Thursday, April 10, 2025

PANGLOKO, PAGKAKAMALI, KASALANAN

Sa kasalukuyang imbestigasyon sa mga pinaghihinalaang nagpapalaganap ng pekeng balita ay nalalantad ang mga hindi magagandang kwento at sikreto sa likod nito. Sa mga nangyayaring ito ay taas-noo ang aking pakiramdam dahil nagsisimula pa lamang ang mga pekeng balita noong 2010 ay isa na ako sa mga nagdududa at nagsasabi na propaganda ang mga ito.  Hanggang naging malala at mas laganap na ito bago mag 2016.


Ang pamamahayag ay iba sa propaganda. Kung ang una ay mayroong tamang tuntunin sa kumbensiyong lipunan, responsibilidad, at pananagutan,  ang huli ay kung ano lang ang pabor sa motibo. May sinusunod na protokol ang pamamahayag, samantala ang propaganda ay matuto lamang kung paano mag-sulat nang kaakit-akit.  Ang pamamahayag ay ang aking totoong pangarap nuong ako ay tutuntong pa lamang sa kolehiyo. Hindi man ako naging mamamahayag pero naging malapit at puso ko ang pagsusulat kaya ayaw ko na sinasalaula ang peryodismo.


Hindi tayo parating tama, pero sa akin, mas mabuti pa ang mga isinusulat ko na akala kong tama ngunit mali pala, kaya sa alam ko ng mali ay pinalalabas kong tama kasi wala naman akong intensiyong mang-gulo at hindi ako nagsisinungalin kundi nagbabahagi lang ako ng aking alam. Ito ang malaking ipinagkaiba ko sa mga taong mag-sulat ng huwad na balita upang kumita, upang mang-gulo, upang baguhin ang kasaysayan, at upang papangitin/pagandahin ang maganda/hindi magandang bagay. Kaya hinding-hindi ako makakapayag na mas masahol pa ako sa kanila dahil ako ay nagsusulat ng aking nalalaman samantalang sila ay nagsusulat lang dahil iyun ang ipinapagawa sa kanila DAHIL sila ay nagsusulat ng huwad at kasinungalinan.


Hindi sila mas mabuti sa akin dahil sila ay mas masahol pa sa mga hayop na walang damdaming makatao. Sinong may kunsensiya ang kayang paslangin ang reputasyon at kinabukasan ng ibang tao dahil lamang sa ito ay hadlang sa kanila, samantalang ang mga hayop ay handang manglapa lamang kapag ang pagkakaalam nila ay nasusukol sila.  Sila ay mas masahol pa sa mga magnanakaw na nagkakamal ng pera sa pagsisinungalin. Ang ginagawa nilang panglilinlang sa mga tao na walang kamalay-malay sa totoong pakay sa kanila ay pagnanakaw ng isipan ng mga mambabasa, at ninanakawan din sila ng sana ay magandang kinabukasan na hindi sana nila tatahakin ang mali kung tama ang kanilang naging kaalaman.  Sila ay mas masahol pa sa mga bandidong grupo at makakaliwa na naghahasik ng kaguluhan at takot sa paraang harap-harapang nilalason ang isip ng mga mambabasa. At sila ay mas masahol pa sa mga tunay na traydor sa bayan dahil sa likod ng kanilang ginagawa ay naruon ang totoong motibo na baguhin ang nakaraan at ang hinaharap ng bayan.


Libangan ko ang pagsusulat na hindi ko pinagkakakitaan bagkus ay paraan ko ito ng pagtulong sa ibang tao sa pamamag-itan ng tulong na may kinalalaman sa pagsusulat, o isa pang paraan upang makapagbigay ng inspirasyon sa mga mambabasa.


Karangalang mangibabaw sa larangan ng pagsusulat ang pangarap ng bawat totoong alagad ng pagsusulat, samantalang pera, kasikatan, kapangyarihan - ito ang mga tropeo na hangad ng mga propagandista at ito rin ang langis na nagpapagana sa kanila. Lagi, ang pagsisinungalin ay kapatid ng magnanakaw, at lagi ang mali ay hindi maitatama ng isa pang mali.

No comments: