Tuesday, December 08, 2020

MGA SENYALES NG KATAPUSAN

Hindi ako pala-panood ng mga ebanghelikong bidyo tungkol sa mga palatandaan ng katapusan ng mundo, pero nitong nagkaroon ng pandemiya ay dinala ako nito sa pagmumuni-muni at natagpuan ko ang sarili ko na nanonood ng mga ganuong bidyo.  Isa sa mga napanood ko ay bumalik sa aking ala-ala at bigla kong naisip na, oo nga nangyyari na ang mga sinasabing senyales lalo na sa Pilipinas.

Bukod sa mga kalamidad, digmaan, mga sakit, at tag-gutom na nangyayari sa ibat-ibang bansa maging sa Pilipinas man, may mga sensalyes na nangyayari mismo sa Pilipinas, tulad ng mga naglalabasang bulaang propeta at tinutuligsa ang kristiyanismo.  May mga pinuno ng sekta ng relihiyon ngayon ang umaangking siya ang Diyos, sugo ng Diyos, o sinasabing ang sekta nila ang totoong relihiyon na tanging malililigtas.  Lumalakas sila dahil hindi naging kasanayan ng Kristiyanismo ang makipagtalo kaya madalas nilang gamitin ang Kristiyanismo sa pagpuna sa mga katuruan nito kung kaya dumadami ang nakikiayon sa kanila at tinutuligsa na rin ang Kristiyanismo.  Ito na ba ng sinasabing mga bulaang Propeta?  Ito ba yung sinasabing paparito at magsasabing siya ang Mesias?

Senyales daw na marami ang panghihinaan ng loob at tatalikod sa pananampalataya.   Nangyayari na sa mga Pilipino ang humina ang pananampalataya at kaya na nilang kutyain, paratangan at kalabanin ang relihiyong pinanggalingan nila.  Kapag malapit na raw ang katapusan, kapopootan daw ang mga Kristiyano.  Hindi ba’t nangyayari na ito sa Pilipinas?  Marami ang mga lantarang nililibak ang mga pinuno ng simbahan tulad ng sakim daw at mukhang pera ang mga Pari.  Sinasabing yw na nilang magsimba dahil; sa mga kurakot na pari pero ang totoo ay dahilan na lang hila iyon dahil kinatatamaran na lang nila ang magsimba - hindi ba't nanghina na ang kanilang pananampalataya?  Hindi lang minsan kundi maraming beses narinig ng mga Pilipino ang sinabing saktan ang mga Obispo, nakawan, barilin sila, at murahin sila.  Hindi ba’t nagpalakpakan ang maraming tao nang marinig iyon?  Hindi ba’t mismong Snto Papa ay minura na?  Napakasama na ng mundo hindi ba?

Ililigaw daw ang mga tao tuloy sa pagdududa sa mga kautusan tulad ng ang “Huwag kang papatay” ay puwede naman daw pumatay.  Binabago nila ang kahulugan ng mga katuruan.  Ang hindi katapatan, pagsisinungalin at kabastusan ay tila tanggap na ng mgaraming Pinoy.  Hindi ba’t ang mga ito ay tinatangkilik ng mga Pilipino?  Ang pagsisinungalin kapag nauungkat ay ginagawang biro na inaayunan ng mga nakikinig sa pamamag-itan ng palakpakan.  Ang kontrobersiyang nakawan na umaabot ng bilyon-bilyon ay hindi ba’t ilang beses na nating narinig nitong mga nagdaang taon?

Magsusulputan ang mga anti-Kristo – iyung ayaw kumilala sa Ama at Anak.  Ang senyales na ito ay nangyari na sa Pilipinas.  Tinawag na kalokohan daw ang doktrina ng holy trinity, iyung sabihing nakakawala ng bilib na ipinako sa krus ang Diyos sabay mura dito.  Sino itong estupidong Diyos na ito?  May mga kristiyano na napaisip na “oo nga ano?” at pilit ipinaliwanag kung bakit tama ang narinig nila.  Pilit nilang bibigyang katuwiran na tama ang sinabi ng tao na iyon.  Hindi ba’t nangyayari na nga ito ngayon?

Ayokong maki-isa sa mga senyales ng katapusan.  Ayokong maging isa sa mga katibayan ng mga senyales na ito.  Ayokong maging bahagi at halimbawa ng kasamaan.  Ang pandemniya ay naghatid sa akin ng pagmumuni upang isipin ko kung ano ang mga nagawa ko at ano ang mga dapat kong gawin.  Gusto kong maging solusyon kaysa maging problema.  Gusto kong makatulong, hindi kinakailangang pera kundi sa ibang bagay o paraan.  Sa pamamag-itan ng pagpapakabait, naniniwala akong kahit papaano ay maiibsan natin ang pangamba ng pagtatapos ng panahon.  Sa mga pinagdaraanan ng Pilipinas, masuwerte ako dahil hindi ako nagiging biktima kaya pinipilit kong maging bahagi ng pakikiramay, pakikibaka at pagbangon.  Hindi kinakailangan ang malaking kayamanan o tulong dahil ang maliit mong bahagi, kapag isinama sa marami ay malaking kapakinabangan sa marami.

No comments: