Tatlumpu’t limang tao ng nangyari ang EDSA-1. Isipin natin, ang mga bata na ipinanganak o nasa 10 taong gulang pababa nung panahon na iyon ay nasa 25 - 35 taon o mas bata pa sila ngayong taon na ito. Kung nung panahon na yun ay wala silang alam sa nangyari, ano nga ba ang aasahan ngayong nagkalat ang pekeng balita tungkol sa EDSA-1? Siyempre marami sa kanila ang mapapaniwala. Iyung mga nasa tamang edad na nung mga panahon na yun na ngayon ay galit sa EDSA-1, bagama’t hindi lahat, marahil sila ay iyung mga mahina ang paninindigan, o sarado ang isip na umiiral ang pagka-partisan, o sila yung mga ang argumento ay dahil hindi umangat ang Pilipinas na kahit ang totoo ay hindi naman iyun ang responsibilidad ng EDSA-1. O sila yung mga kabataan nuon na mahilig sa lakwatsa, kasiyahan at walang pakialam sa nangyayari nuon na biglang naging makabayan ngayon dahil sa inpluwensiya ng mga pekeng balita sa social media simula nuong 2007. Narito ang kanilang madalas na argumento:
1. Wala raw nagawa ang EDSA-1. Maling-mali ito dahil narito ang ilan sa mga kontribusyon ng EDSA-1 sa panahon nating ngayon. Ito rin ang mga nagawa at naipaunawa sa akin at malamang ay ganun din sa iba:
• Napatunayan nito na malaki ang kayang gawin ng taumbayan.
• Naipaghiganti nito ang mga biktima ng martial law.
• Napatalsik nito ang diktador at mga crony nito.
• Nalaman ng mga tao na bangkarote ang Pilipinas.
• Napatunayan nito kung gaano inabuso ng pamilya-Marcos ang kaban ng bayan.
• Nagawa nitong iangat ang reputasyon ng mga Pilipino sa buong mundo.
• Naibalik nito ang demokrasya.
• Nagpapakasawa ka ngayon sa benepisyo ng pagiging malayang mamamayan.
2. Lalo raw naghirap simula nuong EDSA-1.
Mas mahirap – siguro… oo, pero hindi dahil sa EDSA-1 kundi dahil sa mga taong hindi binigyan ng pagkakataon ang mga oportunidad pagkatapos ng EDSA-1 at sa mga taong ayaw magbago hanggang sa mga sumunod pang mga panahon. Ilang presidente na ang namuno pero hanggang ngayon EDSA-1 pa rin ang sinisisi ng mga kritiko kung bakit tayo mahirap. Bangkarote na ang Pilipinas nuong huling taon ni Marcos, isipin na lang kung paano pa kaya kahirap ngayon kung hindi nagkaroon ng EDSA-1? Walang pera ang minanang gobyerno ni Cory pero naitawid niya ang 6-taong termino niya. Kaunti ang kaban na dinatnan ni PNoy pero trilyong piso ang iniwan niya – pero ano ang ginawa sa pera ng sumunod sa kanya?
3. Bigo raw ang EDSA-1. Napakababaw ng argumentong ito. Ang pinaka-layunin ng EDSA-1 ay patalsikin sa puwesto si Marcos upang maibalik ang demokrasya na wala naman alinlangang nangyari. Mabibigo lang ang EDSA-1 kapag hinayaan nating mawala at mabawi ang kalayaang ipinaglalaban natin ngayon pero habang nariyan – tagumpay ang EDSA-1.
Bigo daw dahil hindi umunlad, hindi umayos at hindi nagka-isa ang Pilipinas? Bueno balikan at isipin natin kung ano ba talaga ang layunin ng EDSA-1 para masagot ito: patalsikin ang diktadura at ibalik ang demokrasya – ano ang sagot: bigo o wagi?
4. Isang malaking kamalian daw ang EDSA-1.
Paano mo masasabing pagkakamali ang bagay na ginawa ng mahigit isang milyong tao? Paano mo masasabing malaking kamalian ang nangyaring tila milagro o himala ng Diyos na pinahintulutang mangyari ang napakaimposible? Milyong tao na nangahas kumilos nang walang armas laban sa militar ng diktador, mga sundalong hindi nagpaputok kahit may order – himala ang mga ito. Kaya mo bang sabihing isang malaking kamalian ang himala? Iba talaga ang mentalidad kapag panatiko – kahit pang-espirituwal ay kaya nilang kutyain para lang sa kanilang grupo.
1 comment:
@----------Edsa 1 happened 32 years ago. Let this sink in for a while. The children born during that time are now in their early 30s. If we, who remember the events and know the relevance of these events, will not take the time and make effort to re-live our victory as a people, and to teach the lessons of the revolution to our children, everything might be forgotten. If it happens, then history might repeat itself and our children may have to go through the same struggle.
Post a Comment