Matagal ng tinutugis ang mga maka-Kaliwa (rebelde, aktibista, komunista) pero hindi matapos-tapos. Nagsimulang lumago nuong panahon ng administrasyong-Marcos hanggang ngayon ay sinusugpo pa rin. Sa paniniwala ko, hindi mauubos ang mga maka-Kaliwa sa paghuli at pagpatay sa kanila. Ideyalismo, hindi mga tao. Hindi na kasi yung mga tao ang kalaban dito kundi iyung ideyalismo ng paglaban nila sa katiwalian ng pamahalaan at pagbabago sa lipunan. Kahit anong gawing paghuli, pagkulong o mapatay pa ang mga nagtatag at namumuno sa mga maka-Kaliwang grupo, mahirap na itong magtagumpay dahil sa ideyalismo. Tagpasin man ang ulo ng nagtayo ng grupo, hindi pa rin mabubuwag ang grupo kung hindi mo lalabanan ang kanilang ipinaglalabang ideyalismo. Dahil mawala man ang nagtatag ng grupo, mayroon pa rin mga maaakit na sumapi sa kanila dahil nariyan pa rin ang maganda nilang adhikain. Kung hindi kayang tapusin ang mga bumubuo dito, bakit hindi pigilan ang dahilan ng mga sasapi dito?
Nasa pinapaniwalaang adhikain. Ang ideyalismo ng mga maka-Kaliwa ay tapusin ang pang-aabuso ng mga nasa posisyon. “Labanan at wakasan ang katiwalian, nakawan at pang-aabuso” – ito ang inilalako para makahikayat ng sasapi sa kanila. Patunayan mo na hindi ito totoo para walang sumapi sa kanila. Supilin ang nakawan sa gobyerno para ang mga tao ay hindi mag-isip sumapi sa maka-Kaliwa. Kung ang ipinaglalaban nila ay labanan korapsiyon at mga abusado sa tungkulin – sugpuin ang mga ito. Kung ang ipinaglalaban nila ay pagkakapantay-pantay ng mga tao sa lipunan, ipakita na ang mayaman at mahirap ay patas lang sa mata ng lipunan nasa siyudad o liblib na pook ka man. Hanggang maraming ginagawang sistemang palpak kung sino man ang naka-upo sa pamahalaan, maraming magagalit na mga taong gugustuhing mamundok at labanan ang sistema sa paraan nila. Kung kitang-kita ng mga tao na maraming umaabuso sa mga inihalal at opisyal, kung nakikita ng mga tao ang katiwalian, nakawan, kontrobersiya at iskandalo sa mga ahensiya ng gobyerno, kung nakikita ng mga tao ang mga ito, hindi mauubos ang mga maka-Kaliwa dahil marami ang magagalit at maeenganyong sumapi dahil nga sa ideyalismo na isinusulong ng mga namumuno ng grupo.
Kaya kahit hulihin, ikulong o mapatay ang mga malalaking tao sa kaliwa, hindi mawawala ang mga makakaliwa hanggang hindi inaalisan ng dahilan ang mga tao na sumapi – kahirapan, kaguluhan, katiwalian, kaabusaduhan. Dito nagagalit ang mga tao, kaya ito dapat ang supilin upang matalo ang ideyalismo nila. Iyun ang dapat alisin ng pamahalaan. Kontrahin ang ideyalismo o ipinaglalaban nila, dahil yun ang pinanghihimok na sumali ang mga tao. Nasa pamamalakad ng administrasyon. Pagandahin ang pamamalakad sa gobyerno at walang mahihikayat na miyembro. Kasi kapag natalo ng pamahalaan ang ideyalismo, hindi mamumundok ang mga tao. Kung maayos ang gobyerno, bakit ka sasapi, bakit mo iiwan ang maganda at malayang buhay sa siyudad at pipiliin ang mahirap na buhay sa bundok? Ayusin ang pamamalakad sa pamahalaan at walang bagong sasapi sa mga maka-Kaliwa. Ngayon, kung sasabihin ng mg maka-Kaliwa na labanan natin ang korapsiyon at hindi patas na lipunan, sino pa ang makukumbinsi nilang sumapi kung alam ng mga tao na wala namang korapsiyon at hindi pagkakapantay-pantay? At diyan mamamatay ang kilusan ng mga maka-kaliwang grupo.
Hindi ang mga paaralan at hindi ang mga pagtutol ng mga tao o pagpo-protesta sa kalye ang lugar ng pagkalap ng aktibista, rebelde o komunista. Ang korapsiyon, pangaabuso, kahirapan, kawalang-katarungan, kawalang-kakayahan at kapabayaan ang totoong dahilan ng paglaki ng mga maka-kaliwa. Dapat ng itigil itong pagmamarka. Gamit na gamit, naaabuso, mali ito at hindi ito patas dahil nasisira ang isang tao nang ganun-ganun na lamang, nang walang pruweba kung minsan, at nang namaling ulat lamang. At pagdaka ay babawiin at hihingi ng paumanhin. Ilang beses ng nangyari ito – marami na. Hindi pwedeng lagi na lang paumanhin. Bakit dapat ianunsiyo sa sosyal midya o pres-konperensiya? Kung may basehan at matibay na pruweba ay dalhin sa korte. Bakit ngayon ay parang normal na ang pagpapalaganap ng mga pekeng inpormasyon upang sirain ang reputasyon ng isang tao?
No comments:
Post a Comment