Bakit may mga tao na kahit anong ganda ng paliwanag ang gawin mo ay hindi mo sila mapapaliwanagan? Bakit kahit ipakita mo sa kanila ang katotohanan at mga katibayan ay hindi mo sila mapapaniwala? Bakit kahit anong kumbinsi ang gawin mo ay hindi mo sila makumbinsi? Bakit nga ba kahit ano ang gawin mo at ano ang mangyari ay hindi mo na mababago ang mga loyalista at panatiko? Dahil sa tatlong ugali na ito: matigas ang ulo, sarado ang isip, mataas ang tingin sa sarili – isa man sa mga ito o lahat ng ito. Ang katigasan ng ulo ay nakukuha kung paano pinalaki. Kung pinamihasa ka sa iyong mga ginagawa nung iyong kabataan, magiging sarado ang iyong isip at sarili na lang ang iyong pakikinggan. Hindi sila nakikinig kaya ano man ang paniniwala nila ay hindi talaga sila basta-basta mapagbabago. Anoman ang marinig na katotohan ay hindi sila makikinig dahil sarado na ang kanilang isip, kahit nariyan na ang aral na mapupulot. Anoman ang pagkumbinsi sa kanila ay hindi sila susunod kahit sa kanilang magulang, asawa at mga kaibigan dahil matigas ang kanilang ulo at mas mahalaga ang gusto nila ang masusunod. Anoman ang pagkakakilala nila sa taong gusto nila ay hindi sila tatanggap ng opinyon ng iba dahil ang alam nila ay mas tama ang opinyon nila.
Ang lahat ng ito ay dahil sa labis-labis na katapatan nila sa taong gusto nila na sa kalabisan ay hindi na nila kayang kontrolin ang damdamin at pag-iisip. Parang pag-ibig na bulag, ganuon sila kaya anuman ang mangyari: umulan man at umaraw, maghalo man ang balat sa tinalupan, pumuti man ang uwak at umitim ang tagak – itaga mo sa bato mananatili sila sa tao na gusto nila, dahil ganuon ang taong nabubulag sa pag-ibig. Kaya kahit ipakita mo sa kanila ang libro o katibayan, hindi sila maniniwala dahil kahit ang libro ay sasabihin nilang may mali bilang pagtatanggol sa taong gusto nila. Kahit sabihin ng otoridad ang katotohanan ay sasabihin niyang may kinikilingan ang otoridad upang idepensa ang taong gusto nila. Kahit anong kapintasan at kamaliang ginawa ng taong gusto nila ay hindi nila ito huhusgahan at susuhetuhin dahil kaya nilang ikonsidera na normal lamang iyon. Ang pagmumura ay musika sa kanilang pandinig dahito ito ay pagpapakatotoo sa paglalahad ng iyong sarili. Ang pinakaimposible man ay paninniwalaan nila basta’t nanggaling yun sa taong pinagkakatapatan nila – parang nahuhumaling sa pag-ibig. Kahit niloloko na sila sa mga bagay na masyado ng maganda para maging totoo tulad ng isang ginto para sa isang tao o tatlo hanggang anim na buwan ay mawawala na ang droga.
Ang totoo, kahit ang kautusan ng Diyos na “Huwag kang papatay” ay kaya nilang ibahin ang kahulugan para lang makatulong sa kanilang idolo. Ang “Huwag kang magsisinungalin” ay kaya nilang sabihin na hindi naman mahalaga sa eleksiyon para ipagtanggol ang sarili nila. Ang “Huwag kang magnanakaw” ay hindi mali kung ang nagnakay ay nakakatulong at may nagawa naman, at ayon sa kanila ang lahat naman ay nagnanakaw kaya tama lang ng magnakaw. Kung isa kang normal na tao, kaya mo ba ang ganuong mga katwiran? Ganun kalaki ang kanilang katapatan sa tao na gusto nila na kahit Diyos ay susuwayin nila. Deboto na sila sa tao pero hindi sa kanilang pananampalataya. Kung sana ang labis na katapatan nila ay sa Diyos nila ibinigay, kung sana ay loyalista at panatiko sila sa Diyos, di’sin sana ay walang tatangkilik sa taong halata ng sinungalin, sa mga may bahid ng pagnanakaw, at sa mga walang pangimi sa patayan. Kung mas pinapanigan mo ang kagustuhan ng Diyos (kaysa kagustuhan ng tao) ay hindi ka malilito sa pagpili, at hindi ka kasabwat sa lokohan, nakawan at patayan.
Ang masakit o nakakalungkot nito ay hindi nila inaamin na loyalista o panatiko sila sa kabila ng ipinagsisigawan nilang “puro / o solido” sila. Iyun ay dahil nga bulag sila. Ang taong nabubulag sa pag-ibig, kahit anong “tapik, gulat, o buhos ng tubig” upang magising ay bulag pa rin. Parang mga tagahanga ng isang artista, ano man ang sabihin mo ay hindi mo sila mapipigilan na hangaan ang kanilang iniidolong artista. Ipaglalaban nila ito, pupurihin nila ito, pasasayahin nila ito. Ganun din ang mga taong bulag na taga-sunod, gagawin nila ang lahat huwag lamang silang ayawan o kagalitan ng taong kanilang gusto. Kaya anuman ang gawin mo ay mahirap na silang mapagbago dahil sa ganitong pagkatao nila.