Monday, November 14, 2016

DUMARATING NA SUWERTE

Bawat isa sa atin ay naghahangad ng magandang pangyayari ang dumating sa buhay.  Kaya naman kahit nagpapakapagod ka na ay nagdarasal ka pa rin na kahit paulit-ulit ay tinitiis ang pagkainip alang-alang lang sa gusto nating mangyari at makamit sa buhay.  Ngunit sa kabila ng ating masidhing pagsusumikap upang makamit lang ang mga gusto nating mangyari sa ating buhay, kung minsan ay hindi talaga ito dumarating sa atin.  Kung kaya kapag nalaman natin na ang ipinagdarasal, pinaghihirapan, pinagsusumikapan at hinahangad natin ay ipinagkaloob sa ibang tao ay kahit paaano ay nakakaramdam tayo ng lungkot at nagkakaroon ng inggit.  Nasa sa atin na ngayon kung paano natin hahawakan ang inggit na ito – kung makakasira ba o makakatulong sa ating pagkatao at pag-unlad.

Para sa mga sinusuwerte: kung ikaw ay biglang yumaman o nagkaroon ng malaking pagbabago sa trabaho, panatilihin mo pa rin ang dating ugali mo kung paano ka sinuwerte.  Mayroon kasing mga tao ang nagbabago ang ugali.  May mga tao na dahil sa biglang pag-angat ay nalalasing sa galak na dulot ng karangyaan.  Marami ang nalulunod sa isang basong tubig.  Umangat lang ang kabuhayan o gumanda ang kalagayan sa trabaho ay lumalaki na ang ulo at ang mga paa ay hindi na mailapat sa lupa.  Yung ang akala mo ay kung sino na mataas ang posisyon at may malakas na kapangyarihan sa trabaho.  O yung kung magpaganda ng bahay at bumili ng magagarbong kasangkapan ay ipinapakita sa mga kapit-bahay.  At iyung kung mag-ayos sa sarili tulad ng pagbili ng mga alahas, mamahaling damit, sapatos, bag at gadyet ay labis-labis.  Hindi na bago ang mabalitaan mo na buhat nang yumaman ang isang tao ay naging mapagmataas ang ugali at masakit makapintas sa kapwa.  Naging mapagsupla sa maliliit, marurumi at mababang tao na ang akala mo ay hindi nagdaan sa ibaba at hindi narumihan ang katawan.  O naging maramot at ayaw magbahagi ng yaman sa takot na siya ay maubusan o kaya’y ayaw umangat ang iba upang siya lamang ang nakaaangat.

Kung ikaw ay mapalad na makatanggap ng pagpapala, alagaan mo ito upang huwag mawala bagkus ay lumago pa.  Maging matino sa paghawak ng pera.  May mga tao kasi na kapag may biyayang dumating sa kanilang buhay ay nawawala sa tamang diskarte dahil sa labis na katuwaan.  Halimbawa ay iyung biglang yumaman dahil nanalo sa isang paligasahan, sa sugal o nagkaroon ng malaking sweldo dahil na-angat sa trabaho.  Dahil karamihan sa mga tao na nagkaroon ng biglaang suwerte ay kadalasang hindi makayanang panghawakan ang dumating na suwerte.  Hindi alam kung saan daldalhin ang pera o kung paano ito hahawakan.  Nagiging magastos na gustong bilhin ang mga hindi nabili nung hindi pa niya kayang bilhin o yung mga binibiling hindi mahalaga at nagpapakasaya sa kapangyarihang naidudulot ng pera.  Ito ang mga nagagawa ng biglang-yaman, ng kaunting karangyaan sa mga taong hindi karapat-dapat sa biglaang biyaya.  Sila ang masusuwerte na binigyan ng pagkakataon ngunit pinabayaan. 


Hindi lahat ng tao ay binibigyan ng pagkakataon na tulad ng mga taong nabanggit sa itaas.  Marami ang naghahangad ng kanilang mga tinamasa at naranasang suwerte kaya kung ikaw ay naging mapalad, magpasalamat ka.  At kasabay nito ay maging mapagmatiyag ka sa sarili mo dahil baka magbago ka.  Maging mapagkumbaba dahil ito ang unang hakbang upang hindi ka kainin ng maling sistema.  Manatiling nakatapak ang mga paa sa lupa dahil kung hahayaan mong lumaki ang iyong ulo na parang lobo at tuluyan kang ilutang sa ere, kapag umihip ang malakas na hangin ay tatangayin ka upang ipadpad kung saan-saan.   Isipin mong kung paano ka nagsumikap at nagdasal upang ipagkaloob sa iyo ang tinatamasa mo kaya manatiling ganun ka pa rin kung paano ka nagsumikap at nagdasal nuon.  Isipin mo ang kalagayan ng mga taong nagsusumikap tulad nuong ikaw din ay nasa ibaba nang sa gayon ay manatiling malapit ang iyong puso sa kapwa mo.  Para naman sa mga nagsusumikap pero hindi makamit ang pinapangarap – huwag panghinaan ng loob o magkaroon ng hinanakit dahil ang lahat ay may kanya-kanyang panahon at ang lahat ng nangyayari sa mayroong dahilan.

Ni Alex V. Villamayor
November 14, 2016

No comments: