Simula nang mag-aral ako, kapag tinatanong ako ng mga guro ko kung ano ang aking pangalan ay kasunod agad niyon ay kaano-ano ko daw si Nora Aunor. Bilang isang bata ay wala akong maisagot. Tuloy-tuloy at walang palya ito tuwing kabubukas ng eskwela at kailangan magpakilala ang mga estudiyante. Hanggang mag-kolehiyo ako ay dala-dala ko ang ganitong tagpo tuwing kailangan kong sabihin o nabanggit ang aking apelyido.
Ang pagkakaalam ko lang ay taal na taga-Angono ang mga Villamayor. Malaki ang angkan na ito at kalat sa aming sinaunang bayan. May mga panahon nuon na basta kumandidato sa aming bayan ang isang Villamayor ay mananalo dahil sa dami nito at sa impluwensiya na rin. Ilan sa mga naging alkalde namin, kapitan at mga konsehal ay mula sa angkan ng mga Villamayor kaya kilala ang aking apelyido sa aming bayan. Nakakaramdam pa ako nuon ng "pagka-yabang" kapag may nilalakad ako sa aming munisipyo at kapag nagsusulat ako ng aking pangalan sa papel ay may pagmamalaki kong iniaabot yun sa tauhan ng munisipyo dahil iniisip ko na iisipin ng tao na yun na kamag-anak ako ni Mayor.
Pero si Nora Aunor, kaano-ano ko nga ba? Kaapelyido, iyun na lang ang isinasagot ko. Malamang ay magkamag-anak kami ngunit hindi ko yun sinasabi dahil hindi ko alam kung paano kami naging magkamag-anak.
Ayon sa kasaysayan, sinasabi na ang apelyidong Villamayor ay nagmula sa salitang Espanyol "Villa" na ang ibig sabihin ay 'lumang bahay', at "Mayor" na ang ibig sabihin ay mga naunang tao o lider. Ayon sa mga matatandang miyembro ng angkan, ang mga Villamayor ay nagmula sa rehiyon ng Bicol. Dahil sa paghahanap ng oportunidad at pagbuo ng pamilya, nakarating sila sa Quezon Province (Mauban, Quezon) at Angono, Rizal. Ang sikat na Pambansang Alagad ng Sining na si Nora Aunor ay isang Nora Cabaltera Villamayor sa totoong buhay na mula sa Iriga City.
Wala akong muwang sa usaping-artista nuong pumaimbulong nang napakataas ang karera ni Nora Aunor, bagamat naririnig ko ang pangalan niya sa mga usapan at ang kanyang mga sikat na tagalog na kanta sa radyo. Dahil na rin sa popularidad niya sa panahon na yun ay madalas naiuugnay sa kanya ang aking apelyido. Oo, may kaunting tuwa akong nararamdaman dahil kilala pala ng ibang tao ang aking apelyido. Hanggang duon lang ang aking naging pagkakaalam. Hanggang siya ay namaalam na ngayon, unti-unti ay lumalabas ang mga kaalaman na dapat ko pala talaga ikarangal na magka-apelyido kami. Ang kanyang ambag sa industriyang kanyang ginagalawan at sa lipunan, ang mga parangal na natanggap, at ang kababaang-loob at mapagbigay na pagkakakilala sa kanya na iniwan niyang pamana sa ating mundo. Ngayon, naiisip ko na magkalayo man ang aming kinagisnan at kinalakihan, hindi ko na kailangan malaman kung paano ba kami naging magka-apelyido dahil higit sa ano pa man, ang pagiging payak na tao ang nagiging pagkakakilanlan ng aming pagiging magkamag-anak. At hindi man ako naging marunong kumanta may magkaparehong dugo na nananalaytay sa amin. Iyun ay ang aming natural na talento sa larangan ng sining, ito man ay musika, pagpipinta, at pagsusulat.
credit to Mr. Ding Villamayor's facebook from Los Banos Laguna para sa apat na pangungusap na ginamit.
No comments:
Post a Comment