Sunday, March 10, 2013

PAHIRAM NG SANDALI

Sa pagpapahalaga mo sa isang tao, ang isang bagay na mahalaga sa iyo ay makakaya mong isakripisyo para sa kanyang kasiyahan.

Ang hangad mong makita at malaman na siya ay nagtatamo ng kabutihan at kagandahan ng iyong ipinauubaya ay isang malaking bagay para sa iyo. 

Nagtitiis ka ng sandaling paghihirap, kalungkutan at kakulangan ngunit binabale-wala mo ang mga ito kung ang kapalit naman niyon ay para sa iyo ay ang mas malaking bagay sa taong iyong pinapahalagahan.

Ang oras ninyong dalawa na magkasama, kakailanganing mawala muna at magkahiwalay pansamantala upang paglaanan ng oras ang ibang mahalaga ring bagay ng isa sa inyong dalawa.

Ang pagharap at pagtanggap sa katotohanang mas kailangang mangyari ang ganuon kapag ikaw ay nagpaubaya ang nagsasabi ng iyong mas malaking pagmamalasakit sa inyong dalawa.

Kahit hindi maganda para sa iyo ang paghihiwalay ay kaya mong ibigay ang sandaling iyon ng kalungkutan kung ang taong mahalaga sa iyo ay may mas matagalang kasiyahan ang makakamit.

Kaya mong ipahiram ang sandali ng iyong kalungkutan at ipaubaya ang iyong kapakanan para sa isang taong mahalaga sa iyo.


Kaya mong ipahiram sandali ang iyong kaligayahan dahil ang inyong pagkakaibigan ay maliit lamang kung ang katumbas niyon ay ang kapanakan naman ng mga mahal sa buhay ng taong iyong pinapahalagahan.

Kung ganuon ang nangyayari, ikaw ang lumalabas na mas nagpapahalaga ng inyong pagsasama.

At kapag ganuon, kahit ikaw ay nagkakaroon ng kasiyahan kapag sa ikasisiya ng taong iyon ang naidudulot ng nangyayari.

Dahil ang totoo, ang makita mong labis ang kasiyahan ng taong mahalaga sa iyo ang siya naming magbibigay ng kasiyahan sa iyo.  Kaya sa iyong tinitiis na pagsasakripisyo ay mayroong balik ng kasiyahan kang nararamdaman.

Sandali lang naman, ipinauubaya mo na ang sandaling magawa naman ng isang tao ang kanyang ikasisiya dahil hindi lahat ng bagay ay kailangang nakasalalay sa kagustuhan ng isa.

Dahil ang bawat isa sa atin, mag-asawa man, magkaibigan at magkasama ay kailangang mayroon pa rin puwang para sa sarili niya.  Hindi dapat saklaw ng isa ang isa sa mga bagay na napakapersonal maging kayo man ay iisa sa puso, sa isip at sa gawa dahil hindi natin pag-aari ang sino man sa ating kapwa.




Ni Alex V. Villamayor

March 9, 2013

No comments: