Wednesday, March 27, 2013

SEMANA SANTA


Ngayong Semana Santa ay nagnilay-nilay ako tungkol sa mga nangyayari sa ating kapaligiran, tradisyon at paniniwala.  Naisip ko ang ating mga kinagisnang bagay kung ano na ang kalagayan ng mga ito sa makabagong panahon.  Anu na nga ba ang Mahal na Araw nuon at Mahal na Araw ngayon?

Sa aking palagay ay mas  malalim ang pagdiriwang ng Mahal na Araw nuon kaysa sa ngayon.  Natatandaan ko nuong ako ay bata pa ay mahigpit na sinasabihan ng mga magulang ang kanilang mga anak na tuwing Semana Santa ay iwasan ang mga kaguluhan, kasiyahan, at kaingayan.  Ang madalas sabihin ng ina ng aking ama sa aming mga apo niya ay huwag maglaro, magtawanan sa pagkukuwentuhan, malakas magsalita,  kahit ang pakikinig ng radyo na kung makita, marinig o malaman niyang hindi namin sinusunod ay agad kaming sinasaway at siguradong kagagalitan niya kami pati ang aming mga magulang.  Ang mga iyon ay bilang pagbibigay galang sa okasyon, pagkilala sa ginawa ng Diyos sa sanlibutan, at pakikiramay sa aming pinapaniwalang Panginoon.  Ginagawa ang mga ito taon-taon kahit sa loob ng anim na araw man lamang.

Kahit ang aking ama at ina ay sinasabihan niya na tumigil sa paghahanap-buhay kahit sa Banal na Araw ng Biyernes Santo man lang dahil ang araw na iyon ay kailangang ilaan sa pangingilin.  Mula sa loob ng bahay hanggang sa labas ay ramdam ko ang pakiki-isa ng sambayanan.  Kapag Huwebes at Biyernes ay siguradong walang nagbubukas namalalaking tindahan (kahitnaangmaliliit), nagsasara ang mga pasyalan, ang estasyon sa radyo ay walang signal at wala halos napapanood sa telebisyon kundi ang mga panoorin na tumatalakay sa Katolikismo.  Walang paglilibang kahit ang pagsusugal at pag-inom ng alak.  Puno ang mga simbahan para sa Visita Iglesias, at higit sa lahat ay ang mahigpit napag-iwas ng mga tao sa pagkain ng mga lutuing mula sa laman ng baboy, baka, manok at ibang karne ng mga hayop.
  
Sa Angono na aking bayan ay mayroong tinatawag nuong araw na Dakipan, dinarakip ang sinumang makita na natutulog sa gabi ng Huwebes Santo.  Ang Dakipan ay ginagawa sa aming bayan bilang pag-aalaala sa ginawang pagdakip sa Panginoong Hesukristo nang ipinagkanulo ni HudasEskaryote.  Sa bulwagang-bayan ay may ginaganap na Senakulo na sa mga araw ngayon ay bihira o hindi na ginagawa.  Mayroong mga penitensiya na nakikita pa rin sa ngayon maliban sa ang penitensiya nuon ay isang panata at hindi isang palabas na nagpapagandahan ng costume at tumatawag ng eksena o manonood.  Mayroong mga tuloy-tuloy na Pabasa sa kabi-kabilang kabahayan mula Lunes Santo hanggang gabi ng Biyernes Santo, dagsa ang mga nanunulungan mula sa pagluluto hanggang sa pag-eestima ng mga nagdarasal at dumadalawsa Santo.  Mayroong ginaganap na pagbabantay sa Poong Nakahiga.  Mula sa hudyat ng mga Palaspas, maraming prusisyon ang nagaganap sa buong bayan kasamana ang Istasyon ng Krus, ang Dominggo Ramos, ang prusisyon sa gabi ng Miyerkules Santo at Biyernes Santo hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay.  Ang natatandaan kong mga Imahe ng Santo nuong araw ayon sa pagkakasunod-sunod sa prusisyon ay sina San Pedro, Maria Hakobe, Maria Salome, Santa Veronica, Maria Magdalena, San Juan, Hesus na Nakagapos sa Haliging Bato, Ang Nazareno, ang Inang Awa at ang Entierro kapag Biyernes Santo.


Sa paglipas ng mga panahon, sa pangkalahatan ay napansin kong nagbago na ang mga ito.  Kasabay ng pagbabago ng panahon ay nagbago na rin ang pagdiriwang ng Semana Santa.  Unang-una ay hindi na itinatanggi ang paghahanda sa mga Pabasa ng mga pagkaing luto sa karne.  Sa prusisyon ay marami ang nag-uusap, nagtatawanan, naka-bihis ng magagara at nasa-usong damit at watak-watak ang linya ng prusisyon.  Dahil na rin sa makabagong panahon, at dala na rin ng mabilis na takbo ng buhay ay nagdidikta ito ng pagbabago sa pagdiriwang ng Semana Santa.  Sa kasalukuyang panahon, dahil sa kahirapan ay kailangan maging abala sa pagtratrabaho upang mabuhay kung kaya’t nawawalan ng panahon para magpahinga.  At ang pagkakataong magawa ang makapagpahinga ay kapag dumating ang mahabang bakasyon sa panahon ng Cuaresma upang makapamasyal sa malalayong lugar, paliligo sa dagat, ang iba ay sa ibang bansa pa.

Kung sabagay ay nasa puso naman ang totoong pagtitika at pagninilay.  Ngunit sana ay huwag nating hayaaan na mawala sa atin ang tunay na diwa ng Semana Santa, at sana ay huwag tuluyang mawala ang mga kinagisnang magandang kaugalian kung saan tayo lumaki na isang mabuting tao. 


Nuong ako’y nasa sariling bayan pa natin, ang Semana Santa ang pinakagusto kong panahon sa buong taon dahil sa panahong iyun ay nagkakaroon ako ng mas taimtim na oras para makapagnilay-nilay.  Naging kaugalian ko na ito mula sa aking kinalakihan, magbago man ang aking kapaligiran ay hindi ko magagawang magpatianod sa agos ng makabagong-panahon kung ang nakasalalay dito ay ang kasagraduhan ng pinanghahawakan kong paniniwala.  Hinding-hindi ko magagawa ang magsaya sa gitna ng kalungkutan ng nakararaming mg atao.  Dahil kung mayroon man ang may sakit at naghihirap sa aking pamilya ay hindi ko magagaw ang isaalang-alang ang sariling kasiyahan.



Ni Alex V. Villamayor

March 27, 2013

Para sa Semana Santa 2013

No comments: