Friday, August 24, 2012

PAGPIGIL SA PAGDAMI NG MGA TAO


Tatlumpung taon na ang nakalilipas nang mabasa ko sa isang maliit na karatula sa isang tindahan ang mga katagang ito: Saan patutungo ang mundo sa pagdami ng tao?  At sa ibaba nito ay ang larawan ng ibat-ibang kahirapan ng mga Pilipino.  Nung mga panahon na iyon ay bata pa lamang ako ngunit nakadama na ako ng takot na ano nga ba ang mangyayari kapag napuno na ng mga tao ang mundo.  At nag-udyok pa nga sa akin ang karatulang iyon upang makapagsulat ako ng maikling sanaysay tungkol sa populasyon.  Nakakalungkot isipin na makalipas ang maraming taon ay naruon pa rin ang kaparehong katanungan.  Mula apatnapu’t walong milyong populasyon nuong simula ng dekada otsenta ay naduble sa mahigit siyamnapung milyon ang populasyon ng Pilipinas ngayon.  At nuong dekada rin na iyon ay pilit ng nilulutas ang kahirapang bumabalot sa buong bansa.  Ngayon, napakahirap ng sugpuin ang kahirapan dahil na rin sa hindi nakontrol na pagdami ng tao mula nuong dekada otsenta hanggang kasalukuyan.

Nabasa ko sa isang editoryal ang paliwanag kung bakit napakahalaga ang magkaroon ng pagpigil sa pagdami ng tao.  Napakadaling maintindihan kahit ng isang simpleng mamamayan ang pagpapaliwanag sa artikulong iyon.  Ang sabi, kahit hindi gaano mabilis na lumaki o lumago ang ekonomiya ng Pilipinas ay hindi masasabing naghihirap ang bansa kung ang mga tao ay tatlong beses kumakain maghapon, nakakapagpagamot kung maysakit, nakakapasok ang mga bata sa pampublikong paaralan.  Ito ay kung kakaunti ang populasyon na tumatanggap ng serbisyo ng pamahalaan.  Dahil kahit mabagal ang paglaki ng yaman ng bayan ay kaunti lang naman ang naghahati-hati.  Ang sabi pa sa naturang editorial, lumiliit ang sukat ng lupang taniman ng pagkain dahil sa mabilis na pagdami ng tao.  Ang nangyayari ay palaki ng palaki ang pag-angkat ng bigas, kinukulang na kasi ang ani ng mga nagtatanim ng palay dahil ang dating palayan ay kabahayanan na ngayon.  Nuon ay ang Pilipinas ang pinakamalaking nagluluwas sa buong mundo ng mga produkto ng niyog, ang pinakamalaking kalaban ng Brazil sa kalakalan ng asukal sa Amerika, at ang pinakamalaking tagapagdala ng mga troso sa Japan.  Ngayon ay nagmahal ang mantika dahil lumiit ang ani ng niyog, kulang na ang asukal sa bansa, ang materyales sa paggawa ng bahay ay bakal at konreto dahil wala na ring kahoy sa bundok – ang mga ito ay dahil wala ng mapagtaniman dahil nagiging kabahayanan ng mga dumadaming iskwater ang mga lupain.

Napakalaki ng epekto ng mabilis na pagdami ng tao sa kahirapan ng buhay.  Habang dumarami ang bilang ng mga tao ay bumababa naman ang kalidad ng pamumuhay.  Nariyan ang kahirapan, kawalan ng hanap-buhay, maruming kapaligiran at ang mga napipilitang gumawa ng krimen dahil sa kahirapan.  Mula nuong dekada otsenta ay mahigit apatnapung milyon ang nadagdag sa kailangang arugain ng pamahalaan.  Kung gaano man ang iniunlad ng ating ekonomiya mula nuong dekada otsenta ay nabale-wala ang halaga at hindi nararamdaman ang kaginhawahan dahil mabilis na dumami ang mga tao na nakikipag-agawan sa nagkukulang na serbisyo ng gobyerno.  Mahalaga ang bilang ng populasyon ng isang bansa upang magkaroon ng mapayapa at magandang buhay ang kanyang mamamayan.  Kung hindi sana naduble ang populasyon, nagpapakasaya sana ang taong bayan sa iniunlad ng ekonomiya sa loob ng 30 taon.  Nakakapagtaka pa ba kung bakit patuloy ang paglaki ng kahirapan?  Ang mga tao na rin ang may kasalanan dahil walang kontrol sa pagpaplano ng pamilya kaya dumadami ang mga nangangailangan.  Kailangan na ng puspusang pag-kontrol ng populasyon, anuman ang paraan natural man o artipisyal.  Kung tatangkilikin ng mga tao ang isinusulong ng pamahalaan, o kung susundin nila ang gusto ng Simbahan na tanging pag-abstinensya lamang ang katanggap-tanggap na pag-plano ng pamilya ay nasa taong may-pagmamalasakit at responsobilidad sa mga anak na ang pagpapasya.  Sa pagtatapos ng araw, ang mag-asawa pa rin ang bubuhay sa kanyang mga anak.

Karamihan sa mga pamilyang dumaranas ng kahirapan ay iyung may maraming anak.  Mayroong dalawang mag-anak na magkapareho ang kinikita ngunit magkaiba ang dami ng anak.  Ang una ay may isang dosenang anak na nag-aagawan sa kita ng mag-asawa samantalang ang ikalawa ay may dalawang anak lamang na nakikinabang sa kita ng mag-asawa.  Mas maraming anak – mas maraming kailangang iluto, mas maraming pag-aaralin, mas maraming inaala-alang kalusugan, mas maraming ibinibigay na pangangailangan.  Samantalang ang may dalawang anak ay mas maraming pagkain, maliit ang gastos sa pag-aaral at asikasong-asikaso ang kalusugan ng mga anak.  Kung sa halimbawang ito ay inilagay sa magkaparehong kita ang dalawang mag-anak, gasino pa kaya kung ang mag-asawang maliit ang pamilya ay kumikita ng mas malaki na kadalasan ay siyang nangyayari?


Pagpigil sa Pagdami ng mga Tao
Ni Alex V. Villamayor
August 23, 2012

No comments: