Sunday, March 28, 2010

SA MGA TAONG PASAKALI

May mga taong napakadaling mag-salita at mag-puna sa mga nangyayari sa paligid ngunit kapag sila na ang nasa ganoong sitwasyon ay kinakain na nila kung ano ang kanilang sinabi.  Sila yung mga taong mapang-puna, mapangpintas, mapanghusga, at mapagsalita ng tapos.  Huwag magsalita ng tapos - ang taong dumura sa langit, sa mukha ang lagapak.

Kung hindi kayang panindigan ang mga sinasabi, huwag na lang magsalita.  Nagbibitiw ka ng mga salitang pamimintas tungkol sa ginagawa ng isang tao na para sa iyo ay hindi dapat gawin.  Kung para sa iyo ay hindi sapat ang kanyang dahilan, maaring siya'y nagigipit, nahihirapan o napipilitan kaya niya nagagawa ngayon ang bagay na para sa iyo ay hindi sapat na dahilan upang gawin, ngunit sa kanya ay malaking dahilan ang pagkapit nya sa patalim.  Huwag kang magsalita dahil baka bukas-makalawa ay mapilitan kang gawin din ang kanyang ginagawa ngayon.  Wala ka kasi sa kinalalagyan niya kaya hindi mo nararamdaman ang pangangailangan niya.  Wala ka sa sitwasyon niya kaya hindi mo maunawaan kung ano ang dapat gawin ng isang taong nagigipit, nahihirapan o napipilitan.

Huwag kang magsalita ng iyong mga galit at pintas sa  isang tao dahil baka dumating ang panahon na kailanganin mo siya o magpakumbaba ka sa kanya upang kuhanin ang simpatiya.  Kung ang isang tao ay nagkataong hindi mo katulad ang kinabibilangang grupo ay nagiging madali para sa iyo ang pagdisgusto sa kanya subalit sa sandaling biglang naging kapamilya mo ay mamumutawi sa iyong mga labi ang mga papuri.  Maaari rin naman na sa ngayon ay maraming magagandang salita ang nasasabi mo sa isang tao dahil kasama mo siya subalit sa sandaling magdesisyon siyang magkaraoon ng pagbabago sa buhay, maaring sa pananalapi o sa hanap-buhay, ay nakikita mo na ang mga kapangitan at nasasabi mo na ang mga kamalian niya.  Na tila sa bawat kanyang kilos, salita at pangyayari sa kanya ay mayroon kang mapupuna.  Ang lahat ng iyon ay dahil sa katotohanang hindi na kasi kayo magka-ibigan, magkasama o magka-dikit sa buhay.

Huwag magsalita ng tapos.  Ito ang pinaka-aral ng ating buhay.  Dahil karamihan sa mga taong nagsasalita ng tapos ay kinakain ang kanyang sinabi.



Alex V. Villamayor
March 2010

No comments: