“Isang beses lang tayo nabubuhay, mabuhay tayo hanggang sa pinakamalaki". Hindi ko ito masang-ayunan nang buong-buo kasi para sa karamihan ay nagiging mali ang pagkakaintindi nila dito.
Dahil ang katwiran nila ay
“minsan ka lang mabubuhay kaya itodo mo na”, kaya gagawin na nila ang sobra at
kung ano ang gusto nila tulad ng kainin kung ano ang gusto. Ginagawa na nila itong dahilan na isang beses
lang kasi tayo mabubuhay kaya magpakasaya at magpakasawa na tayo. Isang beses lang tayo mabubuhay kaya magpakasawa
sa alak, sugal, kalokohan, materyalismo, pakikipagrelasyon, atbp. Minsan nga lang tayo mabubuhay sa mundong ito
kaya sulitin natin ang buhay.
Para sa akin, ito ay hindi
dapat gawing literal. Bakit hindi mo
isalin ibang kahulugan? “Minsan lang tayo mabubuhay kaya mabuhay tayo
nang sulit at todo”. Ibig sabinin,
sulitin at pagandahin mo ang buhay mo tulad ng pakikipagkapwa-tao at pagkatao
mo. Dapat “minsan lang tayo mabubuhay
kaya mabuhay tayo nang tama”. Huwag mong
abusuhin ang katawan sa marami at ibat-ibang pagkain dahil iyan ang ikasasakit
mo. Dahil may pambili ka ng pagkain ay
kakainin mo na kung ano ang gusto mo?
May limitasyon din dahil kung ano ka ay iyun kasi ang kinakain mo. Kung may sakit ka ay dahil sa mga kinakain mo. Ang totoo nito ay kinakain mo ang mga gusto
mong kainin hindi dahil isang beses ka lang mabubuhay sa mundo kundi ang totoo
ay gusto mo lang talaga ang kumain ng masasarap na pagkain. Huwag mong abusuhin ang pera mo. Hindi dahil may pera ka kaya binibili mo ang
mga mamahalin at makabagong gamit dahil ang totoo ay umiiral lang ang pagiging
makamundo mo at materyalismo mo.
Hindi naman natin magagawa ang
itodo ang buhay kasi ang totoo kapag naruon ka na sa sinabi mong todo ay
mararamdaman mong wala pa pala at kailangan mo pang itodo. Ang pinakatugatog ay hindi magiging
pinakatugatog na kapag naruon ka na kung kaya hindi mo talaga maisasabuhay ang
mabuhay nang todo at sagad. Walang
katapusan ang kasiyahan ng tao. Nagpakasawa
ka na sa kalokohan, pero kapag nagawa mo na yun ay gugustuhin mong lampasan pa ang
mga nagawa mong kalokohan. Nakakakain ka
na sa mga sikat na kainan at nakakain mo na ang masasarap na luto ng baka,
baboy, manok at isda pero hindi mo na kayang tikisin ang hindi uli kumain ng
mga ito dahil iyun na ang pang-lasa na gusto mo. Binili mo na ang pinakabagong modelo na
kagamitan pero makalipas ang ilang araw o buwan lang ay may lalabas ulit na
bagong modelo kaya iyun naman ang mas hahangarin mong mabili. Isang beses magiging bata ang bata kaya
ibigay natin sa kanila ang makakapagpasaya sa kanila.
Sa halip na pagpapakasaya nang
sobra-sobra, bakit hindi mo ito bigyang kahulugan bilang pagpapakadalubhasa,
pagpapagaling, at pagpapalakas ng iyong pangangatawan, personalidad, espiritu,
talento, mentalidad at emosyon. Ituro mo
sa mga bata kung paano pagsumikapan ang gusto nila upang makamit nila ang
kanilang pangarap at hindi sila maging laki sa layaw. Mas kainin mo ang masusustansiyang pagkain at
pagkakaroon ng ehersisyo upang ang kalusugan mo ay maging kayamanan mo at
mabuhay ka nang walang iniindang dinaramdam na malubhang sakit. Maging matulungin at mabuting
makipagkapwa-tao ka upang ang personalidad mo ay maging sobrang kaaya-aya sa
mga tao. Maging makadiyos ka upang ang
ispirituwal na pagkatao mo ay magkaroon ng pinakaaasam na katahimikan ng
pag-iisip. Linangin mo ang iyong
aking-talento at pahalagahan mo ang iyong trabaho upang maging
kapaki-pakinabang ka. Buksan at lawakan
mo ang iyong kaisipan at maging mapagpakumbaba at maalab ang damdamin upang
maisabuhay mo ang kung ano ang buhay mo at ang buhay mo ay maging sukdulan.
Kapag nagawa mo ang mga ito, masasabi mo na naisabuhay mo ang buhay mo nang ganap, at sinapit mo ang kabuuan ng buhay, o ang kabilugan ng buhay man yan. Kapag nagawa mo ang mga ito sa buhay mo sa mundong ito, ito ang kahulugan ng minsan ka lang mabubuhay kaya mabuhay ka nang kapaki-pakinabang at tama.