Maaalaala ko ang 2018 bilang madamdamin na taon.
Bago ko isara ang pahina nito,
wala akong maisip kundi ang aking ina.
Ang pagpanaw ng aking nanay nuong ika-15 ng Marso ay
nagdulot sa akin ng luha.
Pinaghandaan ko na ang araw na iyon ngunit kapag dumating
na ang katotoohanan, parang hindi pa pala ako handa.
Nang malaman ko ang nangyari, ora mismo ay gusto kong
mapag-isa.
Gusto ko ng katahimikan, umakyat ako sa pinaka-taas ng aming
bahay at tumingin sa langit.
Madilim, hindi nakikita ng gabi ang aking pag-iyak.
Madrama?
Oo, pero hindi ko na inisip kung maging madrama.
Nakatingala, kinausap ko ang Diyos.
Sinisi ko ang aking sarili sa pagiging makasasrili,
sa hindi ko napagsilbihan ng mabuti ang aking nanay sa
panahon ng kanyang karamdaman.
Humingi ako ng kapatawaran sa aking mga pagkukulang.
At nakatingin lang ang gabi sa akin.
Parang pinatigil ko ang mundo.
Walang nanginginbabaw kundi ang kalungkutan.
May isang ina sa dako roon ang wala ng buhay,
narito ang kanyang anak sa malayo,
gustong lumapit pero walang magawa.
Ipinagdasal ko ang aking ina.
Ipinagdasal ko ang kanyang kapayapaan.
Ipinagdasal kong makarating siya sa langit.
Sandali ng katahimikan, hindi ako kumibo o kahit
nagsalita.
Nakaupo lang sa kadiliman, malungkot,
katulad nuong kanyang nalalabing mga huling araw.
Hinihintay na kausapin ako ng Diyos.
Ngayon na dumating na ang takdang oras,
nagluluksa ako, habang nag-iisa sa itaas
Ilang araw hindi ko naisabuhay ang normal na mg araw.
Hindi ko kaya.
Hindi ko kayang magsaya, manood ng telebisyon, magbukas
ng internet, maging makamundo sa mundong ito.
Nalulungkot ako sa kanyang pagpanaw.
Unang Mahal na Araw, unang Pista, unang Pasko, unang
Bagong Taon, unang Kaarawan.
Mga una na wala siya, mahirap maunawaan na ang buhay ay
hindi na katulad ng dati.
Lumipas ang mga araw,
hanggang ngayon, hindi ko pa rin lubos-maisip kaylan ma’ay
hinding-hindi na kami magkikita pang muli.
No comments:
Post a Comment