Ang mga Filipino, lalo na iyung mga may sinaunang pananaw, ay may nakapakaraming pinapaniwalaang pamahiin na naging bahagi na ng ating kutlura at tradisyon. Ang mga ito ay maaaring makatwiran at ang iba ay parang malayo na sa katotohanan at parang kalokohan na lamang subalit nagpapatuloy pa rin ang mga ito hanggang sa ngayon dahil ang kadalasan na nagiging dahilan ng marami ay wala namang masama o mawawala kung susundin ang mga ito. At dahil din sa ating likas na pagpapahalaga sa ating mga magulang, pamilya at nakatatanda ay napipilitan tayong sumunod sa mga pamahiin dahil ayaw natin silang masaktan, suwayin at bale-walain.
Subalit ang ilan sa mga pamahiin natin ay nakakapagduda kung totoo o hindi. May mga pamahiin na ipagkikibit-balikat mo lang dahil para sa atin ay hindi ito malaking bagay. May iba naman na hindi natin kayang gawin dahil hindi natin lubos maisip kung totoo ba talaga dahil napakaimposible. Nagkakataon man o hindi at depende sa paniniwala, ang mga pamahiing ito ay maaaring magpabago ng ating buhay kung susundin o hindi dahil minsan ay nakasalalay dito ang ating desisyon.
Kadalasan ay hindi ako sumusunod sa mga pamahiin dahil marami sa mga ito ay walang koneksiyon sa totoong buhay. May mangilan-ngilan akong ginagawa lalo kung ang pinag-uusapan ay buhay ng tao, pero para sa akin, kung ang pamahiin ay napakaimposible o hindi makatotohanan at kulang sa sentindo-komun ay hindi ko ito paniniwalaan. Tulad ng masama daw ang magwalis sa gabi dahil kasama nitong winawalis ang mga biyaya at suwerte. Huwag daw maghanda ng manok tuwing Bagong Taon dahil lilipad daw ang suwerte o isang taon daw na isang kahig-isang tuka. Hindi ko makita ang lohika ng pagwawalis sa biyayang pinaghihirapan mo at walang dokumentadong paliwanag ang kakayahan ng manok sa kapalarang pinagsisikapan mo.
Kung ang pamahiin ay hindi na praktikal ay hindi ko ito ginagawa. May pamahiin na ang mga abuloy sa isang namatay ay kailangang ubusin. Kung mayroong matira ay gastusin ito sa mga bagay para sa namatay. Kung nagkautang sa pagpapagamot at pagpapalibing ay tama ito. Pero kung naibigay mo na ang mga kaukulang pangangailangan sa namayapang tao at nmayroon pang nalalabing abuloy, para sa akin ay hindi na praktikal na lustayin ito tulad ng luhong pagpaparangya ng puntod para lang masunod ang pamahiin dahil mas may karapat-dapat na pagkalagyan ang mga abuloy.
Kung ang pamahiin ay makakasagabal sa ibang tao ay hindi ko ito sinusunod. Yung nakakaperwisyo ng ibang tao tulad ng kapag ang kasamahan mo ay hindi makapasok sa loob ng opisina mo dahil sa insenso na pinaniniwalaan mong nagpapaalis ng hindi magandang enerhiya. May halimbawa din na dahil ayaw mong hindi ka makapag-asawa ay hindi dapat umalis sa hapag kainan mga kasamang kumain, ayokong mang-abala ng ibang tao para lang sa akin.
Hindi ko sinusunod ang pamahiin kung ito ay humahadlang sa isang oportunidad, hindi ko sinusunod ang mga masasamang paniniwala sa numerong 13. Paano kung may oportunidad ang dumating sa iyo ngunit hindi mo masunggaban dahil ito ay natapat sa a-trese ng Biyernes, o may nakita kang itim na pusa sa iyong daanan, o mayroon kang nakasalubong na karo ng patay, atbp.
Nasa sa may katawan ang pagsunod sa mga pamahiin. Para sa akin, kung ayaw mong sundin ang mga pamahiin ay huwag mo na lang itong pagtawanan, hamakin, at pintasan. Hayaan mo ang mga tao sa kanilang paniniwala bilang respeto na lang. Ang mga pamahiin ay walang matibay na katotohanan. Ang lahat ay nagkakataon lamang dahil walang matibay na pruweba at pagpapaliwanag na ang mga pamahiin nga ang dahilan ng mga nangyayari. Kailangan natin ang mabuhay nang patas, magsumikap at ipagdasal sa Diyos ang ating buhay.