Wednesday, May 10, 2017

MAKABAYAN AT RELIHIYOSONG PILIPINO

Hindi man kaaya-ayang paksa na talakayin, ngunit mayroong ugali ang mga Pilipino na hindi naman magandang hindi bigyan ng pansin – ang katigasan ng ulo.  Sinabi ng hindi pwede ay sinusubukan pa rin, sinabi ng mali ay ginagawa pa rin, hindi dahil sa detereminasyon, prinsipiyo at tiwala sa sarili kundi matigas lang talaga ang ulo.  Ang problema kasi sa karamihan sa atin ay mayroon tayong ugali na kung ano ang gusto natin ay iyun ang susundin natin lalung-lalo na sa politika, relihiyon at pagka-Pilipino.  Hindi tayo iyung sumunod na lamang kung ano sinabi ng Diyos, ng gobyerno, kumpanya at ng mga magulang natin dahil tutal ay sila naman ang nakakaalam ng tama at ng mabuti para sa atin.  Hindi ako makakapagsalita para sa ibang relihiyon at sa halip ay ang pagiging Katoliko / Kristiyano ang aking ihahalimbawa dahil ito ang aking nalalaman.  Halos lahat tayo ay taas-noo sa pagiging nag-iisang dominanteng Kristiyano sa buong Asya.  Ipinagmamalaki natin ito dahil naniniwala tayong isa ito sa nagliligtas at nagpapabuti sa atin.  Pero ang problema nga lang sa maraming Kristiyano ay hindi naman talaga tayo deboto sa ating mga katuruan at kautusan, malabnaw at mahina ang pananampalataya.  Sa panahon natin ngayon, hindi na tayo isang mabuting Kristiyano / Katoliko.  Aminin natin, sa sobrang makabago natin ay marami na tayong binago at hindi pinananiwalaang mga katuruan sa ating kinabibilangang relihiyon.  Para bang mayroon na lamang Kristiyano na ala-Pilipinong estilo o pamamaraan.

Maraming Pilipinong Kritiyano ang sinusunod lang kung ano ang gustong sundin at binibigyan ng kanya-kanyang interpretasyon ang mga salita sa Bibliya.  Mahina ang ating pananampalataya.  Hindi natin sinusunod ang ating Simbahan at at kaparian.  Kahit na sinabing magsimba, ang ikakatwiran ng marami ay hindi na kailangan ang magsimba dahil ang mas mahalaga ay ang taimtim at personal na pagdarasal, na para bang talagang nagdarasal ang mga kulang sa pananampalatayang mga taong ito.  Sa kabilang banda ay mayroong mga relihiyoso na laman ng simbahan at palasimba ngunit paglabas ng simbahan ay mga makasalanan din naman, mga nagdadasal ng litanya at kabisado rosaryo ngunit ang mga nasabing madasaling tao na ito ang siyang kayang-kayang murahin ang mga kaparian.  Kung ano ang pabor para sa atin ay iyun ang pinipili natin tulad ng hindi paggamit ng kontraseptibo dahil sa pansarili nating kasiyahan.  Masyadong maluwag ang Kristiyanong Pilipino na hindi kayang pasunurin ng mga pinuno ng Simbahang Katolika, palatandaan na marami sa atin ang mahina ang pananampalataya.  Itinuturong “Huwag Kang Papatay” pero marami ang sari-saring katwiran ng pagkontra ang sinasabi ng mga kulang sa pananampalatayang Pilipinong Katoliko.  Ipinipilit na ikasal ang mga magkaparehas na kasarian.

Kahit sa pagiging Pilipino ay kulang din ang ating pagkamakabayan.  Sinasabi nating makabayan tayo pero kaya ba natin ang magsakripisyo alang-alang sa Pilipinas?  Hindi natin tinatangkilik ang sariling atin, hindi tayo mabubuhay sa isang sitwasyon na ang lahat ng gamit natin ultimo ang kaliit-liitang palito ay gawang-Pilipino.  Paaano iikot sa merkado ang mga produkto at serbisyong Pilipino kung hindi naman nababawi ng mga negosyante ang kanilang puhunan sa ininalalabas nila?  Mas pinipili natin ang mamasyal sa ibang bansa kaysa sa bisitahin ang sarili nating turismo dahil mas umiiral sa marami sa atin ang pagpapaktia ng ating estado sa buhay kaysa sa aral at karunungang nakukuha sa paglalakbay.  Kapag nga sinabi sa atin na magtipid tayo sa kuryente at tubig ay di ba’t kung magselpilyo ka, maghugas ng mga pinagkainan at maglinis ng sasakyan ay parang bale-wala lang sa atin ang natatapong tubig?  Suportahan ang pelikulang Pilipino pero tinatalo ng banyaga an gating industriya.  Simpleng babala na “Bawal ang tumawid: nakamamatay” ay hindi masunod ng kababayan natin na pinipiling tumawid sa nasabing lugar hanggang maaksidente dahil sa katamarang lakarin ang hindi kalayuang tamang-tawiran o tulay mismo na nasa itaas lamang niya,


Kilala ang Pilipino bilang isa sa mga masayahing tao sa mundo at sa kakaibang pakikiharap sa mga bisita.  Sa kaisipang ito, sikapin natin na makakabuo pa tayo na gumawa ng iba pang magandang katangian na magpapatingkad pa sa atin na maaari tayong tumayo sa entablado at taas ang noo na masasabing ito ang Pilipinas, ako ay Pilipino.

No comments: