Thursday, September 17, 2015

PAGPAPAPAYAT

Sa Pilipinas, nung mga taong 1990’s ay napanatili ko ang ideal weight ko na 143 lbs.  Nang makapag-abroad ako nuong 2000 hanggang 2007 ay nasustinihan ko ang timbang na ito.  Ngunit nagbago at bumigat ako sa pag-itan ng mga taong 2007 – 2010, umabot pa nga sa 74kilo ang pinakamabigat ko sa mga taon na iyun.  Sa kabila ng madalas kong pagpapapawis ay nahihirapan akong mapababa ang aking timbang at ibalik sa normal na 65 – 71 kilos.  Sa pagbabalik-gunita, sa Pilipinas pa lang ay mahilig na akong kumain ng mga gulay kaysa sa mga karne ng manok, baboy at baka.  Nagkataon pa na mabilis magsunog ng mga taba ang aking katawan at likas na pawisin kaya hindi ako naging tabain.  Sa aking mga unang taon sa ibang bansa, mag-isa akong nagluluto ng sarili kong pagkain.  Solo ako sa lahat mula sa pamamalengke hanggang sa pagliligpit ng kinainan.  Nagustuhan ko ang ganito dahil hawak ko ang oras ko at at nasusunod ko ang mga gusto ko.  Hanggang naisipan ko na sumama sa grupo ng pagkain nuong 2007.  At sa araw-araw na pagkain ng ibat-ibang mga luto ay nagsisimula na akong tumaba at bumigat nang hindi ko namamalayan dahil nalilibang ako sa saya ng pagkain ng may mga kasama.  Iba kasi ang mag-isa kang kumakain kaysa sa may mga kasabay ka.  At habang marami kaming kumakain ay napaparami rin ang kain ko na kadalasan ay hindi yung mga pagkain na dati kong kinakain.  Malayo sa paborito kong pinasingawang ng talbos ng kamote o kangkong, isinapaw na okra, at mga ibat-ibang luto ng gulay na walang ihinahalong karne.  Hanggang malaman ko na ang sukat ng aking cholesterol sa katawan ay malapit nang umabot sa limitasyon.  Hindi man sobra ngunit nakaka-alarma.

Taong 2010 iyun.  Ang alalahaning wala akong pera na ipangpapagamot sa sarili, ang takot ko na mahirap ang magkasakit, ang mawalan ako ng trabaho, at ang iniisip kong magiging abala ko sa mga mag-aalaga sa akin kapag nagkasakit ako ang siyang naging inspirasyon ko upang mag-udyok sa akin na alagaan ko ang aking katawan at kalusugan.  Ito ang nagsisilbing tagapagpaalaala ko kapag yung nahihirapan akong magpigil sa paghahanap ng masasaarap na pagkain, yung kapag gusto kong sumuko at magpatalo sa tukso ng masasarap at saya ng pagkain ng maraming kasama.  Nagsimula akong bumalik sa dati.  Nuong 2010 ay muli akong nagsimula na magsolo sa pagluluto at pagkain.  Kailangan kong gawin ito dahil hanggang naririyan ang mga pagkaing dati kong hindi kinakain, magtutuloy-tuloy ang aking pagbigat at tuluyang tataas ang bilang ng aking cholesterol at asukal sa katawan.  Mahirap ang mga unang linggo, ang isang buwan at dalawang buwan.  Ngunit nang makaabot ako ng tatlong buwan ay naramdaman ko na ang kakayahan ko at nalaman ko na ang galaw ng aking bituka.  Napatanuyan ko na kapag nasanay na ang ating bituka sa sukat ng ating kinakain, kahit ituri man itong kaunti ay hindi tayo makakaramdam ng gutom bastat tama ang ating kinakain.  Hindi man kasing bigat ng karne ng manok ang tinapay ay kasing dami naman niyon ang sustansiyang nagpapalakas sa atin sa loob ng maghapon at magdamag.   Sa tuloy-tuloy na dedikasyon at disiplina, napakalaki ng pagbabago sa akin.  Mula sa timbang na 74 ay naibaba ko ito sa 67 sa loob ng tatlong buwan.  At nang lumaon ay naging pagsubok sa akin ang tukso nang hindi ako makaramdam ng panghihinayang kapag mayroong kumakain ng masasarap sa tabi ko.

Marami ang nagsasabi na baka daw masobrahan ako, baka daw makasama ang ginagawa kong pagpigil sa pagkain, baka daw tinitipid ko lang ang aking sarili.  Ang sabi ko, hindi ako lumalampas sa sukatan ng aking tamang timbang, at ito ako kahit nuon pang sa Pilipinas ako nagtratrabaho.  Ang naging panuntunan ko nuong mga oras na iyon sa sinasabi ng ibang tao na baka mali ang ginagawa ko, sinabi ko lang sa sarili ko na hanggang kumakain ako ng tatlong beses sa isang araw at basta’t ang kinakain ko ay yung mga tamang pagkahin ay hindi ako mapapahamak.  Ang mali kasi sa iba sa atin ay kapag nakaramdam ng gutom ay pagkain agad ang unang iniisip.  Makakain lang naman sa umagahan, tanghalian at hapunan ay tama na ang mga ito at hindi na tayo malilipasan ng gutom.  Maaaring nasa isip lang natin ang gutom.  Ang gantimpala ko sa lahat ng ito?  Isa ako sa mga kasing edad ko na walang minimintinang gamot sa katawan at walang iniinom na bitamina na pampalakas at pangdagdag sa kinakain.

Ni Alex V. Villamayor
September 17, 2015

No comments: