Tuesday, September 22, 2015

PASARING

Ang pagpaparinig o pagpapasaring ay isang pangkaraniwang ugali ng mga babae, kung ito man ay maging ugali ng isang lalaki ay masagwa ito para sa kanya dahil nakakabawas ito ng pagkalalaki at ng pagiging maginoo.  Anut-anuman, mapababae o mapalalaki man, ang pagpapasaring ay isang ugali na hindi kanais-nais dahil ito ay nagpapakita ng pag-aanyaya sa kaguluhan at pag-aaway – malakas na panghatak sa basag-ulo.  Hindi man ito masama na masasabing kasalanan ngunit nangangailangan ito ng kapaliwanagan kung paano ito mapapabuti.  Dapat na maunawaan na ang ugaling pagpaparinig ay taliwas sa minimithi natin na magpakabait at magpakatao.  May mga tao na mahilig magparinig, kapag mayroon silang gustong hingin o kaya’y kapag mayroon silang sinasaloob at dinaramdam sa ibang tao ay nagpaparinig sila.  Isang ugali ito na hindi maganda dahil ang magpasaring ay pagpapakita na kalakasan at paghahamon sa pagpukaw ng galit ng ibang tao.  Nangangahulugan agad ito na may mali sa pakikipag-kapwa-tao ang mga taong ganito.

Ngunit ano nga ba ang problema ng mga taong mapagparinig o ng mga mapagpasaring?  Kadalasan ang mga taong ganito ay nagpapapansin upang makakuha ng atensyon, papuri o simpatiya man.  Sa madaling salita ang problema sa kanila ay ang ugaling pagpapapansin.  Paraan ito ng pagasasabi ng gusto, hindi man diretsahan ngunit sa ganitong paraan ay nasasabi ng tao ang kanyang gustong masabi na hindi niya magawa ng direstsahan.  Maaaring mayroon ding takot kung kaya hindi kayang masabi ng diretso o maaaring paghahamon ng isang pagtatagisan ng pagsasalita man o ng pagbubunong-braso.  Kaya nga sa umpisa pa lamang ay hindi na ito magandang ugali dahil nagdudulot ito ng hindi kaaya-ayang kaganapan.

Para sa mga taong papansin, nagpapasaring o nagpaparinig, ang pinakamainam na gawin sa mga taong ganito ay ang pagbabale-wala sa kanyang mga sinasabi at sa mismong tao.  Dahil ang parinig o pasaring kapag hindi pinansin ay nagiging walang silbi o walang kwenta.  Sa taong gumagawa naman ng pagpaparinig ay nagmumukha lamang hangal na walang pumapansin at mistulang talunan na hindi nagawang makuha ang pansin ng pinaparinggan.  Kapag sa tuwing sila ay nagpapasaring nang walang pumapansin ay malalaman din nila na walang saysay ang kanilang pinaggaga-gawa.  Huwag ibigay ang atensiyon na gusto nila dahil ang atensiyon ay isang uri ng pagbibigay ng halaga sa isang tao o sa ginawa nito.  Dahil hindi nararapat na bigyan ng halaga ay maganda na hindi na lang bigyan ng pansin ang mga taong nagpapasaring dahil walang mas masasakit pa kaysa sa ipagkait na makuha ang kagustuhan.

Maliban na lamang kung ikaw ay balat-sibuyas, masasayang lamang ang pagsisikap ng mga taong mahilig magparinig.  Ngunit kung papansinin ang kanilang mga pasaring, naaabot lamang ng mga taong ito ang kanilang layunin at sila ang maituturing na nagtatagumpay.  Dahil dito ay nagiging inspirasyon ito sa kanila upang mas lumakas pa ang loob na ituloy ang ginagawa.  Kapag nakita nilang apektado ang kanilang pinapasaringan, habang nagsisikip ang kalooban ng isang tao dahil sa pagpapasaring na ginawa nila ay tagumpay at tinatawanan lamang nila ang nangyayari.  Ang kasabihang ang mapikon ay karaniwang talunan, iyun ka sa nangyayaring pagpupuyos ng kalooban dahil sa pasaring, ikaw na pumatol sa pasaring ang siyang talunan agad.  Dahil nga sa nalalaman nila na nagiging magaling sila sa pagpapasaring ay gagawin at gagawin pa rin nila ulit sa ibang tao.

Kung ikaw ang taong mahilig magpasaring, kailangan mo ng alisin ang ugaling ito para sa iyong katahimikan.  Dahil habang ikaw ay nasisiyahan sa pagpapasaring ay unti-unti mong inilalagay ang iyong sarili sa kapintasang nagpapalubog sa iyong pagkatao.  Masakit ang maturingang naging tao nga ay wala namang kaalamang magpakatao, nasabi mang nakikisalamuha ay hindi naman maganda o mababa ang uri ng kanyang pakikipagkapwa-tao.  Dahil sa aminin man natin o hindi, ang ugaling pagpapasaring ay ugali ng tulad sa walang aral, laking-kanto at kulang sa katinuan.

By Alex V. Villamayor
December 22, 2013

No comments: