Disclaimer: Parental Guidance
(Ang sumusunod na kwento sa ibaba ay halaw mula sa isang katanungan ng isang kaibigan: “Bakit may mga taong parang langaw na dumapo sa kalabaw?)
Mula sa pagkabata pa lang ay itinuturo na ng mga magulang sa kanilang mga anak ang tamang pakikipagkapwa-tao. Ang ugali mo sa loob ng bahay, dala-dala mo hanggang sa labas. Kung ano ang iyong mga nakaugalian, nakahiratian at nakalakihan ay siya mong ginagawa ngayon. Maaaring hindi ka nakinig, hindi naturuan, o maaring mali ang naituro ngunit ang ugali na nakuha mo nung ikaw ay bata pa ay nababago pa rin sa pagtanda mo kasabay ang mga bago mo pang matututunan. Ngunit kung ano ang ugali na pinili mong isabuhay ang siyang mangingibabaw sa iyong pagkatao.
May mga tao na maihahalintulad sa isang langaw na nang dumapo sa ulo ng kalabaw ay mas mataas pa ang tingin kaysa sa kanyang tinutungtungang kalabaw. Ang isang tao kapag hindi naturuan ng kanyang magulang ng pagiging mapagpakumbaba, mapagparaya, at pagiging simpleng tao ay nagiging mataas ang tingin sa sarili kapag nabigyan ng pagkakataon na maging makapangyarihan at malakas. Mula sa kahinaan, kapag napalapit sya sa isang tao na makapangyarihan, mapupuna mo na mas agresibo pa siya kaysa dun sa makapangyarihang tao na malapit sa kanya. Masasabi mo na kung sino pa yung kanang-kamay ay siya pang mas matapang, kung sino pa yung alalay ay siya pang mas mapostura, mas maraming sinasabi, at mas mahigpit kaysa sa kanyang amo.
Kapag ang mga taong tulad niya ay kinupkop ng isang mayaman at makapangyarihang tao at binigyan ng pagkakataon na maging malakas at makapangyarihan, asahan mo na magkakaroon na siya ng lakas ng loob at tiwala sa sarili – ngunit sumosobra ang paniniwala niya sa sarili, dahil mayroong magtatanggol sa kanya. Alam niya na ang kanyang kinalalagyan ay nasa isang mataas at matibay na sandigan, kaya nagagawa niya ang magni-obra ng nangyayari. Nagkakaroon siya ng pakiramdam at paniniwala na katulad din siya ng taong kumukupkop sa kanya na may kapangyarihan. At sasabihin mo, nakatuntong lang siya sa ulo ng kalabaw ay akala mo ay kung sino na siyang magsalita, kumilos, at mag-isip.
Ang biglaan niyang pag-angat, pagkakaroon ng kaginhawahan, at pagkakapunta sa itaas mula sa matagal na pagtitiis sa kahirapan at paghihintay mula sa ibaba ang nagiging dahilan upang samantalahin nya ang tinatamasang kapakinabangan at namnamin ang kasiyahan at kabutihang dulot ng pagiging makapangyahiran. Dahil din sa kanyang walang kasanayan sa bagong buhay, ang biglang pagbabago sa pamumuhay niya ay hindi niya nakakayanang hawakan. At higit sa lahat, ang turo ng kanyang magulang tungkol sa kabutihang asal at ang Mabuting Salita kung ano man ang paniniwala niyang sinusunod ay hindi niya natutunang isabuhay.
Sa isang banda, maaari nating sabihin na sa kadahilanang siya ang kanang-kamay ay siya ang maaring gumawa ng mga hindi magawa ngunit nais gawin ng kanyang amo. Kaya bukod sa sarili niyang pamamaraan ng pagiging makapangyarihan ay lumalabas na adelantado, impremedita, at presko siya dahil mas nagiging higit pa siya sa kanyang amo. Ang nangyayari kasi, humihigit pa siya na ang akala mo ay mas matalino, mas marunong, mas makapangyarihan pa kaysa sa taong nagtatalaga at nag-tuturo sa kanya. Hindi maisasaisang-tabi ang kaisipang ito ngunit malimit lamang ito dahil ang kadalasan ay likas na ugali na ng tao ang maging nasa itaas at ang manguna.
Mahalagang manatiling naka-yapak ang iyong mga paa sa lupa. Ang pagiging mapagmataas ng isang tao ay palantandaan ng kanyang iba pang hindi magagandang ugali na kanyang kinalakihan. Kasunod ng ganitong ugali ay ang pagiging mayabang, dominante, mapanghamak, at mapanghusga. Ang pagiging mapagkumbaba, mapagpasensiya, masunurin at mapang-unawa ay larawan ng pagiging mabuting pakikisama at simpleng tao. Kung hindi ka man naturuan ng mga magulang mo ng tamang pakikipagkapwa-tao at pakikisama, matututunan mo naman ang mga ito sa pamamag-itan ng sariling-pag-aaral.
Alex V. Villamayor
October 20, 2010