Alas-cuatro ng madaling-araw ng isang ordinaryong Linggo ng Marso ay lulan na kami ng sasakyan upang magpunta sa Pampanga na inabot ng may dalawang oras na biyahi mula sa Rizal. Nais namin mag-visita-Iglesia sa bahaging ito ng norte upang masaksihan ang mga daan-taong bahay-sambahan ng isa sa mga unang umunlad na bayan sa Pilipinas. Bitbit ang maikling panalangin, ay isa-isa naming dinalaw ang pitong simbahan. Dinalaw namin ang Apong Macalulu Church (ang Santo Entierro) at Sto. Rosario Church (Pisambang Maragul) sa bayan ng Culiat (Angeles), Metropolitan Cathedral of San Fernando (Our Lady of the Assumption) sa San Fernando, San Antonio de Padua Parish Church sa Lubao, San Guillermo Parish Church sa Bacolor, Betis Church (St. James the Apostle Parish Church) at Immaculate Concepcion Parish Churh sa Guagua. Nagsimula ng alas-siete ng umaga at nang natapos ang aming pagbisita ay halos alas-once na ng umaga.
Sa aming pag-visita-Iglesias sa Pampanga ay may isang simbahan na talagang kumurot sa aking puso na hanggang sa maka-uwi na kami sa bahay ay nararamdaman ko pa: ang San Guillermo Parish Church sa Bacolor, Pampangga. Naghatid sa akin ito ng lungkot dahil habang binabaybay pa lamang namin ang daan papasok sa bakuran ng simbahan ay ramdam ko na ang kakaiba nitong hatid na kaba. Habang tinititigan ko ang kanyang malaking kampanaryo sa unang pagkakataon ay parang nararamdaman ko iyung lapit ko sa itaas at tila abot-kamay ko na ito. Ang kanyang pintuan sa harapan ay maliit at mababa lamang at ang karugtong na tanggapan ng simbahan ay halos bubong ilang dipa na lang. Dahil ang totoo, ang mga nakikita ko sa paligid ay mga labi’ na lamang ng simbahan dahil natabunan na ito ng makapal at mataas na lahar mula sa pumutok na Bulkang Pinatubo nuong 1991. At hindi ko maiwasan ang kilabutan. Samakatuwid, nakatungtong na lamang kami sa itaas ng lahar. Isipin mo kung gaano kataas ang lahar na rumagasa nuon na ang naiwan sa simbahan ay halos kalahati. Halos malibing ang simbahan mula sa lahar. Ang totoo, ang pintuan sa unahan ng simbahan ay dating bintana ng orihinal na istraktura ng simbahan. Hindi ko lubos-maisip ang takot, sigawan at iyakan ng mga tao nuong araw na iyon ng pagputok ng bulkan. Isang buong baranggay, bata, matanda, ano mang uri ng tao; nagdudumaling nagtatakbuhan dahil sa rumasagasang lahar, na siguro ay may mga inabot at namatay dahil napaso, nalunod at nalibing na lamang sa makapal na lahar. Tatlumpung taon ang nakalipas, ang lugar na ito ay abandonado. Kung anuman ang kasalukuyang nakikita ko ngayon ay dahil bumangon at binuhay muli ng mga tao ang bayan nila. Ilang talampakan na tumaas ang baryo dahil ang baryo ay nasa itaas ng lahar, dito sila tumayo at nagsimula. Kaya ang mga nadaanan namin habang binabaybay namin ang daan ay bagong baryo na. Mahahalata iyun sa mga kalsada at mga bahay na hindi pa kalumaan. Ang mga bakanteng lupa sa maraming lugar ay puno ng makapal at matataas na damo dahil hindi na siguro binalikan pa ng mga may-ari.
Sa puntong ito ay hindi ko maiwasan ang malungkot dahil may mga kakilala ako ngayon na taga-Pampanga at malapit ang loob ko sa kanila. Nasaan sila nuon? Naisip ko na ano ang ginawa nila at paano sila nakaligtas nuong pumutok ang bulkan ng Pinatubo? Anong hirap ang mga naranasan at kuwento nila ng mga oras na yun? At darating pala ang panahon na makikilala ko sila, ang mga Nakaligtas ng Bulkang-Pinatubo.
No comments:
Post a Comment