Monday, December 29, 2025

TAHANAN

Nung araw na sa Pilipinas pa ako nagtratrabaho, ayokong lumayo o umalis sa sinilangan kong bayan kasi gusto ko ang lugar namin, gusto ko ang mga tradisyon ng aming bayan, narito ang mga kinasanayan ko, at narito ang mga tao na kaibigan, kababata, nakasabayan, nakilala at nakasama ko. At isa pa, bahagi na rin ng pagiging makabayan ba.


Kaya nung mga unang taon na ako ay nagtratrabaho na sa ibang bansa ay plinano ko na kung magkakaroon ako ng sarili kong bahay sa loob din ng aming bayan ang gusto ko. Ngunit sa paglipas ng mga taon, nalilibang ako sa kinaroroonan ko, nagugustuhan ko ang aking lugar, at nararamdaman ko na nasasanay na akong malayo sa aming bayan. Tuwing bakasyon ko kada taon, sa paulit-ulit kong pag-uwi at pag-alis, tumatagal ay nararamdaman ko ng nagbabago na ang lugar at mga tao sa amin. Marami na akong hindi kakilala at hindi rin ako kilala, marami na akong mga hinahanap na hindi ko na makita. Bagamat naroon pa rin ang aming lumang bahay ay nagbago naman ang mga kapit-bahay at kapaligiran na nakikita ko. Ang mga tao ay nagdadatingan at umaalis lang kaya parang nawawala na yung mga gusto ko at hindi ko na rin hinahanap iyung mga dati kong kinasasabikan. 25 taon na akong malayo sa aking bayan, nasa kalahati ng buhay ko ay wala ako, kaya parang hindi na ako yung dati ng naririto pa ako. Kaya naging maluwag na sa loob ko na manirahan na kahit sa ibang bayan kasi hindi na rin naman iyun ang dating lugar na naruruon ang mga hinahanap ko. Parang wala na ako gustong babalikan na kinasasabikan ko dati dahil nag-iba na: ang aking interes, ang aking plano, ang lahat. NAGBAGO na, at nagbago na rin ako.


Ngayon ay binubuo ko ang aking magiging bagong mundo. Hindi sa bayan na aking kinalakihan na minahal ko ng sobra at totoo. Kahit hindi man ito sa aming bayan na lugar ng mga kamag-anak ko ay wala na akong nararamdamang bigat ng loob sa paglayo ko. Ngayon ay nasimulan na itong maitayo, pinipilit kong matapos sa darating na taon, at sa susunod na taon ay mapunan na ng mga gamit. Gusto kong magkaroon dito ng mga bagay na aking kinalakihan. Ang katahimikan, ang pagiging mapag-isa, ang maaliwalas na kapaligiran, ang interes ko sa mga halaman, at ang mga kulay na nagsasabi ng aking ugali at pagkatao. At ng sa ganun na paraan man lang ay mabalikan at makasama ko ulit iyung mga nawala sa akin habang ako ay nawala sa aming bahay.


Ang buhay ay walang kasiguraduhan. Hindi permente ang mundo, marami ang nagbabago. Nagbabago ang ating ugali, mga prinsipiyo, at ang mga plano natin. Hindi dahil mali ang mga dati mong paniniwala kundi dahil iyun ang mga kailangan mo dati at nakatulong ang mga iyon upang magbago ang kaisipan mo ngayon. Kung kailangan ng pagbabago, tanggapin at yakapin ito. Hindi masama ang pagbabago kung hindi naman ito nakakasira. Hindi masama ang umalis, hindi masama ang lumayo. Hindi kataksilan ang mang-iwan, hindi karamutan ang mag-isa. Kailangan lang tanggapin na kapag wala na ang kasiyahan sa puso mo ay maaari ka ng magsimula muli ng panibagong yugto ng iyong buhay.

Saturday, December 06, 2025

DIWA NG NOCHE BUENA

Ang isang ahensiya ng gobyerno ng Pilipinas ay nagpahayag na ang 500 piso ay magkakasya sa noche buena.

Sa tanong na kung kaya ba ang 500 pesos na pang-noche buena, ang sagot ay hindi ito isang sagot na oo o hindi. 

Hindi ito para sa lahat kasi depende kung ano ang gusto mo at kung sino ang mga magnonoche-buena.

Kung magarbo ka sa paghahanda kahit na tatlo lang kayo na kakain ay hindi ito kakasya. Kung interesado ka sa noche buena na dapat maraming pagkain, hindi ito para sa iyo.

Kung kahit simpleng pancit at pandesal lang pero walo naman ang miyembro ng pamilya, siguradong hindi kakasya.

Kung ang isang tao ay nagbabayad ng 150 piso sa sikat na fastfood chain sa simpleng ispageti na may kasamang piniritong manok at malamig na inumin, bakit hindi ito magkakasya sa isang pamilya na may tatay, nanay, at isang anak na tig-150 piso bawat isa?

Kaya ang tanong ay ano ba ang gusto mo? Yung sobra-sobra ba para may makakain pa rin kinabukasan? Iyung parang magmumukbang ba? Iyung pangmayamang menu ba? Natural hindi kasya ang 500 piso.

Yung sakto na may makakain lang na salo-salo ang lahat sa hating-gabi? Malamang magkasya dahil hindi ka naman maghahanda pa ng higit pa sa ispageti at tinapay o pritong manok kaya.

Higit sa kung magkakasya ba ang 500 piso na noche buena, siguro paminsan-minsan, halimbawa ngayong taon lang, ay subukan natin maging simple para maiwasan natin ang maging materyalismo. Kailangan ba talaga na umaapaw ang hapag kainan ninyo sa dami ng putahe tulad ng morcon, kare-kare, pancit, mga loaf bread, ibat-ibang prutas, may mga inumin, at may pa-lechon pa. Hindi na magkasya ang mga pagkain sa lamesa para sa pamilya ng may tatlong anak habang nasa ibang bansa ang nanay o tatay. Sa dami nito ay may mga natitira, natatapon, nasisira. At sa kagustuhan maubos ay ipinimigay na lang o pinipilit makain kahit nakakarami na ng mga mga mamantika at matatamis.

Natural ang ikakatwiran ng iba ay minsan lang naman daw ito sa isang taon pero sigurado hindi isang beses lang sa isang taon na ikaw ay nagpapakabusog sa pagkain. 

Ang daming hindi nakakakain pero ikaw isang gabi lang piyestang-piyesta sa kusina ninyo. Oo hindi mo kasalan kung ikaw ay may pambili at ang iba ay walang pang-handa pero ang punto dito ay ang pagiging makamundo at materyalismo ng tao na bakit nagiging paligsahan, padamahihan, kaluhuan, at sukatan ng estado sa buhay ang nakahain sa lamesa tuwing noche buena?

Sa hindi kariwasaang pamilya na may tatay, nanay, kuya, at ate na maliliit pa, ang 500 piso para makapagluto ng ispageti at bumili ng tinapay para lang may makain na mapagsasalu-saluhan sa noche buena ay maaaring makaraos ng pang-noche buena. Sa mga pamilya na walang-wala, ang 500 piso na sa araw-araw ay pahirapan makuha, ito ay malaking bagay.

Tandaan: ang diwa ng noche buena ay salusalu sa pagkain at hindi magpakapiyesta sa pagkain at magpalango sa inumin. Kung ang noche buena ay nagiging luho na sa halip na makakain lang nang sama-sama ang buong pamilya, duon nagiging bale-wala ang totoong kahulugan ng noche buena.