Tuesday, May 16, 2017

PANSAMANTALANG PAMALIT

Sa tabaho ko, minsan ko ng naranasan ang maging isang pansamatalang kapalit sa mga nagbabakasyon, may sakit at umaalis na mga kasamahan ko sa trabaho, alinsunod na rin ito sa kagustuhan ko.  Nag-umpisa muna ako sa posisyon ko sa aking trabaho bilang isang permanente na tumagal din ng ilang taon ngunit sa aking pansariling dahilan ay nakiusap ako sa aking amo upang gawin muna akong pamalit.  Alam kong hindi nakakasigurado sa katayuan ng trabaho ang mga pansamantalang pamalit dahil malakas ang posibilidad na una siyang aalisin sa kumpanya kapag wala ng mapapalitan o kapag nagbawas ng mga trabahador.  Kasama pa ang posibilidad na baka kung saan-saang lugar, mahihirap na trabaho, ibat-ibang tao na makakasama at mga mahihigpit na amo ang mapuntahan ko.  Ngunit hindi ako natakot nuon dahil na rin sa naging matinding karanasan ko sa aking trabaho na abala at may mahigpit na amo na nagpatibay at nagpatapang sa akin kaya parang naging bale-wala na lang sa akin ang mga alalahanin na ito.  At naniniwala ako na kaya ko ito, pinalakas pa ito ng isang superbisor na aking nakatrabaho na nagsabi sa akin na sa ipinakita kong pagtratrabaho ay may patutunguhan ako at magkakaroon din ako ng lugar.

At nang maranasan ko na nga ang maging isang pansamantalang pamalit, nalaman ko ang ibat-ibang nararamdamang sentimiyento nila sa trabaho.  Mahirap ang maging isang pansamantalang pamalit dahil una ay palagi mong inaaral ang ibat-ibang trabaho depende kung saan ka mapupunta.  Iyung aaralin mo ang trabaho sa loob ng maiksing panahon na inaral ng papalitan sa loob ng mahabang panahon.  Iyung sa loob ng isang buwan na ilalagi mo, bago mo pa lamang natututunan ang lahat ng trabaho ay kakailanganin mo na itong iwanan dahil ang taong pansamantalang pinalitan mo ay paparating na.  Bukod pa sa katotohanang ang trabaho ay hindi talaga sa iyo kaya wala kang magawang diskarte upang pakialaman ang mga nakikita mong dapat baguhin.  Hindi ka makabuo ng lugar mo para sa iyong sariling pamamaraan ng pagtratrabaho, ang mismong trabaho at mga gamit sa trabaho.  Kasama pa dito ang mga makakasalamuha mong ibat-ibang tao mula sa kasamahan hanggang sa amo bagamat hindi naman ito naging problema sa akin.

Sa maikling panahon, maraming aral akong natutunan na hindi ko makukuha kung ako ay nagpirmi lamang sa isang trabaho.  Dito ako natuto ng ibat-ibang trabaho, nakita ko ang iba pang operasyon ng kumpanya, marami akong nakilala at natutunan ko rin na hindi totoong walang malaking pananagutan ang isang pansamantalang kapalit.  Kung ikaw ay isang tao na anumang trabaho na ibinigay ay ginagawa mo ng buong puso, bawat natapos mong trabaho ay masasabing may kalidad.  Sinasabi ng iba na ang isang pamalit daw ay walang malaking kalidad o matinding katangian sa trabaho dahil hindi naman talaga sila ang pinili para sa trabaho.  Kung responsable kang tao, hindi ito ang iyong mararamdaman, katwiran at ang gagawin mo.   Wala sa pagiging permanente kung magaling magtrabaho ang isang tao dahil sinomang tao, permanente man o isang pansamantalang kapalit, maliit man o malaki ang trabaho ay gagawin mo kung ano ang nakasaad na trabaho mo at ibibigay mo ang iyong makakaya kung talagang mayroon kang responsibilidad.  Hindi mo hahayaan na magdusa ang kalidad ng trabaho dahil alam mong nakataya ang iyong pangalan sa iyong mga ginagawa.

Kung ikaw ay isang pamalit, huwag kang malungkot, manliit at mawalan ng pag-asa dahil kumpara sa ibang mga permanente ay may mga ginagawa kang hindi kayang kayanin, gayahin o higitan ng mga regular na empleyado.  Hindi totoo na mas maganda at mas mahalaga kung ikaw ay nagtagal sa kung saan ka nagsimula ng iyong trabaho dahil aanhin mo ang matagal na panahon sa iisang trabaho kung ikaw naman ay hindi umunlad, ang natutunan mo ay ang iyong lugar lamang at hindi mo nalaman ang totoong kalagayan ng iba kaya hindi mo maramdaman ang kanilang hinaing.  Kung ipinagmamalaki mong nagtagal ka sa iisang trabaho mulat-sapul pa, marahil ay hindi mo makakaya ang hirap ng isang taga-pamalit, maaaring hindi ka makakapasa sa iba, dun pa lang ay nakalalamang na sila sa iyo.  Maaaring nagkataon na lang kung naging paborito ka ng iyong amo kaya ayaw kang paalisin sa puwesto pero mas mapalad ka pa rin ang pinagbigyan ng pagkakataong makita kung ano-ano pa ang nasa labas ng iyong mundong ginagalawan.  Kung minsan, mas magaling pa nga ang isang pansamantalang kapalit kaysa sa permanenteng nakapuwesto sa trabaho.  At totoo naman na mas magaling kung ang isang pinuno ay nanggaling mula sa ibaba dahil alam niya ang damdamin ng mga nasa ibaba.

Muli akong naging isang permanente sa aking puwesto nang pumayag na akong tanggapin ang posisyon na pansamantala ko sanang gagawin dahil alam kong mahirap kapag nagtagal pa ako sa pagpapalit-palit ng mga pinupuntahang trabaho.  Nagpapasalamat ako at naranasan ko ang sitwasyon ng isang maging pansamantalang pamalit, kung kaya kapag iyung pagkakataon na ako ay magbabakasyon at may isang pansamantalang papalit sa akin, hindi ko na pinipilit na matutunan niya ang lahat-lahat dahil nauunawaan ko ang kalagayan niya.  At bilang tulong ko ay ibinibigay ko ang lahat ng kaalaman ko, hindi ko ito ipinagdadamot at binibigyan ko pa ng payo dahil alam ko nga ang kalagayan nila.  Hindi ako natatakot na baka sa pagbalik ko ay mawalan ako ng trabaho dahil maaaring siya ang ilagay na permanente sa aking pwesto dahil tulad ng aking paninniwala, may mapupuntahan akong lugar kung saan man ako mapunta.

No comments: