Bilang isang nagsusulat, ang nais ko ay mapukaw ang damdamin
ng taong makakabasa ng aking mga isinulat dahil kahit papaano ay nais kong
makapagbigay ng kaalaman. Hindi ako
nagmamarunong, mababaw lang nga siguro ako at inaamin ko naman na hindi ako magaling. Iyung nababasa natin na malalim kung
magsulat, perpekto ang balarila at detalyado ng mga sangunian ang mga
isinusulat na suportado ng mga facts o halaw sa mga sikat na tao at libro. Ngunit ito ang aking pasyon. Ito ang aking hilig at ito na ang aking
buhay. Dahil sa pagsusulat ay
naipapahayag ko at nailalapit ko ang aking sarili sa mga tao na hindi ko
magagawa sa personal na buhay.
Maraming uri ang pagsusulat.
Mayroong intelektuwal, teknikal, akademya, reperensiyal at dyornalistik
na pagsusulat. Mayroong pangpanitikan. Hindi ako nobelista at hindi ako mamamahayag. Ang aking angking kakayahan ay pagsusulat. Ako ay nasa malikhaing pagsusulat ng sanaysay. Hindi ako malalim, ang mga isinusulat ko ay realidad
ng buhay, ang mga opinyon ko ay mga pangunahing impormasyon sa mga pangyayari.
Sa pagsusulat ko, sa abot ng aking magagawa ay pinaiiral ko
ang pagiging patas katulad ng aking ugali.
Liban sa aking pamilya, sa mga nakakakilala sa akin lalo na yung mga
dati kong kasamahan sa PCI Bank, ay kilala nila ako bilang isang patas sa pabibigay
ng opininyon, sa pagkritiko at sa pagbigay ng desisyon. Kilala nila ako na hindi tumitingin sa tao
kundi sa nararamdaman at nalalaman ko.
Ganun din ako sa aking mga isinusulat.
Hindi ako yung tao na ang lagi kong isinusulat ay yung mga kapangitan ng
isang bagay dahil sa isang banda ay binibigyan ko pa rin ng pansin ang
kabutihan nito. Ganun ang pagigng
balanse ko. Hindi dahil ayaw ko sa isang bagay ay hindi ko na ito magagawan ng
isang istroya na magpapaangat dito.
Hindi ako ganun, habang mayroon akong nakikitang kabutihan ng isang
bagay, kahit hindi ko man ito gusto, ay isusulat at isusulat ko pa rin.
Ang manunulat na may kinikilingan ay iyung ang lahat ng mga
isinusulat ay iyung panig sa kanyang gusto bilang sarili niya. Kung ano ang mga magagandang pangyayari, kung
ano ang pumapabor sa kanyang paksa o personalidad ay iyun ang kanyang ibibigay
sa mga mambabasa. Kung mayroon akong mga
hindi gustong personalidad ay isinusulat ko ang mga adhetibo nito. Ngunit kung nalaman ko na mayroon itong mga
kabutihan ay naglalaan pa rin ako ng ipasyo, oras at pagod upang gawan ko ito
ng kwento tungkol sa kagandahan at kabutihan nito. Hindi laging pangit ang mga kwento ko sa mga
hindi ko gustong paksa o personalidad. Kung
palagi man pangit ang naisusulat ko ay dahil wala pa akong makitang maganda. Pero hindi ko ito tinutuludukan dahil kung
meron man akong nakita ay bakit hindi ko isusulat? – ganun ako ka-balanse sa iniingatan
kong pagsusulat.
No comments:
Post a Comment