Ewan ko kung ako lang ba iyung nakakaramdam ng lungkot na sana ay lumaki ako sa ibang probinsya. Yung nananaghili ako na sana ay naging bata ako sa probinsiya sa norte o Mindanao o Visaya. Napakaimposible pero gusto ko, sana ay naranasan kong maging bata hindi lang sa isang probinsya kundi sa maraming probinsya nang sabay-sabay sa isang panahon. Kung pwede nga lang na nasa ibat-ibang lugar ako nung bata pa ako. Bukod kasi sa mga maberdeng puno at halaman, buhay na kalikasan sa kapaligiran, at simpleng buhay sa probinsiya ay gusto ko rin kasing maranasan kung paano ang maging bata at kabataan sa kanilang lugar.
Nararamdaman ko ito kapag napupunta ako sa malalayong lugar ng probinsiya na may mga bukid at bulubundukin. Ito ang nararamdaman ko nang nagpunta ako sa Bicol, Davao, Benguet, Palawan, Cebu, at kung saan-saan pa at panghuli itong Pampanga. Habang daan sa biyahe ay nakikita ko iyung mga may-kalumaang payak na bahay sa malawak na bakuran sa pag-itan ng mga magkakapit-bahay, sa likuran ay natatanaw ko ang isa pang bahay ng kaanak, mga halaman na nagsisilbing bakod, mga halamang nakatanim sa lata, may bahay sa bukid, at mahabang daanan na hindi pa sementado. Habang lulan ako sa sasakyan na dinaraanan ang mga ito ay bumabalik sa akin ang alaala nuon panahong bata pa ako kung paano ako naglalaro sa bukirin, magsuot sa mga bakuran ng bahay-bahay, at paglalaboy sa paanan ng bundok sa amin sa Rizal. Ang mga tanawing ito ngayon sa kasalukuyan ang siya ring tanawin na nakita ko nuong ako ay bata pa na gusto kong balikan pero hindi ko na mababalikan pa kaya nakakaramdam ako ng pagkalungkot. Mga dating lugar na hindi na kayang balikan na nababalikan ko kapag napupunta ako sa probinsiya.
May hatak sa akin ang mga tanawin sa probinsiya dahil naaaala-ala ko ang pagkakahawig nito sa mga nakita ko nuong bata pa ako. Iyung mga dating bukid na nilalakad ko, mga dayaming nilulundagan ko, tabing-ilog na nilalakad ko, at mga patubigan na nilulusungan ko nuong bata pa ako ay nakikita ko sa panahong ngayon sa probinsiya. Alam naman natin na pagdating sa modernisasyon ay “nahuhuli” ang mga probinsiya na malayo sa sentro ng Maynila. Kaya ang mga tao sa lugar na tulad ng kinalakihan ko, na sumabay sa makabagong Maynila ay nagkakaroon ng nostalgia kapag nagpupunta sa mga makalumang probinsiya. Ang sarap at ang saya kasi ng magbalik-tanaw.
At kung saang probinsiya ako naruruon ay naiisip ko pa iyung mga tao na kilala o nakilala na kahit papaano ay naging malapit sa akin kung paano kaya sila nuon. Naglalaro sa aking isip kung paano kaya sila nu’ng mga bata pa sila? Inisip kung ano ang kanilang mga pinagdaanan sa kanilang probinsiya. At sa pagkamalapit ko sa kanila ay iniisip ko na sana ay naging isang probinsiya na lang kami para naging magkababata o makalugar kami. At ganun din ang pakiramdam kapag may nakilala ulit na taga-ibang probinsiya. Dumarating kasi yung pagkakataon na maraming tao kang makikilala mo mula sa ibat-ibang lugar at kapag gumagaan na ang loob mo sa kanila at nagiging kaibigan mo na ay nananaghili ka na sana nakilala mo na sila nuon pa. At naiisip mo na nung panahon na bata ka pa, "nasaan at ano kaya ang ginagawa nila nun mga panahon na iyon?" Sana ay naranasan ko rin ang mga ginagawa nila nuong mga panahon na bata pa ako. Nakakalungkot na hindi ko ito mararanasan at nakalulungkot ang hindi ito maranasan.
No comments:
Post a Comment