sila ang mas nakararami kung kaya makapangyarihan ang
kanilang puwersa. Sila ang mga ipinanganak magmula nuong dekada-noventa
na siyang magiging kabataan sa panahon ng makabago at malakas na impluwensiya
ng teknolohiya. Sila ang mga kabataang nagkaroon ng maagang pagkakalantad
at madaling daan upang makasilip sa bintana at buksan ang pinto ng mundo ng
internet.
Malaki ang naging papel ng internet sa
buhay ng mga tao dahil sa angkin nitong kasikatan, kagalingan, katangian at
kagamitan – na siyang umakit sa mga batang-milenyo. Ito ang nagbukas sa
kanila ng daan upang tumambad ang ibat-ibang nakikita dito na wala sa libro
kung kaya mas naging intersado sila kaysa sa mga libro. At tulad ng
nabanggit na ang kahirapan ang isa sa malaking papel sa nangyayaring pagbabago
ng kasaysayan, marami sa mga kabataan ng milenyo ay nabibilang ang pamilya sa
mababang antas ng pamumuhay. Hindi sa panghahamak ngunit karamihan sa mga
batang ito ay nasa lower section sa pag-aaral dahil na rin sa hindi nagagabayan
ng mga nagtratrabahong magulang. Sila yung mga kabataang walang hilig sa
pag-aaral, inuuna ang pagbabarkada at nagiging problema ng kani-kanilang mga
magulang. Sila yung mga kabataang lantad sa pakikihalobilo sa magulo at
maingay na mundo kung kaya ang lengwahe at ugali nila ay naging marahas.
Kaya kung mapapansin, hindi ba’t ang karamihan sa mga masisigasig sa
pakikipag-away sa internet ay mga brutal na kabataang hindi nag-aaral, hindi
interesado sa pag-aaral at hindi nakapagtapos ng pag-aaral?
Sa mundo ng internet ay nagpakita ang mga batang-milenyo ng
ibat-ibang kaganapan at nakagawa ng angking lakas na siyang nakita ng mga
tusong politiko. Ginamit nila ito upang maakit ang mga kabataan
sampu ng mga hindi na kabataan ngunit mayroong mababaw na pang-unawa sa
kasaysayan. Pansinin na nuong kalagitnaan ng taong 2000 ay nagsimulang
maglabasan sa internet ang ibat-ibang propaganda upang pagandahin ang pagkatao
at rehimen ni Marcos at papangitin ang kalaban nito. Dahil sa kahinaan ng
mga kabataang ito ay na-brainwashed ang isip nila. At ang malaking bilang nila ay gumawa ng
ingay sa kanilang mga saloobin batay sa nakita at nabasang propaganda.
Kung maayos na nagabayan lang sana ng mga magulang ang mga batang ito, ngunit
lumalabas na kulang din sa kaalaman sa kasaysayan ang mga magulang ng
batang-milenyo upang ituro ang nalalaman nila bagkus ay sila pa ang
naimpluwensiyahan ng makabagong teknolohiya. Dito lumabas ang kahinaan sa
internet ng mga nasa hustong gulang na Pilipino kumpara sa mga mauunlad na
bansa: iyung madaling mahikayat na maki-galit na rin dahil marami sa internet
ang galit, at sila iyung mga mas nakatatanda na kabilang din sa ibaba ng powerty
line.
Ang mga batang-milenyo ang anak ng mga nakipaglaban nuon upang
makamit ang kalayaan na siyang tinatamasa at pinakikinabangan nila ngayon na
hinding-hindi nila magagawa kung hindi dahil sa mga nakipaglaban dito.
Nararapat lamang na bigyan nila ito ng paggalang at pagpapahalaga.
Bagamat may puwersa ang mga kabataan ay mayroon pa rin itong kahinaan – yun ay
ang kawalan nila ng kakayahan na manimbang at umunawa. Nagkamali tayo. Maaari pang itama ang ating pagkakamali. Anuman ang mali ay maitatama pa rin ngunit hindi
tama na itama ang mali ng isa pang pagkakamali dahil hindi maaaring isulat muli
ang kasaysayan.
Ni Alex V. Villamayor
November 20, 2016
No comments:
Post a Comment