Friday, February 28, 2025

KUNG WALA KA NG MGA MAGULANG

Kapag ang mga magulang mo ay nawala na, ang lahat ay hindi na magiging tulad ng dati. Kapag wala ka ng ama at ina, hindi na ikaw ang dating anak na may magulang. Kapag wala na sila, saka mo pa lang malalaman kung gaano mo sila kailangan. Wala ka ng uuwian na ama at ina upang bilang anak ay may mapagmanuhan , makita, makausap o kahit mahingan ng tulong. Kapag naulila ka na, hahanap-hanapin mo ang kalinga sa anak ng isang totoong magulang kasi lahat tayo, kahit tumanda na tayo ay mayroon pa ring nabubuhay na isip-bata, kilos-bata, at damdaming-bata sa ating kaloob-looban.


Mararamdaman mo ang pangungulila ng walang ina at ama, iyung may kulang sa buhay kasi wala ng magbibigay sa iyo ng mga paalala, pagkalinga,  proteksiyon, at payo mula sa isang ina o ama na tanging sila lang ang kayang magsalita o mabigay. Kahit may katuwang ka na sa buhay o kasamang mga kaibigan, iba pa rin ang pamamaraan ng pagsasabi ng mga paalala, payo, puna, at pag-puri kapag nanggaling sa mga magulang mo.  Dahil kapag galing sa kanila, walang pagkukunwari at pag-aatubili kundi purong pag-aalala at pagmamalasakit.


Mayroon man kayong mga naging samaan ng loob, pagtatalo, hindi pagkakaunawaan, at hindi pagkakasundo, hahanap-hanapin mo pa rin sila kasi alam mong hindi mo na sila makikita at makakausap kahit kaylan. Kahit may galit ka sa iyong ina o ama,  kapag nawala na sila ay mapapalitan ng pang-unawa ang galit sa puso mo. Kahit may ginawa pa sila na para sa iyo ay mali, kapag sila ay pumanaw na ay saka mo maiisip na mapapatawad mo naman pala sila dahil hindi na ninyo mapag-uusapan pa ang inyong isyu.


Ang totoo, ang magulang mo lang ang kayang magmahal sa iyo nang totoo. Kahit binigyan mo sila ng problema at sama ng loob, hindi ka nila kayang tikisin at paulit-ulit ka nilang patatawarin. Kahit mayroon kang ginawang mali, ano pa man ang hitsura  mo, ano pa man ang hindi mo magandang ugali, kahit ano ka pa, sa bandang huli kahit may mas mabuting anak ng iba ay pipiliin pa rin nila ang kanilang anak. Kung minsan pa nga ay kahit alam nilang hindi dapat dadamayan at papanig pa rin sila sa iyo. Hindi talaga kayang tikisin ng magulang ang mga anak dahil sa kanila sila nanggaling. Nakikita mo sila na kinagagalitan ka, pero kapag hindi na kayo magkaharap ay hindi mo na nakikita kung paano sila nasaktan sa kanilang ginawa, hindi mo na nakikita na umiiyak sila, at hindi mo na alam na ipinagdarasal ka pa rin nila.


Kasi sa totoo lang, kaya ng anak na magsalita ng masakit sa magulang kaysa sa mga kaibigan na kayang layuan siya kapag nasaktan. Pero ang magulang, hindi nila gugustuhin ang layuan nila ang kanilang anak kahit nasasaktan  sila. Lalu na ang isang ina, natural sa kanya ang paulit-ulit na patawarin ang anak upang hindi ito lumayo sa kanya, dahil bahagi at kadikit ng katawan niya ang kanyang anak na pinag-hiwalay nang ipanganak niya ito.


Pero kapag nawala na sila, kahit ano pa ang gawin mo ay hindi mo na magagawa ang mga gusto mo sanang ginawa ang hindi mo ginawa at nagawa. Ang mga gusto mo pa sanang gagawin na hindi mo na magagawa. At kahit alam mong pinagsilbihan mo sila, kahit alam mo na may ginawa ka para sa kanila ay makakaramdam ka pa rin ng pagkukulang mo na sana ay mas ginawa mo ang ganito, o ang ganun. Ang lahat ng ito ay gusto mong gawin upang makabawi ka pero hindi na puwede. At mararamdaman mo ang mga panghihinayang na sana ay ginawa mo ang mga gusto mong gawin sa kanila. At makakaramdam ka ng mga pagsisisi dahil hindi mo na magagawa ang mga iyun.